OPINYON 11
LATHALA BLG. IV TOMO BLG. V NOBYEMBRE - DISYEMBRE 2020
DIRETSAHAN ni Raihana Habbi
Patas ang Mundo: Mga Pagsubok na Hinaharap ng mga Mag-aaral sa Online Learning
I
ka nga nila, ang edukasyon ay isang karapatan ng bawat Pilipino, ngunit bakit ito ay isang pribilehiyo na ngayon? Dala ng pandemya ang matinding trahedya at pagbabago sa pamumuhay ng mamamayan. Marami ang nawalan ng trabaho, ang mga negosyo ay nagsimulang magsara, dagdag pa rito ang pagpilit na ipagpatuloy ang pasukan. Hindi lahat ay mayroong gadyets at mabilis na internet connection, nahihirapan magturo ang mga guro sa paraang online learning, gayundin sa mga estudyante na nahihirapang matuto. Mula rito, naaapektuhan ang kanilang kalusugan, dala na rin ng tambak na takdang-aralin bunga ng hindi maayos na sistema. Hindi raw makakabalik sa dating harap-harapan na klase hangga’t wala pang bakuna para sa virus na gumambala sa mundo. Kung sa gayon, hanggang kailan tayo makukulong sa silid ng kahirapan? Matapos tanggihan ng Department of Education ang iminungkahi ng taong-bayan na #AcademicFreeze, nabuo ang #AcademicEase para mabawasan man lang ang pasan na dala ng mga mag-aaral at guro. Malinaw na ito ang kailangan natin ngayon, dahil kung para saan pa ang online classes kung unti-unti ng nagiging malabo ang pagkamabisa nito? Walang araw na hindi ka makakarinig ng dismaya at problema sa gitna ng iyong online class. Ang karaniwang dahilan nito ay ang mabagal na internet connection. Kung tayo na nakatira sa lungsod ay nakakaranas pa rin nito, paano na lamang ang ibang mag-aaral na nasa liblib na lugar? Kamakailan lamang, lumatag ang balita tungkol sa isang estudyante mula saprobinsya ng Capiz na si Kriselyn Villance. Sa paghanap ng internet signal upang maipasa ang report sa online class, ang estudyante ay pumanaw nang maaksidente habang pauwi sakay sa motorsiklo ng ama. Bukod dito, kaninong puso ang hindi mayuyukom sa larawan ng isang lola na bumibilang ng kanyang barya upang makabili ng smartphone para sa kanyang apo. Malinaw na pati ang mga magulang ay nahihirapan ding tustusin ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya. Ang online selling ay talagang bumulwak sa kadahilanang makaipon ng pera para sa online class. Mas nakakagambala pa ngang isipin na ang ilang mag-aaral ay nagpapadala o nag-aalok ng mga hubad na larawan o video kapalit ng pera. Mahirap ipalagay na may mga ganoong paraan ang kailangang lampasan ng ibang mga estudyante para makapag-aral sa panahong ito. Ang mga ganitong pangyayari ay laging magiging isang hamon, na ang kaakibat ay ang malakas na salpok na laging nahuhulog—kanino pa nga ba—sa mga pinagkaitan. Hindi lamang ang kakulangan ng materyales ang hinaharap ng mga mag-aaral, dahil ang kahusayan ng mga guro at ang kalagayan ng sistema ay may malaking papel din sa kahirapang nararasanan ng mga estudyante. Maraming mga guro, lalo na ang mga nakatatanda, ang
hindi bihasa sa mga operasyon ng online class, at kailanma’y hindi nila ito magiging kasalanan. Gayunman, ang kanilang paraan at kahusayan sa pagpapahayag ng impormasyon ay may dalang kahalagahan sa pagtuto ng mga mag-aaral. May mga paraan ngpagtuturo na hindi epektib at episyente marahil simpleng basa lamang ang ginagawa sa mga nakaladlad na texto sa presentasyon. Ito ay nakakaalarma lalo na sa mga kritikal na asignaturang nangangailangan ng aplikasyon at maayos na paliwanag. Dahil sa mga hindi mahusay at episyente na pagtuturo, kadalasang madaling mawalan ng gana ang mga magaaral na makinig at intindihin ang mga talakayan. Umaabot na lamang mga mag-aaral sa punto na hindi na natututo dahil ang nasa isip natin ay ang pumasa na lang ng mga aralin bago ang nakatakdang oras. Kaya’t dito, dahan-dahang lumalabo ang pagkamabisa at kakanyahan ng online learning. Mahirap matuto nang maayos at sapat sa online classes, malamang sa kombinasyon ng hindi maginhawang lugar na iyong kinaroroonan, bigat ng mga talakayan, pati na rin ang antas ng kahusayan ng guro. Dahil sa mga salik na ito, lubos na naaapektuhan ang mental na kalusugan ng mga mag-aaral. Ayon sa Sekretarya ng DepEd na si Leanor Briones, napakaliit daw talaga ng epekto ng COVID-19 sa mga bata dahil maliit lamang ang proporsyon ng kamatayan dulot ng virus sa pangkat na ito. Kung tutuusin, kahit hindi man matamo ng virus, tayo rin ay nahihirapan nang lubos dahil sa pandemyang ito. Sa totoo lang, maraming mag-aaral na nagpatala na lamang hindi dahil nais matuto, subalit dahil ayaw maiwanan. Dagdag pa ang mga hindi makatuwirang sandamakmak na mga aralin na kailangang ipasa, ito ay sadyang nakakapagod, nakakapanghina, atnakakawalang pag-asa. Dati, ang edukasyon ay ang landas patungo sa maginhawang kinabukasan; ngayon, ang edukasyon ay isang mabigat na bato sa mga mag-aaral. Ang pagiging maunawain na lamang sa bawat isa ang maaaring maiambag ng lahat sa hamon na ito. Dapat isipin ng mga guro kung naiintindihan ba ng mga magaaral ang mga impormasyon at makatuwiran ba ang mga araling pinapagawa. Sa parehong paraan, ang mga estudyante rin ay dapat pahalagahan ang pagsisikap ng mga guro dahil biktima rin sila rito. Bukod dito, ang mga pamamahala ng paaralan ay dapat ding unahin ang kapakanan ng mga guro at mag-aaral. Ang ating mga sigaw ay tumatawag ng tulong at panawagan sa iba’t ibang sektor ng kalipunan. Kung tayo na may mga kumpletong pangangailangan ay nahihirapan pa sa kasakuluyang kalagayan, paano na lamang ang iba na nasa laylayan? Tutugunin niyo marahil ang mga salita ng natural ng hindi patas ang mundo. Sigurado ba kayo rito? Kung iisipin, patas naman ang mundo, sadyang tayong mga tao ang dahilan ng hindi pagiging patas nito.