3 minute read
City High, Nakiindak sa Galaw Pilipinas
ni WILL IAN SARMIENTO Patnugot ng Isports
Ipinamalas ng mga mag-aaral ng City High ang kanilang galing sa pag-indak ng School Based Galaw Pilipinas: The DepEd National Calisthenics Exercise Program matapos humataw ang mga mag-aaral mula baitang ika-7 hanggang ika-10 alinsunod sa Division Memorandum no. 431, s. 2022 simula ng unang araw hanggang ika-6 ng Marso.
Advertisement
Hindi nagpahuli ang mga magaaral ng City High matapos humataw sa ilalim ng init ng haring araw at sayawin ang DepEd National Calisthenics.
Isinagawa ito alinsunod sa Division Memorandum No. 431, s. 2022 at simulan ang pagsasayaw sa unang araw hanggang ika-6 ng Marso.
Nasubok ang galing ng mga mag-aaral sa larangan ng pagsasayaw kung saan kanilang kinagiliwan ang paghataw.
Hindi alintana ang matinding sikat ng araw upang maantala ang pagsasagawa ng nasabing aktibidad.
Nagningning din ang mga makukulay na pompoms ng mga mag-aaral na may naatasang kulay sa bawat baitang ang dilaw ay para sa Baitang 7, berde sa Baitang 8, pula para sa Baitang 9 at asul sa mga magaaral ng Baitang 10.
Natuklasan ng mag-aaral na hindi lamang sa pagbubuhat at pagpunta sa gym ang pag-eehersisyo, nagagawa rin ito sa pamamagitan ng pagsasayaw na siyang kinagiliwan ng bawat isa.
Marahil nakatutok madalas ang mga mag-aaral sa kanilang gadgets at hindi na nahaharap ang pag-eehersisyo. Tagaktak sa pawis ang mga mag-aaral matapos maigalaw muli ang kanilang pangangatawan.
“Masaya at sa kabuuan naging maayos at matagumpay naman itong naisagawa, bagamat may mga ilang mag-aaral na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ito kabisado o minsan ay ginagawa pa ring biro, mas marami pa rin ang nakakasunod at kung ito’y seseryosohin, mas maganda pa ang maging output performance natin” ani ng MAPEH teacher na si Anjo Hidalgo.
Dela Vega, tumalon sa bagong record
Umagaw ng atensiyon ang 15 anyos na long jumper mula sa San Jose City, Nueva Ecija, nang angkinin ang gintong medalya sa bagong Batang Pinoy record sa Long Jump 2023 ICTSI Philippine Athletics Championship nitong ika-24 ng Marso.
Binura ni Sophia Dela Vega ang kaniyang 4.77 meters performance set sa 2022 Batang Pinoy na ginanap sa Vigan Ilocos Sur noong Disyembre, matapos magtala ng panibagong record 4.81 metrong layo sa 2023 ICTSI.
Muling humakot si Dela Vega, ang “Reigning Batang Pinoy” ng gintong medalya at nag-uwi ng karangalan sa kaniyang Lungsod.
Tubong San Jose City, Nueva Ecija si Dela Vega, isang mag-aaral sa San Jose City National High School at bilang kinatawan ng paaralan sa iba’t ibang kompetisyon dahil sa kaniyang angking galing.
Tinagurian ding “Long Jump Princess” si Dela Vega matapos mamayagpag sa 2023 ICTSI Championship.
Sumailalim si Dela Vega sa matinding pag-eensayo sa tulong ng kaniyang ina na siya ring kaniyang tagapagsanay.
Ayon sa kaniyang ina na si Romina Dela Vega: “She started athletics nung 2019, then nagstop po siya noong pandemic, then nagbalik na lang po noong August 2022, she was also guided by Sir Winston Maraña and Ma’am Precious Nowelene Venturina noong nakitaan po siya ng potential and until now.”
Kabilang si Dela Vega sa delegasyon ng darating na CLRAA nitong ika-23 ng Abril at sasabak bilang kinatawan ng San Jose City National High
Batang “Dela Vega”: Lukso ng Pangarap
ni REGINA JOY B. REOFRIR
Sa malawak na espasyo ng Oval , matatanaw si Sophia na tila walang kapaguran sa pagtakbo habang tangan-tangan sa kaniyang puso ang hangarin nitong manalo na lubos na hinangaan ng lahat at isa sa ipinagmamalaking manlalaro hindi lamang ng City High kundi maging sa buong lungsod sa larangan ng Athletics .
Isa ang kaniyang ina na si Romina A. Dela Vega sa mga gurong tagapagsanay ng athletics sa kanilang paaralan noon sa elementarya. Sa una ay wala siyang hilig sa isports na ito, hanggang sa mahikayat siya dahil sa impluwensya ng kaniyang kaibigan. Taong 2019, nang simulan niya ang pagsasanay, hindi man naging madali para kay Sophia ang pagsasanay ngunit dahil sa pagiging determinadong maging isang dalubhasang manlalaro, tiniis lamang niya ang hirap at patuloy na nag-ensayo.
Nasa ika – 6 na baitang siya nang makamit ang kaniyang unang ginto sa Division Athletics Meet 2019 at isa sa mga manlalarong kalahok sa Central Luzon
Regional Athletics Association (CLRAA) 2020. Hindi inakala ng batang Dela Vega na kasabay ng kaniyang paghihirap ay tinatahak na rin pala niya ang kaniyang kapalaran sa larangang pamana ng kaniyang ina.
Sinimulan niya ang puspusang pag-eensayo kasabay ng kaniyang mga kapwa athletics players upang paghandaan ang Batang Pinoy 2022. Tiniis ang araw-araw na pagod sa ilalim ng matinding sikat ng araw at walang sawang pagsasakripisyo sa kaniyang oras. Pursigido ang batang Dela Vega upang makapag-uwi ng medalya at karangalan sa Dibisyon ng San Jose, ngunit sa unang pagkakataon niya sa paligsahang ito hindi inaasahan ang tuwa nang magkamit ng hindi lamang medalya kundi isang gintong medalya na kaniyang iniuwi. Naging inspirasyon ito para sa kaniya upang muling sumubok at ito ang nagtulak sa kaniya upang muling sumali sa iba’t ibang paligsahan sa Pilipinas.
Dumaan man sa mga hamon ng pagiging atleta, hindi ito naging balakid sa pangarap ng kampeon bagkus ito ang pinaghugutan niya ng lakas ng loob upang magpatuloy at hindi sumuko. Ginamit niyang sandata ang mga karanasang napagdaanan ang mga kalungkutan, kamalian, at mga kabiguan sa kaniyang karera bilang manlalaro ng athletics.
Malayo man at walang kasiguraduhan kung saan ang destinasyong kaniyang patutunguhan, nagsisimula pa lamang sa paggawa ng kaniyang pangalan si Dela Vega, at malaki ang naging parte ng kaniyang pagiging isang kampeon sa kaniyang karera dahil ito ang isa sa naging tulay ng kaniyang katanyagan.