1 minute read
Impit
PALETA VI
Advertisement
Pawisang katawan. Mainit na panahon. Tubig lang ang panlaban sa uhaw at kumukulong sikmura. Humuhupa na ang sigawan habang papalubog ang araw. Patapos na ang araw ngunit para sa akin, iyon palang ang hudyat ng aming pakikipaglaban para sa karapatan na maibalik ang tahanan at ang buhay na untiunting ninanakaw ng malupit at sakim na mga tao sa lipunan.
Buong araw kong hawak ang karton kung saan nakasulat ang ipinaglalaban namin, tinitiis ang mainit na semento ng kalsada. Dumadaan ang mga tao na nagnanakaw ng tingin. Mga tingin na may bakas ng panghuhusga at pagtataka. Mga tingin na para bang mga basura kami na nagkalat sa lansangan. Ilang pulo ang aming nilakbay para lang makarating sa magulo at maingay na Kamaynilaan. Wala man itong kasiguraduhan, tangan ko ang pag-asa na maririnig ng mga taong nagbibingi-bingihan ang aming impit na boses.
Mapapaos ako, pero hindi ako magiging pipi kahit na binubusalan na ng nakatataas. Kung anuman ang kahahantungan nito, walang pagsisisi na mas pinili kong ipabatid ang hinaing ng aming samahan kaysa mabuhay nang untiunti namang pinapatay ang pag-asa ng magandang bukas.
Mahaba ang nilakbay namin pauwi sa aming pinagmulan. Nangingilid ang mga luha sa aking mga mata. Iniisip na paano kung ang aming hangarin ay hanggang sa karton na lamang. Pero patuloy na umaasa na sana bukas maiba naman ang ikot ng mundo, sa mundo na hugis triangulo at kami ang nasa kaibabaan. Papatayin ko na ang ilaw ng lampara. ‘Wag sanang sumabay dito ang pagpatay sa aking pag-asa.