3 minute read

Ang Regalo Kay Tonyo

Next Article
Limbo

Limbo

ARTHUR DAVID SAN JUAN

HINDI KO MAN maamin, batid kong gusto ko ring gumanda. Tuwing nag-iisa ako sa amin ay isinusuot ko ang dilaw na daster ni Inang sa harap ng salamin. Kada bisig na sumusuong sa karayagan ng damit ay tila ritwal ng transpormasyong gaya kay Usagi, bida ng Sailor Moon. Kulang na lamang na ibulalas ko ang, “Moon Crystal Power, Make Up!” habang hawak ang koloreteng nahugot sa tukador. Kung hindi ko lang ito itinatagong katauhan kay Inang, siguro ay matagal ko nang ginawa.

Advertisement

Alam kong hindi tamang maglihim lalong-lalo kay Inang. Lamang, wala akong maipong lakas ng loob upang ipagtapat ang katotohanan. Gayunpaman, tulad ng kahit anong sikreto, paglaon ay nabubunyag ang nakakubli.

Isang hapon ay napaaga ng uwi si Inang. Pagkabukas ng pinto, parehong napako ang paningin namin sa isa’t isa. Hawak ang lipstick, kagyat na nasimot ang lahat ng aking palusot.

Dala ng kakulangan ng badyet pambili ng laruan, hindi na iba kay Inang ang kaugalian kong pagdiskitahan ang kung ano-anong bagay na laman ng bahay: sirang plantsa, walis tambo, baling hanger, at iba pa. Bukod sa mga nabanggit, malimit na madampot ko ang beauty kit ni Inang na kung saan-saan naiiwan. Paborito ko ang maninipis na lapis na pandrowing ko ng tulay sa pagitan ng magkaaway kong kilay. Hindi naman naaalarma si Inang. Ito kasi ang gawaing kinalakhan ko bilang kaagapay sa trabaho niya sa barangay.

Dati, nang galugarin ko ang sewing box sa bahay, aksidenteng natusok ng karayom ang aking hinlalaki. Dali-daling pumatak ang tuldok ng dugo sa sahig. Tuloy sa pananahi si Inang. Banayad ang ekspresyon habang nakatuon sa punit ng damit. “‘Wag mong pigilin ang luha mo, Tonyo,” aniya. “‘Wag kang matakot.”

Ngayon, gumuhit ang malamig na pawis sa noo ko. Pinilit kong matawa; ipagsawalang-bahala ang nasabing alaala at kasalukuyang pag-aalala habang umiiling-iling na ipinaliwanag na para sa roleplay ng klase ang aking pagbabagong-itsura.

Hindi umimik si Inang. Tahimik akong bumalik sa silid para magpalit.

Nagkakaroon ako ng kalayaan lumabas tuwing walang kliyente si Inang. Binibisita ko ang kababata kong si Sheryl sa kabilang kanto. Lagi niyang kayakap ang manikang padala ng Tita niyang OFW. Sa sala nila kami nagbababad sa samut-saring anime. May pagkakataong maski ako ay napakapit sa laruan niya habang nanunuod. Nangyari ito minsan nang napilitan si Usagi na ilantad kay Mamoru, kanyang ka-love team, na siya si Sailor Moon upang protektahan ito sa kapahamakan.

Noon kami inabutan ng kuya ni Sheryl na nakatutok sa TV. Pawisan ang buo nitong katawan lalo ang kilikili. Halatang kakagaling lang sa court. “Ano ‘yan, barbie?” bungad niyang tanong. Nanatili akong walang kibo.

“Mahilig ka pala sa ganito, Tonyo?” todo-ngisi nitong pahabol. “Bading ka siguro.”

“Hindi ah!” kagyat kong sagot. Nagitla si Sheryl. Maski ako ay nagulat sa tono ng pananalita ko. Sa hiya, nagmamadali akong lumabas nang walang paapaalam.

Kinagabihan, magdamag kong pinag-isipan ang paratang ng kuya ni Sheryl. Habang nakatalukbong ang kumot buong gabi, napagtanto kong hindi ko maimagine ang sariling nagpapakatotoo.

Kinabukasan sa silid-aralan sinubukan kong patigasin ang kilos ko upang takasan ang pagpansin ng mga bully. Pag pumipilantik ang mga daliri ko tuwing recitation, agad kong ibinababa ang kamay ko. Sa lansangan pauwi ginapang naman ako ng takot dulot ng bulyawan ng mga lasinggero. Ano na lang ang mangyayari kung mabulilyaso ang aking pagpapanggap? Alam kong naaapektuhan na si Inang ng mga tsismis ukol sa kanyang unico hijo. Naririnig ko ang mga nanghihinayang komento ng mga kostumer niyang nagpapa-pedicure sa bahay. Ang kwentuhan kasing nag-uumpisa sa pagiging honor student ko, madalas nauuwi sa pagka-malambot ng aking katawan.

Lumangitngit ang lumang gate ng bahay. Ibinaba ko ang mga mata ko sa aninong nakatayo sa aking harapan. “Tonyo,” panimula ni Inang. “May inililihim ka ba sa akin?”

Nabato ako sa pagkakatayo. Inihanda ko na lamang ang sarili sa anumang paparating—hanggang sa napapikit ako sa tindi ng kabang kumabog sa dibdib.

Marahang ginulo ni Inang ang buhok ko. Natigilan ako. Nagtataka iniangat ang ulo.

Inilabas ni Inang ang maliit na kahon sa kanyang likuran. Natulala ako sa kanyang tangan sa kamay. Tiningnan ko si Inang nang ilang sandali, saka siya niyakap nang kay higpit sa beywang bago ibaon ang mukha ko sa kanyang tiyan. Hindi ko na napigilan ang aking nararamdaman.

“‘Wag kang matakot, Tonyo,” bulong niya. “Andito lang ang Inang para sa ‘yo.”

Hawak ang regalo, sabay kaming pumasok sa loob ng aming tahanan.

This article is from: