3 minute read

Eroplanong Papel

PALETA VI

At ayaw ko ring maging tulay sa paglapat ng mga paa “ ng iba sa mga lupaing hindi nila sinilangan. “

Advertisement

Naaalala ko pa, laging labit noon ni Mama ang isang plastic envelope tuwing tutungo s’ya sa palengke. Kapag tinatanong ko sa kanya kung ano ang laman nito, sinasabi lang n’ya na hindi ko na raw kailangang malaman pa. Akala ko, napakahalaga ng mga papel na nasa loob noon sa pagtitinda ng gulay kaya isang beses ay sinubukan kong buklatin ang mga ito. Nakita kaagad ako ni Mama na sanhi ng panlalaki ng kaniyang mga mata. Galit n’yang hinablot ang envelope mula sa akin. Iba ang naramdaman ko, may pagkagulat, pagkalito, at pagkatakot. Simula noon, ‘di ko na tinangka pang hawakan ang envelope ni Mama.

Kasiping ko s’ya sa pagtulog at nasanay na akong nakayakap kay Mama, ngunit isang umaga, nagising akong wala sa tabi n’ya. Kahit pipikit-pikit pa ang aking mga mata ay nagtungo ako sa kusina at nagbaka sakaling matagpuan ko siya doon na naghahanda ng almusal ngunit wala si Mama roon. Nagpalinga linga ako sa paligid at naabutan si kuya na nanonood ng TV. -Si Mama? Tanong ko noon sa kuya ko ngunit hindi s’ya sumasagot. -’Asan si Mama? Tanong ko ulit sa kanya ngunit ‘di parin s’ya umiimik.

Lumapit ako kay kuya at napansin ko ang mga nangingilid n’yang luha. May kirot akong nadama ng sandaling makita ko ang pagtulo ng mga iyon. Hindi ko alam kung bakit ngunit nagsimula na ring pumatak ang sa akin. Doon, nagsimula na akong pumalahaw ng iyak na sinasabayan pa ng pagtulo ng aking uhog. Tumakbo ako palabas ng bahay at nagpasikotsikot sa mga eskinita ng baranggay ngunit nabigo ako sa paghahanap kay Mama. Nakaabot pa ako ng palengke ngunit sarado ang pwesto namin doon. Pinagtitinginan na ako ng mga mamimili ngunit patuloy parin ako sa pagsigaw sa kanyang pangalan. Sa sobrang galit, kumaripas ako ng takbo kahit na walang patutunguhan. Napakabilis ko noon ngunit ako’y natisod sa bato at nadapa. Umuwi ako sa bahay ng pipilay-pilay at hindi iniinda ang nababalot sa lupa kong sugat sa tuhod.

Lumipas ang mga araw, buwan at taon na hindi namin kapiling si Mama. Nawalan na kami ng komunikasyon sa kanya. Tanging si kuya Troy, si lolo Fernado at nanay Felicing ang nakasaksi sa aking kabataan. Napakalungkot ng buhay ko noong umalis si Mama na tila hindi ko maisip ang isang mundo na wala s’ya. Kaya sa paglipas ng panahon, nasanay at natuto ako na tanging mga alaala na lamang

naming dalawa ang kasiping ko sa tuwina. -Bahay kubo kahit munti, ang halaman doo’y? Ang palaging tanong sa akin ni Mama tuwing nilalaro ko ang mga paninda niyang gulay. -Lanta na! Ang paborito kong isagot sa kanya dahil napapahalakhak nito hindi lamang s’ya ngunit pati na rin ang mga kalapit na mga tindahan.

Simula noong araw na nasugatan ako, hindi na ako bumalik pa o napasyal man lang sa dating pwesto ni Mama sa palengke dahil ang dating gulay na sariwa, ngayo’y nalanta at natuyo na. At ang boses ni Mama ay ibang bata na siguro ang nakaririnig.

Highschool na ako noong bumalik si Mama ngunit ang muli naming pagkikita ang tuluyang dumurog sa aking pagkatao. Magmula noong araw na iyon, lagi na akong tulala at nagkukulong sa kwarto. May mga araw na hindi na ako kumakain. Napakaraming katanungan ang nasa isip ko sa mga pagkakataong iyon. Hindi ko maatim ang naging paghihirap ni Mama roon. Hindi ko malunok ang kanin na sana ay ‘di pinagdamot sa kanya. At sa tuwing maiisip ko kung paano dumampi ang plantsa sa mukha ni Mama, halos mabaliw na ako. Kung alam ko lang, sana ay sinunog ko ang envelope na iyon. -I am Miguel. My dream in life is to be a pilot.

Mga linyang aking sinambit sa mikroponong nasa gitna ng entablado habang nakatitig kay Mama. Matapos ‘yon ay pumalakpak s’ya at bakas sa kaniyang mukha ang kagalakan. Mas masaya ako kaysa sa kanya nang mga sandaling iyon. Ngunit ang pangarap kong ito ay ‘di ko na matutupad pa. Wala nang rason para ipagpatuloy ko pa ang pagpapalipad ng eroplanong papel. At ayaw ko ring maging tulay sa paglapat ng mga paa ng iba sa mga lupaing hindi nila sinilangan.

Ni hindi man lang ako nakasulyap sa payat niyang mukha kahit na sa huling pagkakataon. Hindi ko kaya.

This article is from: