4 minute read

LIHAM PARA SA MGA KABABAYAN by Yellowbelle Duaqui

Next Article
KWENTO NI NANAY

KWENTO NI NANAY

Mahal kong Kababayan,

Tulad po namin dito sa Pilipinas, marahil ay matindi rin ang inyong pag-aalala dahil sa paglaganap ng novel corona virus (COVID-19) sa buong mundo. Marami sa atin ngayon ang nahaharap din sa matinding mga problemang dulot ng pandemya: ang pagkawala ng kabuhayan, ang kawalan ng seguridad para sa hinaharap, at pagkalito sa mga susunod na hakbang na maaaring gawin upang makabangon mula sa krisis na kinakaharap. Tulad ng paglaganap ng corona virus, hindi natin inasahan ang pagsalakay ng mga problemang kawaksi nito nang sabay-sabay, walang patid, at wari’y wala pa ring katapusan. Hanggang ngayon, namumuhay tayo sa takot dahil sa panganib na dala nito sa atin.

Advertisement

Sa kabila ng pagkakaroon ng hokkenshou (national health insurance card), alam ko pong mahirap din ang maospital sa Japan. Bukod sa hindi kabisado ang Nihongo lalo na ang pagbabasa ng Kanji, minsan ay nakakaranas din ng diskriminasyon bilang isang banyaga. Marahil ay lalo po itong nakakadagdag sa inyong agam-agam. ‘Ika nga ng ibang kababayan po natin sa Japan at dito rin po sa Pilipinas: “Bawal magkasakit!”

Habang tinatawid nating lahat ang kadilimang ito na malayo sa isa’t isa (dahil na rin sa pangangailangang magsagawa ng physical distancing), alalahanin natin na mas mahalaga naman na ang mga puso’t isipan natin ay lalo pang paglapitin sa pamamagitan ng patuloy na komunikasyon, pag-uunawaan, pagtutulungan, at pagdarasal para sa kaligtasan ng bawat isa.

Totoong nakakatakot ang mapamuksang virus na ito dahil ito ay wala pang lunas sa ngayon. Dahil hindi rin ito nakikita ngunit mabilis makahawa, para tayong humaharap sa isang malupit na kaaway na walang mukha. Marami na rin sa ating mga kakilala o mahal sa buhay ang binawian ng buhay at napinsala ng virus na ito. Ngunit sa mga panahong ito, nakita rin natin ang mga pangyayaring wari’y imposibleng mangyari noong mga panahong “normal” pa ang takbo ng ating buhay.

Naririyan ang kuwento ng mga negosyanteng namigay ng pagkain, masks, personal protective equipment (PPEs), at pinansyal na donasyon sa gubyerno, sa mga ospital, at sa mahihirap na komunidad sa panahong ito. Isa sa mga negosyanteng ito ay si Ramon Ang, ang pangulo ng San Miguel Corporation. Nahihirapan man ang kanyang kumpanya sa ngayon at namatayan ng anak dahil sa corona virus, naging bukas-loob pa rin siya sa pagtulong sa kapwa sa panahong ito. Ang kanyang pabrika ng alak ay naging pagawaan ng ethyl alcohol na ipinamigay nang libre sa mga ospital sa Pilipinas. Nagsimula rin silang gumawa ng nutribun – masustansyang tinapay na ipinamigay din nang libre sa mga mahihirap na komunidad. Natanggap din ng kanyang mga empleyado ang kanilang buong pasahod ngayong lockdown. Namigay din siya ng 1.1 milyon kilo ng bigas sa mga mahihirap nating kababayan. Umabot din sa 10 milyon dolyares ang PPEs na kanyang ipinamigay sa mga frontliners. Sa ngayon, umabot na sa P13.08 bilyon ang naitulong ni Ramon Ang sa ating mga kababayan. Ang mga ganitong pagkakawang-gawa ng mga korporasyon ay bihirang maramdaman sa panahong “business as usual”.

Naririyan din ang wari’y paghilom ng sugat ng kalikasan. Sa India, halimbawa, natatanaw na ngayon mula sa siyudad ng Jalandhar at sa hilagang rehiyon ng Punjab ang bulubundukin ng Himalayas dahil sa pagbaba ng antas ng polusyon sa India mula noong nagkaroon ng lockdown dulot ng pandemya. Sa ilang bahagi ng Kamaynilaan, tanaw na rin ang Sierra Madre, ang pinakamahabang bulubundukin sa Pilipinas na matatagpuan sa Hilagang Luzon. Tulad ng India, bumaba rin ang antas ng polusyon sa Kamaynilaan mula ng ideklara ang lockdown.

Sa kabila nito, mahirap sabihing may “silver lining” ang pandemyang ito kung titingnan ang dami ng taong namatay at nagkasakit sa ngayon, gayon din ang mga nawala o naapektuhang hanapbuhay. Marami ngayon ang nagugutom at lubhang nahihirapan, at hindi pa malinaw kung kailan matatapos ang krisis na ito.

Nakita rin natin na lahat ay pantay-pantay ang pagiging bulnerable sa virus na ito. Mayaman man o mahirap na bansa, makapangyarihan man o walang gahum, pareho lang na pinasok ng virus dahil sa umiiral na sistema ng globalisasyon. Gayunpaman, ang hindi pagkakapantay-pantay sa sistema ang siyang lalong nagpahirap sa buhay ng mahihirap ngayong krisis na ito. Hindi na makapagtrabaho dahil sa lockdown ang mga pamilyang isang kahig, isang tuka. At kapag dinapuan ng sakit, lubhang napakalaki ng inaabot na gastusin sa ospital, gayon na rin ang pagpapalibing kapag sakaling namatayan.

Kaya’t sa muling pagbubukas ng daigdig pagkatapos ng krisis na ito, dapat din nating itanong sa sarili kung dapat bang bumalik na lang uli sa dating kaayusan. Ito na ang pagkakataon upang magsimula uli at ayusin ang sistemang pangkalusugan sa bansa, bilang isa sa mga lumitaw na problema sa krisis na ito. Nawa’y ang “new normal” na ito ay magbigay ng tuon sa kalikasan at sa kalusugan ng tao, bilang mga prayoridad higit pa sa mga pulitikal at ekonomikong interes ng iilan lamang na mayayaman at makapangyarihang tao sa mundo.

Panalangin ko na sana ay manatili kang ligtas sa iyong kinaroroonan. Lakasan mo ang iyong loob sa harap ng krisis na ito.

Ki wo tsukete kudasai!

Nagmamahal,

Yellowbelle

Yellowbelle Duaqui

This article is from: