2 minute read

Alalay: Takbo City High! TATAK CITY

Ilusyon lamang ang pagpapatayog ng kinaadman kung isinasantabi ang kalayaang tasahan ang kaalaman sa iba pang larang.

Walang silbi ang mabilis na pagtakbo kung ‘di napapansin ang hudyat ng pagpitik sa gatilyo ng baril. Mas lalong walang silbi, kung sa pagtakbo’y may pilay ang paa’t tinatanggihan ang paghilom nito. Hindi kailan man nagwawagi ang mananakbong maalam nga sa bilis ngunit tumatanggi o napagkaitan ng suportang maging kaisa ang pagsubok na buhangin.

Advertisement

Sa karera ng tagumpay, libong hadlang ang dapat paghandaan upang marating ang waging bunga. Samu’t saring usok ang siyang kakamot sa ‘yong pilikmata upang matakpan ang daanan. Maraming bato ang siyang papatid sa iyo at magpapadapa, dahilan upang sugatan ang bitbit na pangarap. Ilang boses ang siyang pipisil sa iyong tenga’t lilinlang upang ika’y maligaw.

Buti na lang, kaisa natin ang San Jose City National High School (SJCNHS) sa paghahanda sa ganitong mga pangyayari. Inaalalayan ang bawat isa’t inihihiyaw ang suporta sa paghabol sa pangarap ng mga mag-aaral. Mas pinapabilis ang kanilang pagtakbo sa papamagitan ng paglabas ng ilang proyekto tulad ng Project Gender Related Offense Watch Line (GROWL), Project We Advocate Time Consciousness and Honesty (WATCH), at Project Trace Track

Teach Test (4Ts) na naglalayong turuan at suportahan ang lahat sa kanilang personal at akademikong buhay.

Inilalagay sa angkop na puwesto ng paaralan ang bawat mag-aaral sa pagtakbo nito. Winawalis ang lahat ng posibleng balakid bago pa man palisin ng sapatos nito ang mabatong daan. Bilang halimbawa, maraming estudyante ang nadadapa dahil sa kawalan nito ng disiplina sa katapatan sa orasan. Masasabing tangan niya ang kaniyang natatanging katalinuhan ngunit kapos sa determinasyon ang katawan. Kung kaya’t tinulungan ng SJCNHS ang mga mag-aaral na muling itali ang kanilang sintas; sa pamumuno nina Gng. Pinky Rose Gatchallian at G. Habbed Graza, naisakatuparan ang Project WATCH na naglalayong pagtuunan ng pansin ang mga mag-aaral na hirap sa pagpasok sa takdang oras. Layunin nitong wakasan ang nakasanayang “Filipino Time” at mag-usbong ng isang tapat na organisasyon sa loob ng paaralan.

Habang sa kabilang dako naman, may isang mabilis na mananakbo ngunit takot masinagan ng araw. Madampian lang ng init, lapnos na ang pangalan. Kaya’t habang tumatagal sa initan, pabagal nang pabagal ang kaniyang progreso sa pag-abot ng kadulo-duluhan. Ilang mag-aaral na bahagi ng komunidad ng LGBTQIA+ ang may taglay talagang kakatalinuhan. Ngunit dahil sa kaliwa’t kanang bulungan, mas bumibilis ang pagkahingal. Kaya’t isa ito sa tinugunan ng paaralan sa paglabas ng Proyektong GROWL na naglalayong bigyang kaligtasan ang sinoman. Layunin nitong bigyangkasiguraduhan ang mga makulay na mananakbo na sila’y kapantay rin ng lahat. Sinoman, nararapat pakinggan, suportahan, at bigyan ng libreng abogado kung sakaling makaharap ang isang mabigat na problema tungkol sa kanilang kasarian.

Habang sa bandang dulo’y tanaw ang isang mananakbong madaling hingalin. Kayayapak pa lang ng paa’y yapos na ng kapaguran. Walang nagtitiwala kaya’t kaybagal kung siya’y umusad. Tulad ng dati, sinagot ito ng paaralan. Sa pangunguna nina Gng. Jenniefer C. Garcia, Bb. Mary Ann B. Baltazar, at Gng. Aibejiil Casiño, naipalabas ang Proyektong 4Ts na siyang naglalayong alamin ang kahinaan ng bata sa pag-aaral, subaybayan ang ilan nitong pagkukulang, turuang siyang ito’y punan, at isalang sa pagsusulit upang alamin kung nagkaroon ng progreso ang kaniyang karera sa tagumpay. Layunin nitong mas maipaliwanag sa ilan ang apat na basic functions at maituro ang simpleng mga balarila.At sa huli, kasamang tumatakbo ng paaralan ang mga mag-aaral sa pagtugis nito ng kanilang pangarap. Dahil sa ginawang mga proyekto ‘di na naging balakid ang mga hadlang sa gitna ng daan. Madapa man, malinaw na ang konsepto ng pagbangon muli. ‘Di na muling matatawag na walang silbi, sa kadahilanang ang pagtakbo nila’y masasabi na ito ay isang pagwawagi.

This article is from: