Sinalot ng epidemya ang bayan ni Juan. Wala nang mga tao sa mga pagawaan. Walang naggagapas sa mga pananiman. Abandonado na ang mga paaralan at "nalinis" na ang mga lansangan. Ngunit sa loob ng mumunting barung-barong na nagsisiksikan, sa lupaing ninakaw sa kanila ng mga naghahari-harian, dumadagundong ang kalam ng mga gutom na tiyan. Hindi na nila kailangang mag-ayuno pa kung araw-araw naman sa kanila ay semana santa. Walang tubig. Mahal pa ang kuryente. Wala na ring trabahong babalikan. Ito ang mga krus na papasanin ni Juan pagkatapos ng lockdown. At kung ito man at hindi ang virus ang unti-unting papatay sa kanya, di na siya maghihintay ng tatlo pang araw para kumilos nang muli at mag-alsa!
Ang KARATULA ay koleksyon ng mga likhang sining ng mga miyembro ng PLUMA at KALAT ng Panday Sining. Bilang pagtugon sa kasalukuyang krisis pangkalusugan, laman ng online zine na ito ang hinaing at hikahos ng taumbayang patuloy na umaaray sa kawalang aksyon ng pamahalaan.