Liham para sa mga Kababayan sa Japan
ni Yellowbelle Duaqui
Mahal kong Kababayan,, Tulad po namin dito sa Pilipinas, marahil ay matindi rin ang inyong pag-aalala dahil sa paglaganap ng novel corona virus (COVID-19) sa buong mundo. Marami sa atin ngayon ang nahaharap din sa matinding mga problemang dulot ng pandemya: ang pagkawala ng kabuhayan, ang kawalan ng seguridad para sa hinaharap, at pagkalito sa mga susunod na hakbang na maaaring gawin upang makabangon mula sa krisis na kinakaharap. Tulad ng paglaganap ng corona virus, hindi natin inasahan ang pagsalakay ng mga problemang kawaksi nito nang sabay-sabay, walang patid, at wari’y wala pa ring katapusan. Hanggang ngayon, namumuhay tayo sa takot dahil sa panganib na dala nito sa atin. Sa kabila ng pagkakaroon ng hokkenshou (national health insurance card), alam ko pong mahirap din ang maospital sa Japan. Bukod sa hindi kabisado ang Nihongo lalo na ang pagbabasa ng Kanji, minsan ay nakakaranas din ng diskriminasyon bilang isang banyaga. Marahil ay lalo po itong nakakadagdag sa inyong agam-agam. ‘Ika nga ng ibang kababayan po natin sa Japan at dito rin po sa Pilipinas: “Bawal magkasakit!”
24
Habang tinatawid nating lahat ang kadilimang ito na malayo sa isa’t isa (dahil na rin sa pangangailangang magsagawa ng physical distancing), alalahanin natin na mas mahalaga naman na ang mga puso’t isipan natin ay lalo
pang paglapitin sa pamamagitan ng patuloy na komunikasyon, pag-uunawaan, pagtutulungan, at pagdarasal para sa kaligtasan ng bawat isa. Totoong nakakatakot ang mapamuksang virus na ito dahil ito ay wala pang lunas sa ngayon. Dahil hindi rin ito nakikita ngunit mabilis makahawa, para tayong humaharap sa isang malupit na kaaway na walang mukha. Marami na rin sa ating mga kakilala o mahal sa buhay ang binawian ng buhay at napinsala ng virus na ito. Ngunit sa mga panahong ito, nakita rin natin ang mga pangyayaring wari’y imposibleng mangyari noong mga panahong “normal” pa ang takbo ng ating buhay. Naririyan ang kuwento ng mga negosyanteng namigay ng pagkain, masks, personal protective equipment (PPEs), at pinansyal na donasyon sa gubyerno, sa mga ospital, at sa mahihirap na komunidad sa panahong ito. Isa sa mga negosyanteng ito ay si Ramon Ang, ang pangulo ng San Miguel Corporation. Nahihirapan man ang kanyang kumpanya sa ngayon at namatayan ng anak dahil sa corona virus, naging bukas-loob pa rin siya sa pagtulong sa kapwa sa panahong ito. Ang kanyang pabrika ng alak ay naging pagawaan ng ethyl alcohol na ipinamigay nang libre sa mga ospital sa Pilipinas. Nagsimula rin silang gumawa ng nutribun – masustansyang tinapay na ipinamigay din nang libre sa mga
MARCH - APRIL 2020