
1 minute read
Mga Maikling Kwento
AYOKO SA PAROLA!
Malakas ang kabog ng dibdib nang marinig ang nakagigitlang anunsyo, papalag ako, lalaban ang aking damdamin. Ayoko. Buong pagkatao'y isinisigaw ito, promise, ayoko sa Parola. Nangangapa…ay hindi, tiyak talagang mangangapa. Hindi biro ang susuungin. Marami ang pagdaraanan. Tila ang isang sundalong matapang at may bala ay kinabahan. Oo, kabado ako. Nagsimula ang lahat sa pagpasok sa sulok na bago sa aking paningin. Malamya ang araw. Hindi ko mahagip ang kaunting pag-asa na posibleng magpapasigla ng araw. Mula ngayon, araw-araw na ito, dito na ako, totoo ba? Baka puwede pang umapela. Baka puwedeng sa iba na lang, sa kaniya na lang ulit. "Kasi sabi po ni Gng ay ganito, ganito raw po ang dapat gawin." Banggitin ba naman sa harap ko. Ako ay parang bagong silang na kinumpara sa isang dalubhasa na sa larangang ito. Ang akin na lang ay gusto kong matuto. Hindi ako papayag na huminto na. Baguhan ako rito, pag-iigihan ko. Ito na nga, pagsasanay at Press Conference sa Distrito…unang sumabak, mas kabado, pero sa pagkakataong ito, nakakaaninag ako ng tagumpay. Oo tagumpay... dahil ang mga sulong inapoyan ay marubdob ang kagustuhang manatili at tumatak ang pangalan. Ang usapan sa pagsasanay, kahit makaisa man lang at mapag uwi ng ngiti, karanasan at ala-ala. Plus 1 na lang na may tangang puwesto sa balikat nila. Umaatikabong mga sandali ang sumunod na kaganapan. Dibisyon na. Mas malawak. Mas nakaka-pressure, maigting at malalim ang kagustuhang maiangat ang aming hanay. Oo, kasama ako. Ako ang Tagapayo ng Parolang sa simula ay ayaw ko. Ngayon binaliktad ang kuwento, nabasag ang damdamin kong panay tanggi sa loob. Pumukol ng samu't saring ala-ala ang mga batang mamamahayag. Bawat isa sa kanila ay kumpleto sa aking pagkatao. Ina ako ng Parola, ina nila ako. Ayoko sa Ang Parola, dahil hindi ko na ito kayang bitawan pa. Hindi ko kayang pabayaan ang mga batang ito na kumpleto sa akin. Hindi ko kayang pabayaan ang mga batang ito na kumpleto sa akin. Hindi ko na sila kayang pabayaan, sila ang buhay ng Ang Parola, sila, walang iba... Oo, sila, ako at ang sulok ng Parola, kumpleto na.
Advertisement