4 minute read

TINIG NG MAG-AARAL

Kinikilalang flagship school at pinakamalaking paaralan sa Lungsod ng San Jose ang San Jose City National High School na 80 taon nang nagsisilbing taniman ng karunungan para sa bawat kabataang dito ay nag-aaral. Kamakailan lamang ay nagliyab ang usaping ninanais na ng Senior High School na tumiwalag o humiwalay sa Junior High School dahil sa iba’t ibang kadahilanang kanilang inilatag.

Ang The Grain-Filipino ay nagtanong sa mga mag-aaral hinggil sa usaping tinatalakay. Ang katanungan, “Pabor ka ba o hindi pabor sa paghihiwalay ng senior at junior high school ng ating paaralan? Bakit?”

Advertisement

“Hindi ako sumasang-ayon. Nag-aalis lamang ito ng pagkakataon para sa mga mag-aaral na matuto mula sa isa’t isa.”

Victoria Leigh D. Castro

7- Einstein

“Kinaya ng Caanawan High na magsama, kakayanin din nating manatili sa tulong ng isa’t isa.”

Precious Padua

9-Mendeleev

“For me hindi ko gusto kasi maghihiwalay na sila e. I disagree, hindi po nararapat maghiwalay kasi po iisang school naman bakit naman po paghihiwalayin, ‘di ba?”

Kurt Russel Ganado

9-Galileo

“Yes, I thoroughly agree that SJCNHS’ Junior and Senior High School should be kept apart because senior high students scatter around the Junior High area and provoke fights throughout the school. While their separation is actually a good development, I wish they had similar policies, kung ano ang mayroon sa kabila is I hope ma-adapt ng isa.”

Russel Jhay Palasigue 10-Archimedes

“Hindi sang-ayon. Biktima tayong lahat, para tayong mga anak na naapektuhan ng paghihiwalay ng ating mga magulang.”

Johaira Ugali 10 SPA- Amorsolo

Agree naman po ako para po may malayang control ang SHS sa kanilang balak sa pag-aayos [base] sa kanilang gusto.”

Mariecharm Cuadro 7-Bacolod

“‘Di sang-ayon, kasi bakit kailangan pang ihiwalay pareha lang naman ng school, nagkataon lang na senior high sila at junior tayo. Ang pangalan pa rin ng school ay San Jose City National High School.”

Elaiza Maricon Uy 8-SPA Obusan

“Sang-ayon po, kasi mas magiging safe para sa juniors ang campus, mababawasan ang pagkakataong magkaroon ng gulo.”

Mary Joy 10-Chronicles

Sumpa at Panata sa Ating Bansa

Layunin ng Department of Education (DepEd) ang humubog ng mga mag-aaral na mayroong pag-ibig para sa inang bayan sa pamamagitan ng iba’t ibang pamamaraan tulad ng pag-aatas na makabisa ang Panatang Makabayan na naglalaman ng pangako ng pagpapahalaga sa bansa.

Ipinatutupad ng DepEd ang pagsasagawa ng Flag Raising Ceremony (FRC) tuwing Lunes ng umaga kung saan kinakailagang maisakatuparan ang pagiging makabayan ng mga mag-aaral sa kadahilanang nagbibigay ito ng paalala sa responsibilidad bilang isang makabayang Pilipino upang mapaigting ang pagiging makabayan na tila nakaliligtaan na ng karamihan lalo na ng mga kabataan.

Ginaganap tuwing Lunes ng umaga ang FRC upang simulan ang buong Linggo nang may parangal at respeto sa bansa kaya naman ipinag-utos ng San Jose City National High School (SJCNHS) na isara ang gate pagsapit ng 7:16 ng umaga, upang bigyang-daan ang pagpupugay sa ating bandila. Sa kabila ng tila pagtutol ng mga mag-aaral sa sistemang ito, masasabi namang tinuturuan lamang sila na maging responsable sa pagpasok sa paaralan at magkaroon ng pagkilala at paggalang sa watawat ng Pilipinas na tanda ng ating kalayaan.

Makatutulong ang regular na pagsasagawa ng naturang seremonya upang maiangat ang moral nating mga Pilipino. Sa puntong ito, higit na tatatak sa ating mga puso at isipan ang kahalagahan ng pagiging makabansa at makabayan kasabay ng unti-unting panunumbalik ng mabuting disiplina habang isinasabuhay ang pagiging responsable at mapanagutang mamamayan.

Tungkulin ng itinakdang aktibidad na ito ang pagbibigay-respeto sa mga hindi matatawarang sakripisyo ng mga bayani at sa kanilang pagbuwis ng sariling buhay na siyang naging dahilan ng ating kalayaan at kasarinlan. Inaasahan na ang lahat ng mag-aaral ay regular na dadalo sa seremonyang ito, dapat nating tandaan na hindi natin makakamit ang malayang modernisadong kasalukuyan kung hindi lumaban ang magigiting na mga bayani na siyang laman ngayon ng ating kasaysayan. Patuloy nating itaas ang karangalan ng bansa sapagkat ang bansang marangal ay isang bansang matatag at malaya.

Kalinaw

MELFINA

Unos ay Pagtatagumpayan

Iiwasan ang kapahamakang dala ng kalikasan upang kaligtasan ng kabataan ay makamtan. Hindi maikukubli ang dagok na hinaharap ng mga mag-aaral habang patuloy nilang sinasabayan ang aparato sapagkat sa bawat paggalaw nito ay nababawasan ang oras na ilalaan sa mga gawaing pampaaralan. Dumagdag ang banta ng kalikasan sa mga hamong kahaharapin ng mga kabataan. Labis na nakababahala ang pagbabago ng klima at kasalukuyang kalagayan ng kalikasan. Batid ko na ang kabataan ang pag-asa ng bayan kaya nararapat lamang na tiyakin ang seguridad namin sa bawat landas na tatahakin at kalamidad man o pagsubok na susuungin.

Habang apektado ng unos ang mga mag-aaral, agarang kilos ang handog ng Department of Education (DepEd), sa bisa ng DepEd Order No. 37 s. of 2022 o ang Guidelines on the Cancellation or Suspension of Classes and Work in Schools in the Event of Natural Disasters, Power Outages/ Interruptions and other Calamities, kapakanan ng kabataan ay isinaalang-alang!

Laan ng kagawaran ang proteksiyong nararapat sa mga mag-aaral, tunay ngang pag-iingat sa ating kaligtasan ay kanilang tinututukan. Mainam ang pagpapatupad sa kautusang ito dahil kabataan ang nakikinabang, nailalayo ang lahat sa kapahamakan, at natitiyak ang kaayusan sa kalagayan ng bawat mamamayan.

Ipinagpapasalamat ko na tayo ay bininigyang-pansin. Isang mahusay na hakbang ang pagbuo rito dahil walang kasiguruhan sa maaaring mangyari kaya tama lamang na awtomatikong kanselahin ang pasok kung kinakailangan.

Pilit na tatapatan ang lakas ng ihip ng hangin dahil may pangarap pang nag-aabang sa akin kaya naman kahit kalikasan pa ang siyang kalalabanin, at suntok sa buwan man ang mithiin, pilit ko itong aabutin! Batas ang kasangga sa pagkamit ng kaligtasas ng bata!

Mahal na Patnugot, Ikinagagalak ko ang inyong serbisyo sa paaralan. Sumulat po ako upang iparating ang katanungang bakit kailangang gumamit ng necessity pass sa tuwing lalabas? Maraming salamat po sa inyong pagtugon!

Minamahal naming Mhecayla,, Ikinalulugod namin ang iyong pagkagalak sa serbisyo ng pahayagan. Hinggil sa iyong katanungan, mayroong alituntuning pampaaralan ang nagtatakda rito sa pagpapatupad ng pagsusuot ng necessity pass sa tuwing lalabas ng silid-aralan. Pangunahin nitong layunin ang tiyaking may kinakailangan talagang gawin ang mag-aaral na siya ay pinayagan ng guro o awtorisadong maglakad sa mga pasilyo at lumabas sa oras ng klase. Maari mong basahin ang artikulong nakalimbag sa ating diyaryo para sa detalyadong paliwanag ukol sa kahalagahan nito.

This article is from: