1 minute read
PAGBABALIK FACE-TO-FACE CLASSES
Muling pagbubukas ng klase, nasimulan na
Bunsod ng dalawang taong panuruan na walang face-to-face classes, masiglang nagsipasukan ang mga mag-aaral ng SJCNHS para sa kanilang unang araw ng eskuwela, baon ang ngiti sa kanilang mga labi.
Advertisement
“Ako’y medyo ninenerbyos noong unang araw ng pasukan, may kahalong kaginhawaan ang ninenerbyos na pakiramdam na ito dahil mas madadalian na ako sa pag-aaral,” ayon kay Dennis John Somera, mula sa Special Program in the Arts (SPA) 9-Molina ng City High.
Dagdag pa niya, sa kaniyang paghahanda sa face-to-face classes, kaniyang inayos ang mga kinakailangang gamit para sa pag-aaral at maging alerto sa mga guidelines na iaanunsiyo sa Facebook page ng paaralan.
“Importante para sa akin ang F2F para maintindihan at makapagfocus sa tinuturo ng mga guro, hindi tulad noong pandemic na puwede ng maglaro habang nagkaklase kasi online,” saad ni Roberto II S. Asuncion, mag-aaral mula sa 9 SPAMolina.
Ayon kay Gng. Shiena S. Julian, Teacher III mula sa SJCNHS, naging una sa kanilang paghahanda para sa face-to-face classes ang mga pasilidad at mga silid-aralan na gagamitin ng mga estudyante.
“Sinigurado ko na ginawa at sinunod ko ang lahat ng pangangailangan at patakaran na ipinatupad…mula sa mga kagamitang gagamitin ng mag-aaral hanggang sa mga materyales na kakailanganin sa pagtuturo sa face-to-face ay akin ding inihanda”, dagdag pa ni Ginang Julian.
Dagdag pa niya, inatasan sila ng punongguro na si Dr. Vilma C. Nuñez na mag-isip ng mga pakulo para sa kanilang mga advisory class.
Mas mainam din daw talaga ang harapang pagkaklase sapagkat mas maraming aktibidad at kasanayan ang maisasagawa ng mga mag-aaral.
“First and foremost build rapport to establish connection. Malaking bagay na sa unang meeting pa lang maganda na ang mabuong impression sa isa’t-isa para maganda ang simula ng klase then I started to discuss the do’s and dont’s”, dagdag pa ng guro.