PALETA II
18 “...Para akong batang nangunguha ng lata, bakal at bote na sa likod ng isip ay may nakatagong takot dahil sa kinalalagyan sa malupit na lipunan...”
ni KAYE ANN E. JIMENEZ
Package
“Totoo po bang mayayaman lang ang nakapupunta sa ibang bansa?” “‘Di naman lahat. Ang nanay ko nga; e, nasa ibang bansa pero ‘di naman kami mayaman, ‘di ba?” “Pero ‘di ba po mahal ang pamasahe pagpuntang arbord?” “Oo. Pero ‘di naman kasi lahat ng pumupunta sa ibang bansa; e, pumupunta ro’n para mamasyal o mag-happy-happy lang. ‘Yong karamihan, pumupunta ro’n para magtrabaho.” “Aaaa...gano’n pala. E, bakit po? Wala bang trabaho rito?” ‘Di ko alam kung ano’ng pumasok sa isip ko’t nakuha ko pang makipagkwentuhan sa batang ‘yon kahit na ‘di ko naman kilala. Siguro, sawang-sawang na rin ako sa buhay. Kung ‘di ako nasa school, nasa bahay. For the past few years, naging school-bahay na lang ang daily routine ko. Kaya naman nang may lumapit sa ‘king bata na nangunguha ng mga lata, bakal at bote para magtanong kung may alam akong makukuhanan ng mga gano’ng bagay, naisipan kong makipagkwentuhan.