5 minute read
Isang Dampi ng Napunding Liwanag
PALETA VI
Advertisement
Sa liblib na baryo namulat si Ben. Isang binatilyong labing limang taong gulang at nasanay sa isang bagay na kinatatakutan ng karamihan, ang mag-isa. -Buti pa kayo maraming kasama rito. Ani ni Ben habang nakatingin sa mga lapida ng sementeryong kanyang madalas na tinitigilan.
Malapit ito sa kanilang bahay-kubo kaya’t nakasanayan niya na ang maglaro rito simula pa noong bata siya. Bukod sa paisa-isang mga taong dumadalaw sa mga namatay na kaanak ay wala na siyang nakakahalubilo rito.
Hapon noon. Laking gulat niya nang may makitang isang dalagang nakaupo rin sa madalas niyang pwesto roon. Sigurado siyang yaon ang unang beses na nakita niya ito. Ngunit tila ba may bumabalik sa kanyang mga alaala na pamilyar sa kanya. Nagdalawang-isip, at saka nasiguradong hindi niya nga ito kilala. Dahil sabik na rin sa kausap, walang pag-aatubiling nilapitan ang dalaga. -Buti pa kayo maraming kasama dito. Narinig niyang sambit ng babae. -Pareho yata tayo ng nararamdaman, natatawang sabi ni Ben. -Masaya ako kung ganon. Sana marami pa tayong pagkakapareho, sagot ng dalaga. -Haha. Ulila ka rin ba? -Oo. Pero ayos lang kasi may mga kumupkop naman sa akin. -Aba, pareho nga tayo. Kinupkop rin ako ng aking Amang. Si Amang... Napatigil si Ben.
Tumingin ang babae sa kanya. -Ang kaso, malupit siya. Napakalupit niya. Ipinaling ang tingin, napaisip, humugot ng malalim na hininga ngunit nagpatuloy. -Simula bata, sinasaktan na niya ako. Hindi ko alam kung nasanay na nga ba ang katawan ko o tinanggap ko na lamang ang sitwasyong meron ako. Siguro nga tinanggap ko na lang. Kung ‘di nya naman kasi ako kinupkop hindi ba? Wala rin ako. -Siguro, diyan tayo nagkaiba, sagot ng dalaga ilang segundo matapos tumigil sa pagsasalita si Ben. -Sa tingin ko nga. Pero hindi na bale kasi wala na siya, sambit ni Ben at palihim na huminga ng maluwag. -Namatay na? -Hindi. Nakulong siya. Nakapatay. Sabi nila kulang daw siya sa pag-iisip kaya inilipat siya sa
mental institution. Dati ko nang naoobserbahan na wala sa katinuan si Amang dahil sa lagi siyang may kinakausap. Madalas, biglang nagagalit kahit walang dahilan. Madalas niya ring binabanggit ang pangalang Maria. Pangalan daw ng nanay ko. Namatay daw siya noong pinanganak ako. Sabi pa ng Amang, pasalamat daw ako doon kasi kung hindi siya ang nanay ko, hindi niya ako kukupkupin.
Pinipigilang maluha ng dalaga habang nakatingin kay Ben.
-O? Ano ka ba? Ayos lang ‘yun. Tinanggap ko na rin lahat ng ‘yun kasi mahal ko ang Amang.
Hindi nakaya pang ihinto ang kanina’y pinipigilang emosyon. Tuluyang naluha ang dalaga kasabay nang kay Ben. -Tama na nga ito. Kanina pa ako nagkukwento ah. Ikaw naman, kwento ka rin. Palusot ni Ben sa kanina pang iniiwasang usapan.
Mukhang nahalata ng babae ang pag-iwas ni Ben kaya’t nagdesisyong siya naman ang magpatuloy ng usapan. Komportable itong nagsimula ng kanyang istorya. -Gaya mo nga, masalimuot rin ang kwento ko. ‘Sing-edad mo ako noon. Dahil nga mababait ang kumupkop sa akin, malaya akong lumilibot dito. Wala naman kasing ibang pasyalan. Hanggang isang araw...
Huminto ang babae. Halatang may takot siyang nararamdaman sambit ng kanyang nanginginig na mga daliri sa kanyang mga kamay. Sumulyap si Ben sa kanya at matiyagang naghihintay sa istorya ng dalaga. Huminga ng malalim ang babae. -Umaga noon. Matindi ang sikat ng araw kaya kahit sa guni-guni ay ‘di ko naisip na sa mga susunod na mga minutong iyon mangyayari ang bangungot sa buhay ko. Noon, madalas kong nahuhuli ang baliw na lalaki sa aming baryo na nakatitig sa akin. Hindi naman ako natakot kasi kahit na ganoon, mukha naman siyang mabait. Hanggang bigla na lamang may humawak sa mga kamay ko.
VI
PALETA VI
Mahigpit, sobrang higpit.
Habang naguguluhan, nakatitig lamang si Ben at tila ba naghihintay ng mga susunod na mangyayari sa kwento. -At doon... doon naranasan kong mamatay habang nabubuhay. Simula ng mga oras na iyon, araw-araw, para akong pinapatay nang unti-unti at sinusunog sa impyerno tuwing maiisip ang ilang minutong unos na iyon. Wala akong nagawa kun’di umiyak, sumigaw at magmakaawa. Pero talagang demonyo siya. Demonyo ang baliw na iyon.
Yayakapin sana ni Ben ang babae dahil alam niya ang sobrang bigat na pakiramdam na dinadala nito at sa hindi maipaliwanag na rason, tila ba nasasaktan din ang loob niya sa dinanas ng dalaga, ngunit bigla nitong pinawi ang luha at pinilit ngumiti. -Hindi na. Ayos na ako. Sa isang iglap, lahat ng unos na iyon, napalitan ng isang masayang panaginip.
Hindi na matiis ni Ben ang mga tanong na gumugulo sa kanyang isipan. -Maaari na bang magtanong? nakakunot noong sabi ni Ben. -Nabanggit mong ang lahat ng iyon ay nangyari noong kasing edad mo ako. Ilang taon ka na ba? -Ngayong araw, ikatatlampu, sana. Sagot ng dalaga. -Ano? Tatlampu? Paano? Nakasisiguro ako kung hindi man tayo magkasing edad; e hindi nalalayo ang edad mo sa akin, ang nagtatakang sabi ni Ben.
-Masaya akong tumigil sa pagtanda upang makapag-alay sa isang buhay na nais ring tumanda balang araw, paliwanag ng dalaga habang nagsisimula na ring ngumiti ang mga mata nito.
Hindi na nakaya pang dalhin ng mga munting mata ni Ben ang kanina pang naiipong luha rito. Kasabay ng mabilis na tibok ng kanyang puso at tila ba naninigas na mga ugat sa katawan. Sa hindi malinaw na dahilan, maging si Ben ay hindi alam kung bakit ganoon na lamang ang kanyang nararamdaman. -Panaginip? Masayang panaginip na nagtakip sa lahat ng bangungot? Anong ibig mong sabihin?
Tumingin ang babae kay Ben nang mata sa mata habang sinubukang idampi ang
kanyang mga kamay sa mukha nito. -Ipangako mong magiging matatag ka. Magsikap ka, at gusto ko, maging masaya ka sa buhay mo. Patuloy kang ngumiti. Patuloy kang maging isang masayang panaginip.
Binawi ang kamay, marahan itong tumalikod kay Ben at nagsimulang humakbang papalayo.
Unti-unti, habang patuloy ang hindi maipaliwanag na emosyon at dahandahang nawawala sa kanyang paningin ang babae, pilit na bumulong sa kabila ng pumipiyok niyang boses si Ben. -Salamat ‘Nay. Salamat. -Tuk! tunog ng malaking batong biglang tumama sa ulo ni Ben. Nilingon niya ito kasabay ng mabilis na pagtulo ng nararamdaman niyang dugo mula sa kanyang bumbunan. -Baliw! nagtawanan ang mga bata habang nagmamadaling tumatakbo papalayo.