5 minute read

Package

Next Article
Dibuhista

Dibuhista

PALETA II

18

Advertisement

“...Para akong batang nangunguha ng lata, bakal at bote na sa likod ng isip ay may nakatagong takot dahil sa kinalalagyan sa malupit na lipunan...”

ni KAYE ANN E. JIMENEZ

“Totoo po bang mayayaman lang ang nakapupunta sa ibang bansa?”

“‘Di naman lahat. Ang nanay ko nga; e, nasa ibang bansa pero ‘di naman kami mayaman, ‘di ba?”

“Pero ‘di ba po mahal ang pamasahe pagpuntang arbord?”

“Oo. Pero ‘di naman kasi lahat ng pumupunta sa ibang bansa; e, pumupunta ro’n para mamasyal o mag-happy-happy lang. ‘Yong karamihan, pumupunta ro’n para magtrabaho.”

“Aaaa...gano’n pala. E, bakit po? Wala bang trabaho rito?”

‘Di ko alam kung ano’ng pumasok sa isip ko’t nakuha ko pang makipagkwentuhan sa batang ‘yon kahit na ‘di ko naman kilala. Siguro, sawang-sawang na rin ako sa buhay. Kung ‘di ako nasa school, nasa bahay. For the past few years, naging school-bahay na lang ang daily routine ko. Kaya naman nang may lumapit sa ‘king bata na nangunguha ng mga lata, bakal at bote para magtanong kung may alam akong makukuhanan ng mga gano’ng bagay, naisipan kong makipagkwentuhan.

Lata. Bakal. Bote.

‘Di kami mayaman pero masasabi kong ‘di rin naman kami naghihirap. Siguro nga; e, dahil nagtatrabaho sa ibang bansa si Nanay. DH s’ya ro’n. Katulong ang tawag ‘pag dito sa Pilipinas nagtatrabaho—mutsatsa o atsay sa iba. ‘Pag sa ibang bansa, DH o Domestic Helper na. The ‘cheap’ implication of being a maid turned out to be something na pasosyal ang dating ‘pag related na sa ibang bansa dahil sa colonial mentality na meron tayo. Malaki ang sahod kumpara sa kakarampot na pasuweldo sa mga katulong dito.

Naiintindihan ko naman kung bakit kinailangan ni Nanay na umalis ng bansa at iwanan kami ng mga kapatid ko kay Lola. Napaaga kasi ang pagbyahe ni Tatay pa-heaven kung do’n nga ang punta n’ya at lahat kaming apat na magkakapatid ay nagaaral. Araw-araw, nagmamahal ang presyo ng mga bilihin pati na ang matrikula kahit pa sabihing sa pambansang pamantasan ako nag-aaral. Kabi-kabila ang mga nagsusulputang bayarin sa eskwelahan. Asin na nga lang ‘ata ang ‘di nagmamahal ngayon! Ang tanging solusyon na lang na nakita n’ya ay ang mamasukan bilang DH sa isang pamilyang ‘di naman n’ya kaanu-ano kahit pa ang kahulugan no’n sa ‘kin ay pagpapaalipin sa ibang lahi. I understand her situation. Naka-ho-homesick do’n. ‘Di naman n’ya ginusto na mapalayo sa amin dahil kung mabibigyan ng pagkakataon, alam kong mas pipiliin pa rin n’ya ang manatili sa bansa upang kami ang alagaan at i-guide sa ‘ming paglaki.

Hanga nga ako kay Nanay sa lakas ng loob n’yang harapin ang buhay mula no’ng ma-tsugi si Tatay dahil sa sakit sa atay. Mahina ang loob ni Tatay. Basta may problema, sa maboteng usapan lagi idinadaan. Palibhasa, nasanay sa maalwang buhay kaya nang mapasama s’ya sa mass layoff dati, naging bestfriend na n’ya ang empe at mucho. ‘Di kagaya ni Nanay, imba sa pagharap sa hamon ng buhay. Napaka-strong ng personality n’ya. Sanay sa hirap. Sanay magtiis.

‘Di madali ang buhay. Kailangan lagi ang pagsasakripisyo upang umasenso lalo na sa kasalukyang kalagayan ng bansa. Survival of the fittest ang labanan. Kailangang pairalin ang pagiging madiskarte. Kalimutan na muna ang pagse-senti kung ayaw mong mamatay nang kumakalam ang sikmura, dilat pa ang mata.

Kung ang ibang anak na iniwan ng magulang para magtrabaho sa ibang bansa ay nagrerebelde, ‘di ako gano’n. Nangyari na ‘yon sa pelikula ni Vilma Santos noong taong 2000. At wala akong balak na magpaka-Claudine Barretto dahil 2012 na ngayon. Magiging emo pa ba ako kung nasusunod naman ang lahat ng gusto ko?

19

PALETA II

20

Wala man s’ya sa tabi ko, dama ko naman ang pagmamahal n’ya sa ‘ming magkakapatid. Eight years na s’ya ro’n. Dal’wang beses pa lang s’yang nakakauwi. At ngayong malapit na ang graduation ko, nangako s’yang uuwi s’ya. High school lang ang natapos ni Nanay at gusto kong ialay sa kanya ang aking diploma kapalit ng mga naging pagpapagal n’ya sa trabaho. Sabi kasi ng teacher ko no’ng elementary, kung ‘di man daw nakatapos ng pag-aaral ang magulang, anak ang magtatapos. Promise ko sa kanya no’n na pagkatapos ko ng pag-aaral, maghahanap agad ako ng trabaho at ‘pag may trabaho na ‘ko, hinding-hindi na s’ya babalik sa abroad.

Lata. Bakal. Bote.

ko. Naalala ko ulit ‘yong batang kausap

“‘Te, wala po bang trabaho rito?” pag-uulit n’ya sa kanyang tanong.

‘Di ko pa pala nasasagot ang tanong nitong bata. Nag-isip ako. May mga trabaho naman ang mga tao rito. ‘Yon nga lang, ‘di sapat ang bilang ng mga trabaho sa bilang ng mga naghahanap ng trabaho. Maski nga mga propesyonal, nahihirapang humanap ng trabaho o kung ‘di man ay sa trabahong napakalayo sa tinapos nila sila napupunta. Kadalasan, kahit mga graduates ng Education, Nursing, HRM at Business courses, sa mga call center ang bagsak. Mga underemployed, kumbaga.

“‘Pag malaki ka na, maiintindihan mo rin ang lahat.” ‘Yan na lang ang nasabi ko. Nagpaalam na ‘ko at ipinagpatuloy ang paglalakad patungong sakayan. Dal’wang buwan pa naman bago ang graduation ko pero ngayon nakatakdang umuwi si Nanay.

Habang nasa byahe, binalikan ko ang mga alaala kasama si Nanay ng mga nakaraang taon—ang huli n’yang uwi two years ago at lahat ng masasayang alaala ko sa piling n’ya mula pagkabata pati na noong buhay pa si Tatay. Katulad dapat ng batang maraming napulot na lata, bakal at bote upang ipagbili sa junkshop ang saya na mararamdaman ko dahil makikita ko na muli si Nanay. Pero ‘di ‘yon ang nararamdaman ko.

Ang lahat ay may hangganan—ang pagtitiis, ang pasensya, ang pagdurusa. Gaano man kahalaga ang mga materyal na bagay, time will come kung sa’n mawawalan na rin ‘to ng halaga. Ang lata at bakal, ‘pag kinapitan na ng kalawang at unti-unting nasira, at ang bote, kapag ito’y nabasag o nagkalamat, pare-parehong mawawalan ng pakinabang ‘pag umabot na sa hangganan. These will all be useless.

Para akong batang nangunguha ng lata, bakal at bote na sa likod ng isip ay may nakatagong takot dahil sa kinalalagyan

sa malupit na lipunan. Bagama’t namumuhay sa kasaganaan ay gising ako sa katotohanang kailangang harapin ni Nanay ang pait ng tadhana sa dayuhang bayan hanggang sa ito’y matuldukan.

Nauna na sina Lola at ang mga kapatid ko sa airport. Hindi ako na-e-excite. Ilang sandali pa ay lumapag na sa paliparan ang eroplanong kinalululanan ni Nanay. Ang lahat ay lumapit patungo sa arrival area. Lahat ay nagmamadaling makita si Nanay. Tanging ako lamang ang nanatiling nakatayo at nagkasya na lamang na tanawin ang bagong dating.

Isang malaking package ang pinagkaguluhan ng mga kapatid ko. Lahat ay nais matingnan ang laman. Lahat ay may pagmamadali. Iba’t ibang emosyon ang gumuhit sa kanilang mga mukha. Ngunit kaiba ‘yon sa mga ordinaryong package na ipinapadala ni Nanay dahil s’ya mismo ang naroon. S’ya ang laman ng package. Tumingala ako at unti-unting nanlabo ang aking paningin.

21

This article is from: