4 minute read
Pagkakakilanlan ang Mamamagitan
Guro ang tumatayong pangalawang magulang sa mga mag-aaral habang pansamantalang nililisan ng mga ito ang kanilang tahanan. Batid kong magbahagi ng kaalaman ang kanilang tanging layunin, at hindi nga maikakaila na sa puso ng mga mag-aaral ay nalapit na rin. Magkaibigan kung magturingan, ngunit sa aking palagay, mas mainam na manatili bilang isang propesyunal na guro at nangangarap na mag-aaral ang kanilang tingin sa isa’t isa.
Hindi na bago ang salitang “bias” sa paaralan. Tila nawawaglit ang pagiging propesyunal ng ilan sa ating mga guro. Sa aking pananaw, hindi naman mali na sila’y magkapalagayan ng loob, ngunit mayroong mga sitwasyon na ito ang nagiging dahilan ng hindi pantay na pagtingin sa mga mag-aaral at iba pang mga sitwasyong hindi kanais-nais.
Advertisement
Dahil tila hindi mapanatag ang Department of Education (DepEd) sa ganitong pangyayari, naglunsad ito ng DepEd Order No. 49, s. 2022. Ipinagbabawal na ang ugnayan, talakayan sa labas ng silid-aralan at usapang walang kinalaman sa pag-aaral ng mga guro at mag-aaral, gayundin sa social media, maliban na lang kung sila ay magkamag-anak. Marami ang umaray at tila hindi sang-ayon dito, ngunit isinaad ni DepEd Spokesperon Michael Poa na nilalayon lamang nito na mapanatili ang propesyunalidad ng bawat kawani ng DepEd nang sa gayon ay higit na mapatatag ang karangalan at integridad ng kagawaran.
Sa aking pananaw, hindi maaapektuhan ang pagtuturo at pag-aaral kung pagkakakilanlan nila bilang isang propesyunal at mag-aaral ay mananatili. Kung hangad nating lahat na mapabuti ang edukasyon sa ating bansa, matuto tayong tukuyin kung ano-ano ang mga hakbang na nararapat na maisagawa.
Isang mahalagang tungkulin ng bawat institusyon ang pagtitiyak ng kaligtasan sa edukasyon. Marahil ang edukasyon ay hindi lamang nagbibigay ng kaalaman at kasanayan sa mga mag-aaral, kundi nagbibigay rin ng pagkakataon upang mapabuti ang kanilang buhay at makapagbigay ng positibong ambag sa lipunan. Sa gayon, ang pagsiguro sa kaligtasan ng mga mag-aaral at iba pang miyembro ng komunidad ng paaralan ay hindi lamang isang moral na obligasyon, kundi isang legal na responsibilidad din ng mga paaralan.
Ito ay isang mahalagang isyu na dapat bigyang-pansin ng mga mag-aaral, guro, magulang, at ng buong komunidad. Sa kasalukuyang panahon, hindi natin dapat piliin kung ano ang mas mahalaga sa pagitan ng edukasyon at kaligtasan dahil kailangan nating pagtuonan ng pansin ang pareho. Ngunit sa kabila ng mga polisiya at programa ng paaralan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, hindi pa rin ito sapat upang maalis ang mga posibleng panganib.
Sa kabila ng mga pagsasaalang-alang, may ilan pa rin na ayaw sumunod sa alituntunin. Sa puntong ito, maaaring malagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan. Naranasan kong gumamit ng necessity pass, tunay ngang may kasiguraduhan ang aking kaligtasan nang walang iniindang pangamba tuwing ako’y lalabas ng aming silid-aralan. Nakaramdam ako ng kapanatagan ng loob dahil malaya akong nakakikilos sa mahahalagang bagay na aking aasikasuhin lalo na’t may dokumento ako na nagpapakita na ako’y talagang pinayagan ng aking guro.
Batay sa aking pananaw, kinakailangang isaisip na ito ay isang paraan upang maprotektahan ang kaligtasan ng bawat isa. Kinakailangan na sundin ang mga patakaran at panuntunan upang matiyak na magagamit ito nang tama at maiwasan ang hindi kanais-nais na pagtakas o panlilinlang ng mga mag-aaral. Sa ganitong paraan, mapananatili ang edukasyon at kaligtasan sa paaralan nang magkasabay. Sa patuloy na pagpapatupad ng mga hakbang sa kaligtasan, maaring magkaroon ng ligtas at produktibong paaralan para sa lahat.
The
GRAIN FILIPINO
JARYLL MAY A. SOTELO Punong Patnugot ZAIMEL EURI F. ALSAYBAR Patnugot ng Balita NICK NOAH T. VENTURA Patnugot ng Editoryal ARDIE MIGUEL I. ONG Patnugot ng Lathalain ASHLEY NICOLE P. SAMPILO Patnugot ng Agham at Teknolohiya MARLETTE KERSTIENE G. BAULA Potograpo AHRON JHOMZ J. SOMERA Dibuhista WILL IAN A. SARMIENTO Patnugot ng Isports IRANARY CHEM P. PASCUAL Taga-anyo JENNIFER A. OLIGAN Tagapayo JULIEN ROI ZENRIAH DL. TAN Pangalawang Patnugot ZAIMEL EURI F. ALSAYBAR Panlabas na Tagapamahalang Patnugot ARDIE MIGUEL I. ONG Panloob na Tagapamahalang Patnugot Mga Kontribyutor Ophir Amaziah F. Sablay | Kevin Joshua F. Canlas | Akiko Miaka S. Cacdac | Ashley Nicole A. Andres | Sariah Reign C. Pascual |Lheida Shelley A. Guillermo | Rainiel M. Peralta |Rica Mae S. Bautista | Irish Mikka M. Gelacio | Melfina Kyle C. Roque | Janna Merci S. Mallari | Ryle M. Geron | Jhozeal V. Huliganga |
Janah Llauren N. Gallardo
Harinawa
NICK NOAH T. VENTURA
Malimit banggitin ng mga Pilipino na ginto ang oras at ang katapatan ay isang katangiang nararapat taglayin ng bawat mamamayan kaya naman labis na ikinalulugod ng pamunuan ng San Jose City National High School (SJCNHS) ang pagkakatatag ng isang bagong organisasyong We Advocate Time Consciousness and Honesty (Project W.A.T.C.H.) sa loob ng paaralan dahil naglalayon itong hubugin ang mga mag-aaral na magkaroon ng pagpapahalaga sa tiwalang ipinagkaloob ng kapuwa at panahong mayroon sila.
Naitatalang maraming mag-aaral ang nahuhuli araw-araw sa pagsisimula ng mga klase at mga hindi nakaaabot sa Flag Raising Ceremony (FRC) na ginaganap tuwing Lunes. Ito ay isang kongkretong kadahilanan para masabing tunay na nangangailangan ang paaralan ng kasamang mag-asikaso sa mga ganitong pagkakataon at tutulong sa pagpapababa sa bilang ng mga kabataang naaapektuhan ang pag-aaral bunga ng madalas na pagpasok nang wala sa tamang oras. Sa kabilang banda, may mga naitalang insidente ng pagkawala ng pribadong pag-aari, pambubuska at paggamit ng sigarilyo o e-cigarette mula nang magsimula ang pasukan, ngunit sa tuwing ang gumagawa nito ay nahuhuli, mariin nilang itinatanggi ang kanilang pagkakamali kaysa piliing umamin at humingi ng paumanhin. Malinaw itong bakas ng kawalan ng katapatan ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon na siyang inaasahang maging modelo ng susunod na henerasyon.
Yaring paglalagay ng Psychosocial Support Box, pagsiguro sa pagkakaroon ng mga logbook sa bawat silid-aralan, paggagawad ng pagkilala (Early Bird Award) sa mga modelong magaaral upang ma-engganyo ang iba na agahan ang pagpasok, at lingguhang pagtingin sa mga nilalaman ng sulatan o talaan upang matiyak na ito ay nagagamit, at marami pang ibang plano ang layon nitong ilatag.
Adhikain ng Project W.A.T.C.H. na turingang kayamanang kumukupas ang oras at maikintal sa kanilang isipan na ang tiwala ng tao ay nawawala kasabay nang pagmaliw ng katapatan. Kabahagi rin ito sa pagpapaunlad sa kalidad ng edukasyon nang sa gayon ay higit na malinang ang kakayahan ng mga bata at makapaglaan sila ng sapat na oras para sa kanilang sarili, libangan, pamilya, at pakikipagkapuwa-tao. Tunay ngang ang pagsilang ng isang bagong proyekto ay isang daan tungo sa pagbabago!