Sampaguita JOHN REY DAVE AQUINO
Nanginginig ang kamay ni Joshua habang ipinapasok ang susi sa doorknob. Tahimik ang buong apartment complex bukod sa pagkalansing ng mga susi habang hinahanap niya ang butas. Tulog na ang mga kapitbahay. Masyadong mabilis ang ritmo ng kanyang pulso at para bang lumulundag ang kanyang puso. Madilim ang terasa ng apartment kaya matagal bago niya napagtantong mali ang susing ipinasok niya. “Apartment mo ba talaga ‘to?” tanong ng lalaking kasama niya. Narinig niya ang ngisi sa tanong. Tumawa siya nang bahagya. Nabuksan niya ang pinto gamit ang tamang susi, at hinarap si Karl. “Welcome,” turan niya habang umaatras papasok. Binuksan niya ang ilaw, at sumunod sa kanya ang kaibigan. Sinuyod ni Joshua ng tingin ang kanyang sala. Mabuti na lang at naglinis siya ng kaunti nitong umaga kaya walang masyadong kalat, bagaman mayroon siyang gamit na pantalong nakasabit sa sandalan ng sofa. Nakaupo na roon si Karl at nakadipa sa ibabaw ng sandalan. Isinara ni Joshua ang pinto. “Bakit nakatayo ka lang d’yan?” tanong ni Karl. Tinapik niya ang puwang sa tabi niya, tinatawag si Joshua para umupo. Sumunod si Joshua sa sofa, subalit nag-iwan siya ng maliit na puwang sa pagitan nila. Hindi pa rin siya sigurado sa mga susunod na mangyayari, pero may bahagi niyang sabik sa malamang na mangyari. “O, ba’t ang layo mo naman?” tanong muli ng
kaibigan. Iniunat ni Karl ang kanyang braso at hinawakan si Joshua paikot sa baywang saka hinila papalapit. “Nasaan na nga tayo?” Pumikit si Joshua habang inilalapit ni Karl ang kanyang mukha. Nabawasan ang kanyang alinlangan nang magtagpo ang kanilang mga labi sa ikalawang pagkakataon ngayong gabi. Ilang taon na nga ba mula ang huling halik niya? Napakatagal na. Hindi niya alam kung anong gagawin sa mga kamay kaya nanatiling nasa tagiliran niya ang mga ito. Limang taong na mula nang mamatay ang kanyang asawa. Inilaan niya ang sarili sa kanyang trabaho at sa pag-aalaga ng anak na si Oliver. Wala siyang panahong maghanap ng romansa, ni hindi niya inisip ito, hanggang sa manghiram ng bente pesos si Karl sa kanya upang bumili ng turon sa kantina ng kumpanyang pinagtatrabahuhan nila. Naiwan daw nito ang wallet sa kanyang mesa. Hindi sila magkapareho ng palapag, at hindi rin naman madalas magtagpo ang kanilang mga department kaya hindi niya inaakalang hahantong sila sa gabing ito. Nang minsan silang magkita sa grocery, hindi niya maiwasang tingnan ang kabuuan ng katrabahong nakasuot ng V-neck at maong sa halip na unipormeng polo’t slacks ng kumpanya. Tuwing pumupunta siya ng kantina, nakaugalian niyang hanapin ang lalaking minsang nanghiram ng bente pesos kahit hindi sila magkakilala. Paminsan-minsan silang nakapag-usap mula noon. Saka lamang niya namalayang gusto na niya si Karl nang magkasabay silang magsimba. Pasmado’t nanginginig ang kamay niya habang kumakanta ng Ama
ALPAS Issue 5
|
79