4 minute read

DONDAKE by Karen Sanchez

SHOGANAI

Konnichiwa minnasan! Kamusta po kayong lahat? Nawa ang lahat ay nasa mabuti at ligtas sa anumang sakit, kasamaan at karamdaman gaya na lamang ng kumalat na “Corona Virus o COVID19” kung saan laganap at kumakalat saang sulok man ng mundo at pinangangambahan na hindi na ito mawala at lalo pa itong makakapinsala habang tayo ay nabubuhay dito sa mundo.

Advertisement

Shoganai madalas nating sambit diyan sa Japan kapag ang isang bagay o sitwasyon ay wala tayong magagawa upang baguhin pa o pigilan bagkus kailangan nating tanggapin ng maluwag sa ating mga dibdib at ipagkabit-balikat na lamang.

Masakit isipin o tanggapin na hindi na natin maabot ang nais natin at mas lalong masakit kung tayo ay susubukin na magkasakit ng walang lunas kagaya na lamang nitong

COVID19 na kapag tinamaan tayo nito 50/50 na ang buhay natin at makikipaglaban o maaaring mamatay tayo ng nag-iisa at hindi na masilayan ang mga mahal natin sa buhay o ang ating pamilya. Shoganai din na hindi natin sila mayayakap o mahalikan o makapiling man lang habang tayo ay may dalang COVID o virus na ito hanggang sa tayo ay gumaling o pumanaw dahil dito.

Kung mapapansin natin, napakahirap ng sitwasyon natin ngayon. Hindi na tayo malaya kagaya ng dati. Kilos o galaw natin ay apektado na din. Maselan at dapat tayong maging responsable sa bawat ginagawa natin dahil tayo-tayo din ang mapapahamak.

Ang gobyerno natin dito sa Pinas nagkaloko-loko na din. Mga sistema ay paiba-iba at hindi lahat ay nabigyan ng tulong o naabot ng ayuda.

May nagpatayan, may karahasan at ang katwiran ng mga ahensya ay wala nang pondo ang bansa at wala tayong magagawa. Kung nasa Japan tayo, masasambit mo na "shoganai ne".

Pero may malaking leksyon tayong natutunan. Ito ay ang pagiging matiyaga, at madiskarte sa buhay. Sinubok tayo sa ngayong panahon ng "quarantine" kung saan lahat

tayo ay hindi nakalabas ng bahay at limitado ang kilos natin. At umabot ng halos dalawang buwan na nagdaan at ano-ano ba ang nagawa o ginawa natin para maibsan ang pagkabato o pagkainip? Sa mga kumita habang lockdown ay nakakahanga. Pero halos lahat ay nawalan ng trabaho at walang kita at nakokontento na lamang sa bigay ng mga mayayaman, kapit-bahay at gobyerno.

Nawalan saysay ang mamahaling bagay o materyal panandalian pagkat nawala ito sa eksena ng buhay natin. Dahil halos lahat sa atin ay nakontentong mabuhay ng simple sa kadahilanang hindI nga tayo nakalabas. Mga sasakyan hindI na maibyahe sa kung saan dahil nga sa lockdown. Bawat border ay may checkpoint at hindI pwede ang pakalat-kalat sa kalsada, party o mass gathering para maiwasan ang pagkakahawaan at malayo o mapigilan ang pagdami ng pasyente na may COVID19 dahil hanggang sa ngayon wala pa itong mabisang gamot. At higit sa lahat ay ang napagtanto natin ang kahalagahan ng may ipon sa panahomg tulad ngayon at kaya nating mabuhay nang hindI nakatanggap ng anumang tulong sa kahit kanino at lalong masarap sa pakiramdam ang ikaw, tayo ang nakakatulong malaki man o maliit sa mga kababayang

higit na mas nangangailangan. At sa panahong ito ay makikilala mo kung sino-sino ang pwede mo malapitan at may mabubuting puso na handang tumulong kahit lahat tayo ay nasa isang gipit na sitwasyon. Marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa. At dahil nga gipit o hirap tayo ay marami sa atin ang sa dasal at pananampalataya na kumakapit. Sa panahon ding ito ay marami ang nagbalik-loob sa Diyos sa pag-asang maililigtas tayo sa anumang kapahamakang hinaharap at haharapin natin.

Base sa sarili kong nararamdaman o karanasan nakakatulong sa akin ang salitang "shoganai". Para sa akin ay isa itong pagtanggap o pagyakap ng isang negatibong nangyayari na hindI naman natin inaasahang mangyari at mag "move on" o ituloy ang buhay nang may positibong pananaw at hindI sumusukong lumaban, bagkus ito ay hamon sa atin bilang isang tao at may pananampalataya sa Diyos Amang Maylikha. Na maniwalang ang buhay sa mundo ay walang katiyakan at tanging ang Maylalang lamang ang nakakaalam kung kailan ito matatapos. Dapat lang nating isipin na ang lahat ay may katapusan. Ang buhay natin ay hiram. Shoganai, kaya dapat tuloy-tuloy lang.

Hanggang sa muli. Mag-ingat po tayong lahat. Be blessed.

PAGSUBOK ni Karen Sanchez

Habang nabubuhay tayo sa mundong ito

Pagsubok ay kasa-kasama na natin dito

Ang iba ay di nakakaya, nasisiraan na ng ulo

Lalo na kung walang nakakausap o nakakahalubilo

Iba-ibang pagsubok atin nang nararanasan

Epidemya, sakuna, kalamidad at iba pang karahasan

Iba-iba ang ating mga paniniwala at pinagdadaanan

At nasa atin din naman paano natin ito matutugunan

Tapang, tibay ng loob at dasal sa Diyos na Maylalang

Tiwala sa Kanya na atin ding itong malalampasan

At may tinatanaw na mabuting kinabukasan

Upang pag-asa manatili at lalo pang lumaban

Ang mundo ay bilog at lahat ay maaaring magbago

Panahon lang ang tanging makakapagsabi nito

Ang mahalaga ay lumaban, tumanggap na talo at natuto

Para sa agos ng buhay, ihip ng hangin na pabago-bago

Karen Sanchez

This article is from: