Ang Regalo Kay Tonyo ARTHUR DAVID SAN JUAN
HINDI KO MAN maamin, batid kong gusto ko ring gumanda. Tuwing nag-iisa ako sa amin ay isinusuot ko ang dilaw na daster ni Inang sa harap ng salamin. Kada bisig na sumusuong sa karayagan ng damit ay tila ritwal ng transpormasyong gaya kay Usagi, bida ng Sailor Moon. Kulang na lamang na ibulalas ko ang, “Moon Crystal Power, Make Up!” habang hawak ang koloreteng nahugot sa tukador. Kung hindi ko lang ito itinatagong katauhan kay Inang, siguro ay matagal ko nang ginawa. Alam kong hindi tamang maglihim lalong-lalo kay Inang. Lamang, wala akong maipong lakas ng loob upang ipagtapat ang katotohanan. Gayunpaman, tulad ng kahit anong sikreto, paglaon ay nabubunyag ang nakakubli. Isang hapon ay napaaga ng uwi si Inang. Pagkabukas ng pinto, parehong napako ang paningin namin sa isa’t isa. Hawak ang lipstick, kagyat na nasimot ang lahat ng aking palusot. Dala ng kakulangan ng badyet pambili ng laruan,
10
|
ALPAS Issue 5
hindi na iba kay Inang ang kaugalian kong pagdiskitahan ang kung ano-anong bagay na laman ng bahay: sirang plantsa, walis tambo, baling hanger, at iba pa. Bukod sa mga nabanggit, malimit na madampot ko ang beauty kit ni Inang na kung saan-saan naiiwan. Paborito ko ang maninipis na lapis na pandrowing ko ng tulay sa pagitan ng magkaaway kong kilay. Hindi naman naaalarma si Inang. Ito kasi ang gawaing kinalakhan ko bilang kaagapay sa trabaho niya sa barangay. Dati, nang galugarin ko ang sewing box sa bahay, aksidenteng natusok ng karayom ang aking hinlalaki. Dali-daling pumatak ang tuldok ng dugo sa sahig. Tuloy sa pananahi si Inang. Banayad ang ekspresyon habang nakatuon sa punit ng damit. “‘Wag mong pigilin ang luha mo, Tonyo,” aniya. “‘Wag kang matakot.” Ngayon, gumuhit ang malamig na pawis sa noo ko. Pinilit kong matawa; ipagsawalang-bahala ang nasabing alaala at kasalukuyang pag-aalala habang umiiling-iling na ipinaliwanag na para sa roleplay ng klase ang aking pagbabagong-itsura.