BANGKAY NA TRABAHADOR Tumutulo ang dugo mula sa mga palad. Ang pumatak pinampupunas sa sahig para Pakintabin mga kasalanan ng nakakaangat. Baluktot ang likod, tatapusin ang trabaho. Parusa sa walang salang mangagawa. Sa gitna ng mga kama ng umuubo na Sariling puntod na pala ang inaaruga. Bitbit ang dignidad, tatapusin ang trabaho. Sa pagdating ng araw ng pasahod Gumagapang na papunta sa pahingahan. Lilinisin pa ang inupang lapida. Aalisin mga bulaklak, at titulong ‘bayani’. ‘Di na mabibigkas ang sariling elehiya. Naging himnong paulit-ulit ang buhay Para sa mesiyas na nagpako sa bato Ng mabuting kahapong pinangako. Di na kailangan ng dayuhang mesiyas— Nabibiyak na ang lupa sa sementeryo Babangon sa mga libingan at lalanghapin ang simoy
Ng bagyong sa diktador ay yayanig.
HINDI MADALI ANG MAGKAROON NG THIRD EYE Hindi madali ang magkaroon ng third eye. Marami-rami na akong nakitang kababalaghan sa buhay ko. Isa na dito ang mga tikbalang na naggagapas ng pamay sa mga dinadaanang pananiman. Kasama na rin diyan ang mga tiyanak na nanglilimos ng pagkain sa labas ng aming sasakyan. “Hayaan mo na sila”, wika ni Dad. Gabigabi ko sila nakikita. Gabi-gabi ko sila napapanaginipan. Gabi-gabi ko nararamdaman ang takot — na baka sakaling isang araw, ako’y dakpin nila, bitagin at iwanan sa isang sulok, habang hinihintay ang panahong ako’y maging katulad nila — halimaw, diyablo. Ngunit kahit gaano pa noon kaingay ang mga pagsusumigaw ng sumpang ito, nanahimik na lamang ako. Sa bagay, bilang medical professional, hindi dapat ako maniwala sa mga ganito. Scientific dapat ako mag-isip! Saglit na nagpahinga ako sa aking opisina, sinusubukang alalahanin ang lahat ng naranasang kababalaghan simula pa noong bata ako at lalo pa noong magtrabaho ako sa ospital. Ang naalala ko lamang ay ang imahe ng isang lalaking wala ibang ginawa kung hindi magpakita’t magparamdam sa aking isip. Siya si Rafael. Matagal ding naglaho ang mga kababalaghang nakikita at naririnig ko noong ako’y magkolehiyo abroad. Ngunit lahat ng ito’y bumalik noong umuwi ako sa Pilipinas at nag-intern sa isang tanyag na medschool sa probinsya. Dito’y mas tumindi ang pagnanais ko na tanggalin na ang third eye na ito.
“Ito ang pinakanangunguna at pinakanatatanging ospital sa probinsyang ito!” Wika ng resident doctor na gumabay sa aming mga intern noong oryentasyon. “Ang direktor at ang may-ari ng institusyong ito ay si Doktor Dinasya.” Hindi ko rin alam kung bakit kailangan ko pang makinig dito. Kabisado ko naman ang lugar na’to. At sa aming magkakaklase? Ako ang pinakanakakakilala sa pangalang binanggit ng residente. Ngunit… huminto ako sa aking pagmumuni-muni nang may nakita akong isang binatang umiiyak sa may gilid. Tila problemado. Habang pinapanuod siya ay ninais kong lumapit subalit bago ko pa man magawa iyon ay umingay na ang paligid. Ang lahat ng atensyon ng mga nasa programa ay nakuha ng doktor na tinawag sa harap. “Mabuti na lamang at dinalaw niya kayo sa unang araw ng inyong trabaho. Pagpugayan natin si Doktor Dinasya!” “Good day, future doctors.” Pagbati ng aking ama. Ang kanyang mga mata ay umiikot sa bawat mukha ng mga bagong doktor ng aming ospital. Wala akong naalala sa mga sinabi niya. Patuloy pa rin ang panonood ko sa umiiyak na bata. Kaya nang matapos siya sa kanyang talumpati at nang magpatuloy sa pag-iikot ang aking mga kasama, naiwan na lamang ako sa bulwagan, nakatitig pa rin sa bata.
“What’s the problem, hija?” “‘Yung bata, Dad...” May bigat at pagaalala ang kamay ng aking ama sa aking balikat. “Hayaan mo na sila.” Sabi niya. Hindi ko siya namukhaan noon. Kaya’t hindi ko rin alam kung paano ko siya naalala nang sumunod na beses na kami’y nagkita. Ngayon, may pangalan na para sa kanyang maamong mukha. Residente na ako sa ospital nang magkita kami muli ni Rafael. Hinatid niya noon ang buntis niyang ate sa ospital. “Tabi po!” Ang sigaw nito habang itinatakbo ang wheelchair kung saan lulan ang nagdadalang-tao niyang kapatid. Habang siya at kumakaripas nang takbo, dahil may halong pag-iigat, ay naaninag ko ang hitsura ng babae: mahaba ang buhok, mala-aso ang kanyang mukha, at nakaluwa ang dila niyang parang sa ahas. Isang aswang ang kanyang ate! Nagawa ko siyang kausapin noong pinasagot ko ang visitor’s form ng kanyang ate. Tinignan ko ang kanyang mukha. Maaliwalas. Malayo-layo sa ate niya! Marahil nakakatakot ito sa iba, ngunit sanay na ako dahil sa third eye ko. Ang nakapagtataka lang, bakit tao pa rin ang pagtingin ko kay Rafael? Habang patuloy sa pagsagot ng form ay nakipagkwentuhan din muna siya sa akin.
Si Rafael ay graduate ng high school ngunit hindi nagawang makapasok sa kolehiyo.Sa kalapit na sitio ng lungsod lamang sila nakatira ng kanyang pamilya. Ang tatay niya ay isang magsasaka, at ang nanay niya ay isang tindera sa sari-sari ng kapitbahay nila. Magpapakilala na sana ako nang tawagin kami ng doktor ng kanyag kapatid. Hindi nabuhay ang bata. Pagkalipas ng isang araw, umuwi sila ng bahay na ang pasalubong ay utang na bayarin at isang munting bangkay. “Tahan na, ate. Makakayanan natin ito.” Sa sobrang pagkadismaya ko sa dinanas ng pamilya ni Rafael, kinumpronta ko sa opisina ang tatay ko. Ikinuwento ko sa kanya ang mga halimaw na nakikita ko — sa mga sakahan, sa lansangan, at maging sa ospital na ito. “Ano-ano ba ‘yang mga pinagsasabi mo? Are you going crazy?” Tumayo siya galing sa kanyang katad na upuan at itinuro niya ang malaking litrato sa kanyang likuran. “Hija, pagdating ng panahon, ang larawang ito ay mapapalitan ng mukha mo. Sa araw na iyon, ikaw na ang pinakamagaling na doktor sa buong rehiyon. Sa araw na iyon, ikaw na ang may hawak ng perang pinaghirapan mo. At sa araw na iyon, kailangan mong gawin ang lahat para kunin at proktektahan ang pagmamayari mo.” Humarap siyang muli sa akin, matalas ang kanyang titig. “Ilang beses ko ba ‘tong sasabihin sa’yo? Hayaan. Mo. Na. Sila.” Tama naman si Dad. Sino bang nagsabing totoo ang mga nakikita ko? Ang image na dapat kong alalahanin ay ang imahe ko lamang. Ganun ako magtatagumpay.
Kaya kahit gustuhin ko man na tanggalin ang third eye na uto, pinaalalahanan ko na lang ang sarili ko: hayaan mo na sila. Ngunit habang mas tumatagal ay mas dumarami ang aking mga nakikita. Mas lumala pa noong ako ay naging espesyalista na. Mga diyablong nagtatanim. Mga kapreng may sako-sako sa ulo. Karamihan sa kanila, mga pasyente ko. Gusto ko nang tanggalin ang third eye na ito! Nakita ko ulit si Rafael. Ito ay noong dumalaw siyang muli, kasama ng isang maladwendeng matandang lalaki at malausok na babae—isang nuno at isang white lady. Ang kaibahan, siya ngayon ang nasa higaan. Matagal-tagal na noong huli kaming nagkita. Nakapagtataka kung bakit naaalala ko pa rin ang kanyang mukha. “Ang sipag-sipag ng anak kong magararo sa bukid, edi ‘yun! Na-heat stroke!” Sambit ng maliit na lalaki. “Hayaan mo na si Rafael.” Ang tinig ng multo na may napakahinhin na boses. “Tinulungan ka na nga, eh. Ang hina na ng kita natin sa tindahan. Ang mahal pa ng mga bayarin!” “Dok...” Ang simangot ni Rafael sa akin, ngunit nag-iba na naman ang kanyang ekspresyon noong namukhaan niya ako, “Huy! Kilala kita, ha?”
“Anak, s’yempre naman kilala mo ‘yan. Mayaman ‘yan!” Ang sabi ng kanyang tatay. Ngunit hindi nagpatalo itong si Rafael. Tuloy parin ang kanyang pagbungisngis hanggang sa ang usapan ay makarating sa usaping pilit niyang iniiwasan. “Dok, kailangan ko pa ba ng therapy?” Tumango ako—sinabi ko lang ang totoo. Tinignan niya lamang ang kanyang mga magulang. Akala ko naman nung mga sumunod na araw ay babalik siya para sa kanyang therapy. Hindi pala. Hayaan mo na sila. Hindi ko kaya! May isang gabing hindi ko na matiis ang panggagalaiti at pagkasuya, ang takot at galit at tinangka ko nang alisin ang third eye na ito. Puro mga inspirational vlogs sa YouTube, mga yoga tutorial, mga dasal sa iba-ibang santo. Walang gumana. Hanggang ngayon, nandito pa rin ito. Itong sumpa. Itong third eye.
Katok. Dumating ang nars, may bitbit na balita sa aking pasyente. Habang binabagtas ko ang daan patungo sa kanyang silid, parang may kakaibang pakiramdam na nanuot sa aking kalamnan. Pagbukas ng pinto, ang nakita ko lamang ay isang matandang lalaki, ang kanyang asawa, at kanyang anak na babae. Ang matanda ay pinaospital ng kanyang mag-ina matapos sumakit ang ulo sa buong araw na pag-ani. Habang chineckup siya ay siya namang nagkwento ng kanyang talambuhay. “Valedictorian ang anak ko nung hayskul. Sa Maynila pa siya nakapasa ng kolehiyo, pero ayaw parin niyang umalis kasi kailangan daw namin siya. Totoo naman. Mahirap lang kami kaya hindi na siya nag-aral at nagtrabaho na para sa amin. Limang taon na ang nakalipas nang mamatay ang lolo niya at siya yung nagdala sa kanya sa dito sa ospital. Tatlong taon nang namatay ang bagong- panganak na pamangkin niya — yung anak ng ate niya. At isang taon na nang na-heatstroke siya kaka-alaga ng bukid. ‘Yun nga lang naman kasi, mahirap lang kami... Ay, Doktora Dinasya ba pangalan mo? Kamag-anak mo ba ‘yung may-ari ng ospital? Ama niyo ba? Pumunta na ‘ata kami sa’yo dati...” ‘Dun ako napatingin sa rekord na sinusulatan ko. Nakita ko ang pangalan: kapareho ng sa nunong naging pasyente ko na dati, kasama ni Rafael. Tumingin ako sa mga kasama niya — kamukha nung white lady, at isang dalagang kamukha nung tiktik. Biglang sumabog ang bumbilya ng silid,wala na akong makita kung hindi ang kanilang mga mukha ng may galit. Sabay sila sa pagbigkas: “Ba’t hindi mo siya tinulungan? Hindi mo ba siya nakita gamit yang third eye mo?”
Napaatras ako hangga’t napahinto sa katawang nasa likod ko. Linapit niya ang kanyang mukha sa aking balikat. Ang sabi ni Rafael: “Hindi ba madali ang magkaroon ng third eye? Iyon ang pribiliheyo mo. May pag-asa ka pang makita kung sino ang totoong kaaway mo. Kung sino ang totoong nakakatakot. Kung sino ang totoong mga halimaw.” Nanginig ang buo kong katawan sa sinabi ng binata nasa likod ko. Hanggang sa may kumatok muli sa pintuan. Bumalik ang sindi ng mga ilaw. Nasa opisina pa rin ako. Nakatulog lang ba ako? Sa pagsagot ko, ay may nakatayong kapre sa harapan ko, matalas ang kanyang titig. “We have a meeting later with our investors. Pumunta ka, ha?” Tumalikod ako, at nakita ko ang tatlong normal na mukha: isang matandang lalaki, ang kanyang asawa, at ang kanyang anak na babae. “Anak?” Pag-uulit ng kapre. “Opo, ‘Dad. Susunod po ako.”
ISIGAW, ILABAS, ITALSIK Ang mga ngipin Nanginginig sa pagod na umaabot sa buto, Sinisimot hling buti ng bigas para kainin Hanggang walang matira para sa mga aso.
gustong magtrabaho para makabili pa pero magkakahawaan raw ang lumabag sa batas. mga sintomas ay lagnat, ubo, at di makahinga kasama na rin ang pagiging tudlaan ng armas.
Ang mga ngipin Nangingig sa takot at pananabik, Humihintay parin sa lunas na ‘di darating Sa lipunang binahalang lumaganap ang sakit-
sa ingles, the social cancer ang tagwa sa nobelang nagkaroon ng rebolusyong impluwensiya. ngayon sinasabihan ulit na sumunod nang bulag at inaakala nilang kayang sugpuin ang boses ng masa.
Ang mga ngipin Nanginginig sa katindihan ng galit; Nasaan ang ayuda, huwag kaming paulitin Kasi sa likod ng ngipin ay dila, may nais ipahatid:
ang sumira ng aming pagkatao’t karapatan. siya’y patatalsikin
MANTSADO poong nanlilimahid sa dugo’y pilit na hinuhugasan ng mga bayaran at mga bulag-bulagan pilit sa kababanlaw ng mga mantsang kumakapit sa katawan ng poong pumapaslang hindi nila dama na hindi sasapat ang tubig at alcohol pantanggal ng mantsa hindi nila batid na ang mga dugo ay buhay ng mga pinaslang nang walang salita
hindi sasapat ang walang mintis na pagmamalinis sa marungis na poon dahil patuloy na magmamarka ang mga mantsa sa puso nang nag-aalab na masa makikibaka maniningil susupil sa mapaniil na poon ng inhustisy