10 OPINYON
LATHALA BLG. IV TOMO BLG. V NOBYEMBRE - DISYEMBRE 2020
Ang Katotohanan sa New Normal sa Pambulikong Paaralan
I
tinuturing na 21st century learners ang mga mag-aaral sa henerasyong ito dahil umano sa kanilang adaptive abilities, at ang pagkaangkla ng kanilang pamamaraan ng pagkatuto sa teknolohiya. Noong araw, nasubukan nating pag-aralan ang mga paksa kasama ang matinding gabay ng ating mga guro sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Ngunit sa panahon ngayon, ang mga magaaral ang siyang nagsisilbing kani-kanilang mga personal na guro sa apat na sulok ng kanilang mga tahanan. Ito ang kinalalagyan ng mga estudyante sa pagsibol ng new normal at sa pagbukas ng panibagong akademikong taon. Sa kalagitnaan ng krisis na dulot ng COVID-19, isiniwalat ng Department of Education (DepEd) ang kanilang plano sa pagpapatuloy ng klase sa pamamagitan ng blended learning na binubuo ng online learning kasabay ng pagbibigay ng mga modyul o CAPSLET (Capsulized Self-Learning Empowerment Toolkit). Isang kadahilanan dito ang mithiin na maibigay pa rin ang karapatan ng mga kabataan sa libreng edukasyon sa kabila ng pandemya. Subalit, kasabay nito ang mga pagsubok na siyang kinakaharap sa mga pampublikong paaralan. Nang mapagdesisyunan ng DepEd na simulan ang akademikong taon noong ika-24 ng Agosto, ipinangako ng ahensya ang matinding preparasyon at ang pagsasaalang-alang ng mga estudyanteng walang kakayahan sa online learning—kabilang dito ang paggamit ng telebisyon at radyo sa pagtuturo. Sa kabila ng pagsisikap ng ahensya, patuloy pa rin ang mga bumubuhos na problema nang magsimula ang klase. Dahil dito, nag-isyu ang Malacañang ng memorandum na nakaayon sa R.A. 11418 na nag-usad ng klase sa ika-5 ng Oktubre. Ang ilang sa mga suliranin na kinakaharap ng DepEd ay ang sumusunod: kahinaan ng internet connection, kakulangan ng mga modyul sa proseso ng pag-aaral, at kawalan ng kasiguraduhan sa pag-unlad ng karunungan ng mag-aaral. Isa sa mga pinakamalaking salik na siyang nagiging hadlang sa epektibong pag-aaral ay ang problema sa internet o data connection. Ito, kasama ng mga gadyets ang siyang pinakapundasyon ng e-learning. Maraming mga Pilipino ang naglabas ng kanilang mga hinaing ukol dito at iginiit na isa itong anti-poor na aksyon. Ayon sa DepEd Information, Communications and Technology Service Director na si Aida Yuvienco, nasa 26% lamang ang bilang ng mga pampublikong paaralan ang may internet connection. Sa kalagayan at laganap na kahirapan, mahihirapan ang mga pampublikong paaralan sa pagpapatuloy ng klase lalo na at ika-83 lamang ang Pilipinas sa loob ng 183 na bansa pagdating sa kahandaan para sa online learning ayon sa Department of Science and Technology (DOST). Sa kabila ng kawalan ng katiyakan dito, pinili pa rin ng DepEd na ipagpatuloy ang klase sa pamamagitan ng pagbibigay ng alternatibo sa mga mag-aaral, katulad na lamang ng CAPSLET. Nang magsimula ang klase, nakitaan din ng mga problema ang mga ito dahil sa mga maling impormasyong nakasaad dito. Kabilang na rin dito ang mga leksyon na ineere sa telebisyon. Inamin naman ng DepEd ang kanilang mga pagkakamali sa mga learning materials na kanilang ibinabahagi. Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang mga pagkakamaling ito ay maaaring nagmula sa kawalan ng kontrol sa pagpapanatili ng kalidad ng mga modyul at mga ineereng aralin sa telebisyon dahil ilan sa mga ito ay gawa lamang ng mga lokal na departamento ng paaralan. Nagpahayag naman si Education Undersecretary Alain Pascua na “…may makakalusot talaga dahil we’re not living in a perfect world (hindi tayo nabubuhay sa perpektong mundo).” Idinagdag din nito ang dami ng kanilang ginagawang learning materials na siyang isa sa mga rason kung bakit may mga hindi napapansing mali sa CAPSLET at sa mga iba pang pinagkukunan ng aralin. Patuloy rin ang mga hinaing ng kabataan sa social media tungkol sa kanilang mga karanasan sa online class na hindi umano nakatutulong o nakadaragdag sa kanilang kaalaman dulot ng self-learning. Isa pang nakikitang suliranin ay ang kawalan ng kasiguraduhan sa learning progress ng mga estudyante dulot ng labis na pagtulong ng mga magulang o ng mga mas nakatatandang kapatid sa pagsagot ng mga pagsusulit. Mas nagiging mahirap mapunan ang pagkatuto ng mga mag-aaral dahil sa mga epekto na wala sa kontrol tulad na lamang ng kawalan ng interes o atensyon sa pinag-aaralan na siyang dahilan kung bakit ang mga magulang ang nagsisilbing mga mag-aaral. Naglabas ng pahayag ang DepEd patungkol sa isyung ito at umapela sa mga magulang na huwag sagutan ang mga pagsusulit na nakatalaga sa mga mag-aaral. Sa gitna ng mga pasulpot-sulpot na problemang hatid ng new normal sa mga pampublikong paaralan, patuloy pa ring kinakaharap ng mga mag-aaral ang mga epektong dulot nito sa kanilang edukasyon. Bagama’t nagsusulong ng solusyon ang DepEd, hindi maipagkakaila ang kakulangan sa preparasyon o kahandaan para sa online learning. Ayon sa isang pahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones noong Agosto, nais nilang iwasan ang pagkawala ng interes at pagkahuli ng mga Pilipinong mag-aaral pagdating sa edukasyon. Kaya naman ang pangunahing misyon nito ay patuloy na maibahagi ang serbisyong edukasyon para sa mga kabataan. Sa kabila ng mga patong-patong na reklamo at problema na kinahaharap ng mga mag-aaral, pinipili pa ring maging bingi ng ahensya sa isinisigaw ng mga kabataan na tumatawag ng academic freeze. Nakababahalang isipin na mithiin ng ahensiya ang pagtibayin ang kaalaman ng mga mag-aaral, ngunit may pag-unlad nga ba talagang nakikita sa mithiing ito? Nakababahalang isipin na mahigpit ang paniniwala ng ahensya sa kanilang misyon na magbahagi ng maayos na kalidad ng edukasyon nang walang solusyon sa mga suliraning ito. Kinakailangan bang magdusa ng mga Pilipinong mag-aaral para lamang makamit ang hinahangad ng DepEd? Talaga bang naghahatid-serbisyo ang ahensiya sa mga magaaral kung ang “serbisyo” ay siyang nakikitaan ng problema? Ang “new normal” ba ay nagsilbing solusyon upang muling makapag-aral o naging sanhi lamang ito ng panibagong balakid sa karunungan? Kung ang mga mag-aaral noon ay lubusang nagabayan ng mga guro, ang pinakamalaking ambisyon sa panahong ito ay maibalik ang dating kalidad at sistema ng pag-aaral. Maaaring mas mabuti ang maghintay na mayroong kasiguraduhang kaunlaran sa pagkatuto kaysa ang ipagpilitan ang mga kondisyong hindi naaangkop sa kapasidad na mayroon ang ahensiya, pati na rin ang mga mag-aaral. Oo, itunuturing 21st century learners ang henerasyong ito ngunit wala itong magandang idudulot kung ang mismong sistema ang siyang problema.