MAPA ng DANAS
KARATULA
ISYU 6
Antolohiya ng mga Tula, Kwento, at Dagli Tungo sa Pagkakaisa at Pakikibaka
Ano ang nakasulat sa karatula? Iba't-ibang wika, pare-parehong danas. Bagamat iba-iba ang dayalekto, iisa lamang tayo ng karanasan bilang Pilipino. Pare-parehong paghihirap, ngunit iba’t-ibang paraan ng pagkukwento. Maaaring mayroong mga katagang nawala sa pagsasalin, o may mga salitang walang katumbas sa ating kinagisnang wika, Pero iisa lamang ang ating boses at ang mga isinisigaw. Mula sa dekalidad at aksesibleng edukasyon, sapat na ayuda para sa mga mamamayan, at hanggang sa kalayaan sa karapatan ng pamamahayag; Nararapat na imapa ang mga danas. Ipakita na saang mang sulok ng bansa, Ano mang tono at uri ng salita, Ang Pilipino, nagkakaisa tungo sa pakikibaka.
1
Babala ng Lungsod ni Frigillana Piornato
Matatagpuan sa gitnang lungsod ang esterong umaalingasaw sa dumi at bangkay ng padre de pamilyang naghanapbuhay Dilig naman ng dusa, ng bala at mga sigaw ng paghihinagpis ang eskinitang nakatingin sa mga inahing naglilimlim, at tumatangis na bata Mga nanlilimahid na mantsa sa daan na bako-bako at nakabibinging takot ng madla sa gitnang kalsada Mabibingi ka sa katahimikan Mata ay mabubulag sa kinang ng naglawang dugo sa kulturang inilatag ng kanyang estado Ito ang babala ng lungsod; na ika’y lulunurin sa takot, mangangamba sa dilim bago tuluyang patahimikin Ipaaalala sa ‘yo na ika’y nakapiit sa nakasusugat na tingin na sa bawat kibo at salita may buhay na babawiin.
2
Dalamhati ng gabi, kahila-hilakbot! Simoy ng hangin, pumaparuot Sa kalsadang yamot, dilim ang kumot, Batang tulog ay binabangungot. Umagang pasalubong ang hagibis, Halik ng masangsang na luwad-putik. Init ng panahon na siyang kay bagsik, Bukang liwayway tanging tumitistis. Kirot ng tiyan sa katawa’y umaagos, Hapdi ng kalamnan na tiising lubos. Isang sentimos lamang po, pambili ng labanos, Diyos ko! Siya’y syete-anyos na tila ginapos! Matang pangitai’y tila punit-punit, Sa pagmamalupit, asam ang langit. Ina... Ina... Nay... ngunit bakit? Banggit na kay sakit ng batang yagit! Hubaran ang paslit, ialay sa nayon! Sigaw ng Inang luray-luray ang emosyon. Pilasin ang balat, parang hayop ginawang katad! Isang baboy na kinatay sa kanyang murang edad! Mukhang tinambakan ng sindak Luhang piit ngunit walang tagaktak Sa sandaling malimit ang musmos ay lumisan, Huling habilin ni Ina’y mahal ka niya, iya’y iyong katatandaan. Sa bangungot ng katotohanan, gumising ka kapatid! Mangyaring matunghayan ang kasarimlan ng paligid. Ito ang katotohanang lagim ng iyong lipunang lumiligid. Ikaw at ako, sa paglalakba’y tayo lamang ang makapagtatawid.
Bangungot ni Gavielle Cruz
3
ANTALA ni Adrian Yosa
Tatlumpung minuto ko nang pinagmamasdan ang paikot-ikot na bilog sa harapan ng lumang kompyuter - na para bang mga planetang aligagang naglalakbay sa kalawakan para makalibot sa araw. Naisip ko: ganitong klaseng aralin din naman ang aking madaratnan sakaling marinig ako ng uniberso at biglang bumilis ang koneksyon ng internet sa aming tahanan. Ang planeta ay patuloy na iikot sa araw nang hindi nagpapaalam. Kaya’t hinayaan ko na lang ito. Tiwala ako sa pwersang humihila sa akin pababa na hindi ako maduduwal habang nag-uurong sa lababo. Naririnig ko ang pagtatalo ni inay at itay sa kabilang kwarto, at ayaw ko na muna silang pansinin. Ako, naghihintay pa rin ako ng milagro. Tutal, uso naman ang paghihintay sa panahong ito. Mag-iisang oras ko nang pinagmamasdan ang paikotikot na bilog sa harapan ng lumang kompyuter - na para bang planetang umiikot palibot sa araw. Sana lang ay hindi kasingbilis nito ang pag-ikot ng mundo - hindi ko namamalayan, napag-iiwanan na pala ako.
4
Sa Palasyo ng mga Payaso ni Rey John Legaspi
Mga payasong kawangis ni Pikachu ang nagtatanghal sa komedya. Kolorete ay pintura; pula sa pisngi na pinatambok ng bulak, dilaw sa katawan na sumasayaw sa kapangyarihang dinagitab. Hindi raw kulay ang magkalaban kundi tambalang magpapatawa upang takpan ang pagmumura sa bayan. Kaldero ay ipinaikot sa manonood upang lagyan ng gintong barya na sukli raw sa pagseserbisyo nilang puro biro lamang.
5
Hindi po Ako Terorista ni Outis
Ma, hindi po ako isang terorista. Hindi ko lang po kayang Magbingi-bingihan sa sigaw ng naaapi at nanghihingi ng tulong Magbulag-bulagan sa katiwalian ng ng sistema at manahimik sa kasalukuyang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mamamayan Kinakailangan ko pong magsilbing boses sa mga pinatatahimik Sapagkat ako po ay dumilat aking kamalaya’y nahudyat at hindi na maaaring pumikit ang syang namulat Ma, hindi po ako terorista. Hindi dahas ang aming sandata Hindi patalim ang aming hawak hindi kami sa dugo nauuhaw. Bayan ang aming pinaglalaban Nais makawala sa pagkakabihag ng baluktot na sistema At higit sa lahat, lumalaban kami ng may puso at pakialam gamit ang natutunan sa edukasyong natamo. Ma, hindi po ako isang terorista. Mali ang dinidikta ng mga militar at pulisya At ipinahahayag sa tainga ng madla at inosente Na kami raw ay banta at kalaban ng lupang sinilangan Naaakusahang maka-kaliwa, subersibo, komunista, at terorista. Takot ang gobyerno sa amin sapagkat alam namin ang kanilang tinatago sila’y takot mabunyag ang kanilang lihim Ma, Isa lamang po akong hamak na mag-aaral. Ngunit ‘yong may pakialam sa bayan. Huwag po sana ninyong pakinggan ang mga mapanlinlang na bulong ng militar Ako’y nababalot sa takot na baka isang gabi, sa madilim na eskinita kung saan walang nakakikita Ako’y madakip ng pulisya at hindi pakinggan ang paliwanag at pagmamaka-awa na “Hindi terorista ang mga Aktibista.”
6
Mabisa ang tula sa pagpapalaya, Sandata ng makata at boses ng masa; Subukin man ng ilan daang problema, Patuloy na gumagabay sa ating mga diwa Inaakit ng salita ang mga matatapang Na tumayo sa solusyong nagkukulang; Ngunit, kung magtatagal pa itong laban, Iyong talinhaga sana ang maging sandigan. Nasa hinahabi namang mga taludtod Ang tapang ng taong sa unos sumusugod; Ang isip at lakas na kanilang iniaalay, Kapwa panawagang unahin ang buhay. Tinta ang tulay: mga puso pinagdidikit Anumang estilo basta may malasakit; Pakiiwasan lang linyahang mapanggipit, Sa iyong katha, pag-asa ang dapat kumapit. Kaagapay ng ating bayan ang sining, Bawat obra paghilom ang siyang hinihiling; Malalim man ang kahulugang ipinararating, Mabisang pangmulat naman sa nahihimbing.
KAAGAPAY ANG SINING ni Drine
7
Walang habas na bumaha ang kanilang luho, aming luha kanilang tirahan na bagong tayo aming tira-tirang bagoong at tuyo. Kanilang labis-labis aming labis na pawis si elmer isinelda malaya si Imelda. Dugo ni ragos umagos dahil sa parehong tanso na tumagos sa asintadong si kian delos santos. Mula sa butas ng batas ng pawang santong si sinas at sinasantong rodrigo, uhaw na berdugo. Mula sa kalabit ng gatilyo kilabot ang inabot sa kabi-kabilang kalbaryo sa bawat baryo ay barya ang kabayaran sa bawat bangkay ng kababayang binayo. Pitik sa pitaka ng nakapikit na mamamayang hindi mayayaman ay maya-maya na lamang nilalamangan ng mga gahaman— walang kaalam-alam na mamamayang pinagkaitan sa kaalaman. Bumulagta ang bulag na sakdal sa dalas ng dasalan sa kalsada sa Avenida kung saan natagpuan ang tagpuan ng mga kaluluwa ng mga kawal na walang kawala kahit sa kinakalawang na tanikala.
Tula ng Tunggalian at Panitikan sa Pandemiko ni e. nam
8
Ano na? ni Bb. Maria Klara
Nagsimula ang lahat sa paghahanap ng lunas, Ngunit araw araw, kinatatakutan ang bukas. Ano na ang kakainin ng mga buwaya at ahas? Sino na ang sunod na ipapasok sa rehas? Kinilala ang Pilipino para sa kagitingan, Na may pinaglalaban hanggang huling hantungan. Magagawang maningil para sa katarungan. Lahat ng inumpisahan, may aabuting hangganan. Kung buhay pa ngayon ang “terroristang” si Rizal, Ano kaya ang masasabi ukol sa mga hinalal? Makiki-isa kaya sa sambayanang naduduwal, Para sa karapatan at kalayaang binawi nang pasakmal? Hindi sila Diyos para asahan ng awa, Kaya sa ating mga tao lahat ng kilos at gawa. Sa tingin ba nila ito pa’y nakakatuwa? Inaalala pa ba nila ang kanilang kaluluwa? Hindi ba naririnig ang sabay sabay na awit? Nanunumbalik ang siklab, tila noong araw sa Kawit. Nasaan na ang ipinangako ng pumayag na kahit Siya ay mapa-impyerno basta ang pinamunua’y nasa langit? Ang lahat ng iginapos ay makakalaya din, Dapat lang kung kapayapaan ang tunay na hangarin. Hindi muling papayag na mamuhay sa dilim, Mag ingat dahil may pagbabago sa ihip ng hangin. Walang pipikit, manatili tayong mulat. Makinig sa mga nagwika, basahin ang mga sinulat. Sa tunay na kasaysayan mananatili ang lahat, Sa Diyos, kapwa, o bayan, magmahal ng tapat.
9
UNAS ni Raquezha
Masiramón su napangiturogan ko káso-banggí Yáon daa ako sa saròng kakanan na matindi Kaibahan an barkada kong daí man mapahuri Hinapot kun tàno ta yàon kami igdi Daí daa áram, pángiturogán ko daa ini Daí ko din áram kun tàno yáon ako igdi Basta kakanan mayòng durulagan Órder pa kita nin saròng case saká pulutan Mayòng urulian hanggan Daí nagpapahiling an sáldang Paluwayon ta an pagdalagan kan mundó Ngunyán na banggí mayòng mamumundô Ngunyán... Matagay... Habang túrog an mga búhay. Ta pagmatá ta sa ága Yáon nanaman sindá Mga parahabon kan kabuháyan ta Aldáw na gáyo mayòng sinásantó Ta an paghiling sa sadíri garó sánto Piráng haróng pa an raraoton? Piráng badò pa an rarábrabón? Piráng tsinélas pa an wawalaton? Piráng búhay pa an kakaipuhanon? Kan mga yáon sa taas Sindá daa an batas Kayang paikoton kan kwarta An mga matá kan mga gútom Kan mga pamilyang mayò ng kakanón Piráng árog ko pa an hinahalat? Piráng árog ko pa... An ma-unás para lang sa kakanón? Piráng árog ko pa an gagadanon? Piráng banggí pa akong mangingiturugan Na sana sa pagmata ko daí ko na iisipon Kun sáin ako mahanap nin kakanón.
10
Saan Tayo Lulugar? ni Erns Tacorda
Maraming nakikita Maraming napupuna Maraming tumataliwas at nagsasalita Ngunit sa isang desisyon lang tayo huhupa Malaya kung ituring Ngunit saloobi’y ‘di maipasaring Gustong maisaing;o (Katotohana’y nais ipamutawi) Ngunit hindi maisalingsing (Ngunit di naman maisalingsing) Parang isang tikom na bibig (Ang dating tikom na bibig) Sumiwalat at sabay umilig Tila maliit na kuliglig Natapik at biglang naligalig Isalaysay! Sigaw ng tagapagsalaysay Isiniwalat ang tapang na taglay Subalit di na nakita pa ang liwayway Saan tayo lulugar? Masalimuot na katotohanan, ayaw nang maibulgar Saan tayo lulugar? Katotohana’y tila isang makinang ayaw umandar Paano? Saan tayo lulugar? Kung sa isang hikbi, singhot, at buntonghininga Ang huling mga tunog na aking maibubuga
11
Bwelta Lubungan ni Anthony Diaz
Ribay-ribayan na mga hawak sa hurmahan, Pagsasaro ini sa kural. Abiso kan nasa bulawan na tukawan, “Nungka nanggad kamong magluwas.� Kun pirang gutom pa an naglihis. Bagas na parong pabrika sana an midbid Kan tulak na tuom na an lata kan mga sardinas, Pula, o berde, o puting malangsi. Garo sana buta na pigkakapa An konkretong lanob Sa paghanap nin mensahe sa haraphap, Sa pighahalat na bareta nin pagtalingkas. Hunaon mong pulahon pa An mga tagabalangibog sa gabos, sa tahaw na gayu kan remalaso. Kun mahiling mo ngani an saindang tiripon Masabing pagtau sana nin onra sa orog karahay Na kagsadiri kan bulawan na tukawan. Kaidtong pigbut’san sa samong mga kural Tangani sana palan ihatud sa lubungan; Pagtaning kan mga samingkil sa aluminyong higdaan, Autopsiyang dai na lamang marekisa Kan mga nabayaan na partidaryos. Lugod magkanuruparan kita liwat Sa sunduan kaining kinaban.
12
HIMALA ni Neil Cirilo
“Matutulungan ka ni Elsa,” basa mo sa kaniyang mga labi. Kaya dali-dali kang tumungo sa Cupang, pumila, naghintay, umasa sa mapaghimalang si Elsa. Ang iyong mga braso’t kamay ang iyong wikang tinataglay. Hiling ay ‘di ingay kundi mga salitang nakapaglalakad, nakapaglalakbay. Ang sabi ni Elsa, Magkwento ka, sa wikang alam mo, sa wika ng bayan mo. Ikwento mo ang pang-aalipusta, ang hirap ng iyong uri, hanggang sa inyong tagumpay at pagbagsak ng naghaharing-uri Sumigaw ka, magmura ka, Umibig ka, umiyak ka. “Ibuka mo ang iyong bibig,” basa mo sa mga labi ni Elsa. At saka sabay kayong nagsalita, ilang segundong namutawi ang inyong pag-iisa. Naglakbay ang mga salita sa mga tao. Ang sabi, “Magsasalita na ako.”
13
Maria Aba, mahal kong Ina, Buhat sa pighati at pagdurusa Kaming iyong mga anak ay isinilang Balot at babad sa dugo Mula sa sinapupunan; Ng lupang tinubuan Pagdadalang-tao’y immaculada Sagrado’t banal ang pagkakahulma Hindi naman yata isang kasalanan Ang magsilang, Mag-aruga Sa kabataang patuloy na lumalaban? Pasakit ang dala Pinapatay ang namumuna Pahirap ang sistema Dugo ay dumadanak sa kalsada Kaming iyong mga anak Agit na sa kapalarang masaklap Pulang mga luha sa via dolorosa Ipako man sa krus Kami ay patuloy na susulong Panatag na maging solusyon Sapagkat ang iyong isinilang, ina Ay ang rebolusyon
14
15
Agamahan ng mga Traydor ni Ray Mark Samson Espiritu
Sa perlas ng silangan, kami’y maghahasik ng lagim Mahal na inang bayan, bihag ng dahas at patalim Kahit magkubli sa ilusyon ng bibliya’t relihiyon Kaunlara’y ‘di makakamit hangga’t kami ang panginoon Pagpaparada ng kasinungalingan, aming tungkulin Mga pangako nami’y sabay sa lipad ng hangin Kibit-balikat sa karapatan ng mamamayan Pagkakaitan ng hustisyang pinananawagan Pihadong dadaloy ang dugo ng mga pesante’t pasaway Pawis, luha—tiyak ang pagyaon ng buhay Sa bakal na kamao, mahigpit aming hawak sa batas Marapat lamang ipagkait ang isang dakot na bigas Kaming makapangyarihan, nais naming ipaabot aming pasasalamat Sa inyong lahat na patuloy na naniniwala at hindi pa rin mulat Utang na loob lahat sa mga nananatiling bulag, mahirap man aminin Ibaon sa utang ang bawat Pilipino—kasama kayo—aming tunay na layunin Hiling namin, iyo sanang dinggin—aming mahal Na panggulo—mga pangako’y mananatiling banal Sa ngalan ng kasinungalingan, ng kasakiman, At ng kamatayan, kami ay muling paunlakan Amen
16
July 3, 2020 6:19PM ni Kayelle
Ang mga terorista sa bayang de putaumupo sa palayso. Binuo ng magnanakaw sa alkansyang nagbaon sa utang ng— Puta. Ang mga terorista sa bayang de putaay ang mga deboto ng katarantaduhan. Sa paniniwalang ang Presidenteng pumapatay ang siyang bathala— Puta. Ang mga terorista sa bayang de putaay ang hindi magalit sa pasistang pumirma sa kamatayan ng demokrasya sila ang mga— Puta. Ang mga terorista sa bayang de putaay babawian ng henerasyong bata. Hindi niyo man matanggap kami ang Gabriel na sasalaksak sa demonyong natutulog sa bahay ng— Puta.
17
Pa-load po ni Vittoia mari Lualhatti
Pa-load po, isang kilong dinorado, ‘Yang tig-setenta, saktuhin para sa walong tao. Sikip, init. Ulam muna raw bago Meralco Kung bumabaha man ngayon, wala tayo sa barko. Pilit bang sasagwan kahit mahuhuli rin tayo? Kahit himatlugin ang bangkang ni-sardinas ay dayo?
“Pa-load po, hahanapin ko lang ang karapatan ko. Tanda ko, GoSakto70 ang promo.”
Pa-load po, sinandomeng, isang kilo Paaabutin naming sa ikatlong araw ng lingo. Habang umaabante ang hangin, napagtanto ko tulala ang naka-tumpok na mga kwaderno. Tila ang pluma ay pinababayaang tuyo. Kaya habang masinag ang ilaw n’yang aparato, umiiyak ‘tong kandilang tinabihan ng libro.
“Pa-load po, Hahanapin ko lang ang lugar naming sa plano. Tanda ko, GoSakto50 ang promo.”
Pa-load po, NFA, ‘yung pinakamabiggat na isang kilo ihahain sana naming hanggang sabado. Ngunit kakayanin ba naming ngayong lingo? Bagamat yaong tarangkahan ay umiikom, at marahang kumukupas ang silakbo. Yakapin man ng dilim ang tahanang ito, Yapusin kami ng gutom, at iniwang ganito, Pipihit ‘yang mga leeg sa ‘king nasa likuran niyo
“Pa-load po, hahanap lamang ako ng bagong gobyerno. Tanda ko, pribilehiyo ang promo.”
18
Tumindig sa tama at mabuti. Tignan mo, Pakinggan mo, Amuyin mo, Lasahan mo, Pakiramdaman mo, Isipin mo, ‘Wag kang titigil hangga’t hindi mo naiintindihan. ‘Wag kang aalis sa ‘yong kinatatayuan hangga’t wala kang natututunan. Pasensya. Di na kasi ako matatahimik. Di ko na kayang sa bawat pagpikit, Nakararamdam na ako ng sakit. ‘Di na ako pinapatulog ng aking isipan. Isa lang ang tumatatak. Isa lang ang paulit-ulit na sumisigaw... HUWAG KANG BIBITAW! WALA NANG BIBITAW! KAPITAN MO ANG KATOTOHANAN! SANDIGAN MO ANG BAYAN!
Wala Nang Pipikit, Wala Nang Kukurap ni Kuya Machete
19
KAPOS ANG KONEKSYON ni Maralita
Ma! Pa! Hindi ko na kayang tagalan ‘to. Palagi na lang akong nababagot Habang ang kaharap Ay iskrin na may bilog na umiikot Pagtataranta’y hindi mawala Sa magulo kong isipan Madalas nagagalit ako Sa katuwang kong selpon Na kasabay kong pumapasok sa klase Dahil palaging kapos ang koneksyon Linggo-linggong pa-load Hindi dahil sa kagustuhan Kundi dahil sa pangangailangan Upang hindi maging kapos ang koneksyon Ngunit walang sawang sinasampal niyo Ang resibong mas mahaba pa sa pasensiya ko Na naglalaman ng gastos na puro load “Anak, sayang ang pang-paaral Kung sa load lang nagagasta!” “Hindi namin binabayaran Ang iyong pang-paaral Para lang sa pagse-selpon mo na yan.”
20
Araw-araw gigising ako, Bubuksan ang selpon upang matuto, Tititigan ang bilog na umiikot sa iskrin, At sasanayin ang sarili na dinggin Ang paulit-ulit na daing mula sa inyong mga bibig. Tuwing natatapos ang klase, Hindi ako nilulubayan Ng mga patong-patong na gawain Na nakapasan sa aking likuran Nakakapraning! Pati sa pagpasa na lang, pahirapan pa rin. Kayong mga makapangyarihan Na naka-barong at nakaupo lang Habang kami’y nagdarahop At kumakayod upang mabuhay Kayo! Kayo sana ang inaasahan namin Ngunit kapalpakan ang inyong ambag Sa bansang hangad lamang ay umunlad. Kapos ang koneksyon Sa pagitan ng mga institusyon Sa pagresponde at pagbigay ng aksyon. Kung hindi ito maisasaayos Tulad ng bilog na mabagal ang pag-ikot Ang pagkatuto ko, posible ring maudlot.
21
Byaheng Trangkilo ni Ayang Ricafranca
Sarong hapon, pagkatapos kan trabaho ko, nagdali-dali akong sakay nin tricycle pasiring sa bus terminal. Mauran-uran kato. Halaba an pila kang mga pauruli sa kanya-kanya nindang destinasyon. Bago ka makasakay, kaipuhan mo magpacheck nin temperatura asin magsurat nin pangaran kaiba kan ibang detalye na kakaipuhanon sa contact tracing, sakaling magkaigwa nin kaso. Mapagal. Dakul proseso. Dakulon nang pinagbago. Pakatapos kan pirang minuto nin paghalat, ako nakatukaw man nanggad. Kun kadto abang suksok, na ultimo an tukawan na panduwahan, ginigibong pantulohan, ngunyan may mga naka-markang ekis an kada pagultanan kan mga handigan. Mas mahiwas kun iisipon, pero si inaasahan mo na mas magiging komportable an pagmati, malabong mangyari. Mahiwas an tukawan, pero mas nagpipiriot an buot sa mga pinagaagihan ta ngunyan. Sa marikas na pagpaandar kan drayber, ako napahiling na sana sa mga inaaragihan sa dalan. Sa kusog kan uran, nagralabo an salming sa bintana, kasabay kang paglabo kan sakong salming sa mata, dara kan pagsulot nin faceshield na rekisitos sa pagsakay sa pampublikong transportasyon. Puminirit na sana ako magturog. Garo man sana pag-pirit sa sadiri na maging kalmado sa sakong kapalibutan. Sa kabangaan nagimata.
kan
byahe,
ako
Bako sa ribok kan uran na nagtatama sa atop kan bus, kundi sa makusog na boses kan gurang na abot hanggan sa hurihan na tukawan.
22
“Pababaon na sana yan!” “Ay ta igwa ngani nin daeng faceshield.” Kurahaw kan si gurang na lalaki. Ako namungaw-mungawan sa kung anong kariribukan ang nangyayari. Si konduktor kan bus, nakatindog sa balyong tukawan sa tungod ko. “Dumuko kana sana.” Pahinghing n’yang sabi sa sarong lalaki na nakakurubkob na sa handigan kan tukawan sa tangod nya. “Mayo man baga, pay!” “Hilinga man daw digdi kun may mahiling kang dae naka faceshield.” Simbag utro kan si konduktor. Nagkalag-kalag ako nakasakay sa bus.
sa
ibang
Gabos garo mayong pakiaram. Gabos nakasulot faceshield.
nin
mask
asin
Pwera sa saro. Sarong lalaki na may kurukulkol na bag na may nag-uuldot na puro kan lagadi. Nakasulot nin tinahing facemask, asin mayong faceshield. Sarong construction worker, sa hiling ko. Dae ko na maintindihan nin maray ang niriribok kan si gurang sa inutan. Pati man si sinasabi kan si konduktor na kaulay. Basta garong pinapababa sa bus si lalaking mayong faceshield. Mauran-uran kato. Halaba an pinila makaabot lang sa saiyang destinasyon.
Alagad, kun mababa siya, mas halaba an lalakawon nya para makaabot sa paduduman. Mati ko an kasusupgan, asin an pagkaherak sa sadiri. Risa an nangigilid na luha habang iniisip kun pano makakauli. Pabuhat na sa tukawan si gurang sa inutan. Atakadong maray na madakop asin mapababa an tawong mayong sulot nin faceshield. Saka ko lang nagirumduman, may ekstra palan akong faceshield sa bag. Dali-dali kong pinakaray, asin iniabot sa balyong tukawan. Dae ako nagtaram, bastang sinenyasan ko sana sya na isulot nya na. Tapos na an komosyon. Pero an sakong emosyon, dugay na. Nakakaanggot. Nakakagirabo.
INUTIL ANG BANGKA ni May Mabalot
Para tayong nasa isang sugalan nitong mga nakaraang buwan at ngayon sa kasalukuyan, ang kaibahan, buhay ng masa ang itinataya kasama ang limpak-limpak na perang inutang ng bansa. Ang presidente ang bangka at pandemya ang nag-iisang kaharap. Nasa kamay ng bangka ang ikot ng mga baraha, ngunit wala itong ginawa kundi itaya ng itaya ang mga buhay sa mesa at kumubra lang ng kumubra ng pera. Ilang baraha na ang nailapag, ngunit wala parin dito ang umubra, nagsanhi lamang ng pagkalampag at pagpalahaw ng masa. Dahil ang barahang dapat noong una pa lang ay inilapag na para talunin ang pandemya, pilit niyang iniipit para maipagpatuloy ang sugal na umaayon sa kanya. Hanggang dumating sa puntong wala na daw pera para ilapag pa ang barahang pinakamimithi ng masa, ngunit ang bansa’y nakabili ng kagamitang pandigma. Inutil nga talaga ang bangka, armas at bala ang ipanlalaban sa kalabang hindi nakikita. Hindi na ito tama, panahon na para pagbayarin ang bangka, para sa mga buhay at perang nawala. Libreng mass testing na, patalsikin na ang pasista.
Dakul akong kahaputan na buot kong masimbag. “Tano an mga regulasyon, para lang sa may mga kakayahan makasunod?” “Tano an gamit pamproteksyon, kaipuhan pang bakalon?” Napundo na an ribok. Nakababa na su lalaki. Trangkilo na an byahe. Pero an pagmati ko, dae. Hanggang makauli, saro lang an nasa isip ko. An salbadong salud, dapat necesidad. Bakong responsibilidad.
23
bumabalabal ang dilim sa parang sa kimpal ng lupang pinagbungkalan sa nayong sinusuyod ng palalong kaaway dito’y di man panahon ng bagyo’y bumubuhos ang tinggang ulan mula sa nakatutulig na masinggan ng brutong militar—lumalagos sa rabaw ng kugong bubungan ng magsasakang dito naninirahan katawa’y bulagsak sa lupang banig katawa’y sa igkas ng bala’y pumipintig dugo’y mala-ilog na bubulwak hanggang sa asyenda’y lalagaklak maging sagad-sagarang hinahon ng mga alitaptap ay maibubuwis sa ganitong panggagahis hungkag ang huni ng mga kuliglig sapagkat maging sila’y tigib ng panganib ngunit sa sandaling tumangan ng armas ang minoryang api at humanay sa larangan ng hukbo’y sila namang berdugo ang maninikluhod mamumutla’t manginginig sa paniningil ng masang naghihimagsik silang anakpawis at uring pesante na nag-araro’t tumungkab sa taniman ang papasan sa pulang diwa ng pakikibaka kasama ng ipinunlang pawis sa payaw at mga alingawngaw ng pighati ng mga katawang naglaho at pinatahimik ng nakakasang gatilyo sila yaong maglalatag ng bagong kabukirang puspos ng pag-asa’t mabunying liwanag na hindi sinasagkaan ng ganid na panginoong maylupa at ng mga mersenaryong hangal kaniig nila ang nagkakarit na buwan at bawat nitong talim na siyang titimo sa paniniphayo ng uring naghahari
TUWING NAGHUHUGIS KARIT ANG BUWAN ni Leo Cosmiano Baltar
24
Hulagway sa Pula nga Umahan ni Frances Bryle
Bulawan nga liso sa bugas nga gitakos gikan sa makinarya nga gakurog sa kalipay, sama sa singot nga gatulo sa mag-uumang kabosgihumol sa nagdilaab nga adlaw, gatuwad-tuwad, gatinuoray. Sa pag-uli gibitbit ang kakapoy, isa ka gatos lang ang naani sa pagamuma. Lawas nga naglisod ug lihok og kahugnoon nga wala damha, apan ang mga agalong kayutaan ang nakapulos sa imong kinabuhi uroy. Mga lisong bulawang ginamama sa bulawang bangkil nga nagsidlak sa kadatong ma-pangulipon, wala na balaka sa gangulob nga tiyan sa kagabhion sa mga mag-uumang kabos nga naghinulsol sa kaugalingong elehiya. Sa pagsalop sa adlaw ni agung-ong ang kabaw, estranyong nakapurong ang nitunghabisting asul pero sa dugo na-uhaw: bangyaw sa pusil mao ang nakuha. Nag-agas ang pulang handurawan sa yutang habilin. Dugo sa kabos, anak-pawis, pasayloa ang katawhan. Yuta nga dapat ang katawhan ang alagaran, apan ngano sa burgisya wala kamo nalain?
25
Pahiloma ang Aktibista ni Gilford Doquila
pusila iyang baba, dakpa ang banhang kamatuoran bag-o kini molatay sa iyang dugo padulong sa iyang mga kamot ug mahimo kining balak— balak nga mamulak pa og laing balak ug mamukaw sa mga mosunod nga mopadayag og kabag-ohan. pahiloma ang aktibista, tadtara iyang kasing-kasing, ibahin ug ipakaon kini sa mga tawong kulang og pagtuo nga sa pamaagi niini sila sab makatilaw sa paabotay nga kaluwasan. human, ilubong iyang lawas apan dili malubong iyang kamatuoran. moturok gikan sa iya ang ugma nga mobunga og humot nga paglaom sa bag-ong kinabuhi nga ang kamatuoran walay kamatayan.
26
Sa Payag Sila Mingpahulay ni Alvin Dave
Yano lamang ang kinabuhi. Kita molihok. Kita mopahulay. Sa hacienda dinhi sa Sagay managsumpay ang kinabuhi namong mag-uuma. Adlaw-adlaw kaming molihok aron dunay ikapakaon sa among pamilya ug aron mahatagan sa mga panginanghanlanon. Pirmi namong giatubang ang katubohan. Mananom. Mangbungkal. Ang panahon ang kontra ug payag ang higala. Ang minugnang payag gamit ang mga trapal ang among kaambag sa pagpahulay. Sa payag kami mopahulay kon diin kami magsalo-salo sa mga giandam nga pagkaon sa among pamilya ug mga higala. Sa payag kami mopahulay kon asa kami nagpakighinabi ug nag-ambit sa among mga kahiubos, mga sugilanon, ug among suporta sa usa’g usa. Mao ni ang among langit. Apan sa unsa pagkahitaboa, kini nahimong impyerno. Ang mga buto-buto ang mingpukaw sa pahulay. Ang mga bala ang nisugat sa amo kon asa ang pagpahulay ning-abot na sa dayon. Sa payag sila mingpahulay kon asa ang mga dugo nga ning tulo sa ugang yuta ang mibisbis aron kini motambok og usab. Sa payag sila mingpahulay aron kining yutaa matuboan og himsog ug bus-ok nga mga tanom. Ug dinhi sa niining lugara nga atoang gipahulayan karon kon asa sila ningpahulayan sa kahanturan, kita nagtapoktapok.
Dako among kalipay nga ningahin kamo sa inyong oras nga imbes inyong ipahulay sa inyong hayahay nga kabalayan, inyong gipili nga makighimamat sa amo ug andam kamo nga mobiyahe sa lugar nga layo sa inyong maharuhay nga kinabuhi aron lang gyud makabatid mo sa among mga nasinatian. Pagpupugay sa inyo mga kabatan-onan kay ania kamo karon bisag naa moy kapilian nga mopahulay lang unta sa kasyudaran. Pagpupugay sa akong mga kauban nga padayon sa atong pagkigbisog ug pagbarog sa atong mga katungod. Pagpupugay natong tanan nga padayon lang sa atong pagpamata mga tulog na katawhan, pagorganisa ug sa paglihok. Kay dinhi niining lugara nga atoang gipahulayan karon, kita ang mga binhi nga motubo ug magpadayon sa pagtanom hangtod mapuno kini hacienda sa mga hinog natong kasingkasing nga andam nga mobarog, makigbisog. Kay kadahuman sa pahulay, ako ... kita, molihok na og usab.
Mao dakong kalipay namo karon mga maguuma nga ania mo karon mga kabatan-onan dinhi sa among dapit.
27
aNATOMIYA ni Mirick Paala
Sa loob may makikipot na eskinita. Walang makikita ni anino ng aso maliban sa mga pulis na binubulabog ang katahimikan ng kanilang paghinga. Hinahanap nila ang katawang ihahalili sa kanilang gawa-gawang pangalan sa kanilang gawa-gawang listahan. Sinusundan natin sila ng tingin, ang asul nilang balat-kayo, sinusundan natin sila hanggang sila ay mapagod, hanggang sa parangalan nila ang isa’t isa dahil natupad ang kanilang pangako na kaligtasan, disiplina. Pinagmamasdan natin ang kanilang mga kamay na walang takot, malinis na malinis, tangan-tangan ang baril. Pinapanood natin ang kanilang labi na humahalik sa pisngi ng asawa’t ng anak, sa paanan ng santo, ang bibig na kayang humingi ng pang-unawa dahil sila lang ang dapat unawain. Sinusundan natin sila hanggang pagtulog, hanggang panaginip—kahit sa ating mga panaginip— tayo ay mabubuting mamamayan, nakabantay sa likod ng itim na kurtina, nagmamasid, pinipigil ang hininga na parang may baril na nakatutok sa bibig.
28
DALUYONG ni Marx Delubyo Fidel
Kulang pa ang pugot na ulo ng demonyong pulitiko sa lahat ng pasakit na naranasan ng mga katutubo -- lalo na si Daluyong. Ilang taong pananakot, pagpatay, at pag-aakusang mga kriminal at terrorista, ang tiniis ng mga tao sa sagradong kabundukan ng Hele, laban sa demonyong nananahan sa munispyo sa kapatagan. Pilit na kinakamkam ng demonyo ang lupa ng mga katutubo para gawing minahan ng anito, at, sa kasagsagan, maraming katutubo ang walang habas na pinagpapatay -- kasama na ang buong pamilya ni Daluyong. Desperado at nag-iisa, ibinigay ni Daluyong ang kanyang sarili sa kapangyarihang ipinamana ng kaniyang mga ninuno. Nag-ibang anyo si Daluyong upang lumaban at upang iligtas ang natitirang buhay sa sagradong lupa ng Hele.
29
Kolektibo ng mga artista ang Panday Sining. Tumatayo ito bilang pangkulturang armas ng Anakbayan. Isa itong multi-disiplinaryong organisasyon. Naninindigan ito na ang sining at panitikan ay may nilalamang partikular na paninindigang pampulitika laban sa “sining para sa sining lamang.� Mulat nitong kinikilala na ang sining at panitikan ay mahahalagang armas para sa pagbabagong panlipunan.
AngPandaySining
@PandaySiningPH
@PandaySining
PandaySining
pandaysining1970