3 minute read

HATID AY DISGRASYA

Ang mga gadyet tulad ng cellphone, laptop, at computer ay malaki ang naitutulong sa pang araw-araw nating pamumuhay. Simula ng umusbong ang mga bagay na ito ay mas napadali na ang ating mga gawain tulad na lamang ng pakikipagkomunikasyon sa ating mga mahal sa buhay na nasa malayong lugar na dati ay kailangan pa nating padalhan ng sulat na umaabot ng ilang araw o maging buwan bago makarating. Ngunit ngayon ay isang pindot na lamang ay maaari mo na silang makausap. Malaki rin ang naitutulong nito sa mga estudyante para sa kanilang pag aaral lalo noong kalagitnaan ng pandemaya na kung saan ay sa online isinasagawa ang klase.

Advertisement

Ngunit ang lahat ng bagay ay may negatibong epekto o resulta. Ika nga nila “ang lahat ng labis ay masama”. Tila ba ay nagiging balakid ang mga gadyet na ito sa ating kalusugan lalong lalo na sa mga kabataan at estudyante dahil sa labis na paggamit nito. Sa madaling salita ay labis na ginagamit ang mga gadyet na ito na nagreresulta sa pagiging tamad at hindi aktibo sa mga pisikal na gawain na lubos na nakaapekto sa katawan ng isang tao.

Mahalaga ang papel ng mga magulang sa problemang ito. Ngunit, ayon sa pag aaral ay higit 60 porsyento ng mga magulang ay hindi binabantayan ang kanilang mga anak sa paggamit ng teknolohiya. Dahil sa kapabayaan ng ilang mga magulang ay nagreresulta ito sa kawalan ng interes ng mga bata sa mga gawaing bahay at pisikal na mga gawain na alam naman nating napakahalaga para sa pagkahubog ng isang bata. Kung dati ay naglalaro ang bata mga sa labas ay ngayon ay ni hindi na makatayo sa higaan o sa upuan dahil sa labis na pagkahumaling sa paglalaro ng mga mobile games na minsan ay inaabot ng walong oras o higit pa.

Nakasaad sa pagaaral ng National Library of Medicine na ang paglalaro o paggalaw ng isang bata ay isang importanteng elemento upang mahubog ang kanilang kakayahan sa problem solving at creative expression. Ilang pagaaral din ang nagpapatunay na nagiging hadlang din ito sa relasyon o interaksyon ng mga bata sa kanilang mga magulang dahil sa negatibong epekto nito tulad na lamang ng language development, self-regulation, at maging ang pagaaral ng mga bata.

Gaya ng aking sinabi. malaki ang naitutulong ng mga gadget na ito sa mga estudyante. Hindi mo na kailangang pumunta ng library upang magsaliksik dahil mayroon ng Google, Microsoft Bing, at iba pang mga software na madaling maaccess. Naging madali ang paraan ng pagaaral dahil sa tulong ng mga teknolohiyang ito at mas lalong umusbong ang kaalaman ng tao. Ngunit ang mga gadyet na ito ay siya ring naging daan sa mga estudyante na bumagsak at hindi pagiging aktibo sa klase. Nakakalimutan nila ang kanilang mga responsibilidad bilang isang magaaral dahil sa lubos na pagkahumaling sa paglalaro ng mga mobile games.

Ang labis na paggamit ng gadyet ay nagreresulta sa pagkakaroon ng insomia, circadian rhythm disorders, depression, agression, at anxiety. Gayundin, ang labis na pagkababad sa mga karahasan na karaniwang natatagpuan sa mga video ay nagdudulot ng mga emosyonal na problema at maging sa mga kabataan na gumawa ng mga gawaing karahasan. Ito’y ayon sa Harvard Health Publishing.

Ang mga gadyet na tulad ng smartphone, tablet, at computer ay mataas din sa blue light at ang labis na pagkababad dito ay maaaring magresulta ng mata tulad na lamang ng “Digital Eye Strain” na kung makakaranas ng pananakit at paglabo ng mga mata, ulo, pagkatuyo ng mata, at pagkahilo. Batay sa pag aaral ng National University ay higit 7 hanggang 16 na taong gulang na mga kabataan na labis ang paggamit ng smartphones ay kadalasang nagkakaroon ng cross-eyed o strabismus na kung saan ay ang mga mata ay maaaring lumiko papasok (crossed aka esotropia), palabas (splayed aka exotropia), o patayo na hindi magkatugma (hypertropia).

Hindi maitatangging malaki ang ambag ng mga modernong kagamitan na ito sa pagkalap ng mga impormasyon. Ngunit hindi lahat ng impormasyon na ating nakakalap online ay totoo. Dahil sa kabila ng mga tamang impormasyon ay sumusulpot ang mga ibat-ibang kuro online. Patungkol man ito sa mga polisiya, medisina, teknolohiya, at maging politikal. Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2021 ay higit 51 porsiyento ng mga Pilipino ang nahihirapang suriin ang fake news sa telebisyon, radyo, at sa social media. Ito ang dahilan kung kayat minsan ay ilan sa mga magaaral ay nagpapaniwala sa mga maling balita na kumakalat online. Dahil dito, responsibiladad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa tamang paggamit ng Social Media sapagkat ang maling impormasyon ay may negatibong resulta sa ating lipunan.

Halos lahat ng tao sa buong mundo ay bumabase na sa mga digital na mga kagamitan. Maraming positibong epekto ang mga kagamitan na ito sa pangarawaraw nating pamumuhay. Sa ating pagkain, sa pagkalap ng mga impormasyon, sa pakikipagkomunikasyon, at marami pang iba. Tunay ngang hindi mapaghihiwalay ang tao ang mga kagamitang ito. Ngunit, ang mga kagamitang ito ay may mga negatibong epekto rin sa pamumuhay ng bawat tao. Maraming panganib ang maaaring maiudot nito sa pisikal at mental na kalusugan ng tao lalo na sa mga kabataan.

Nararapat ang gabay ng mga magulang sa tamang paggamit ng mga ito, dahil kung patuloy na lulunurin ng mga makabagong teklohiya ang kanilang pagiisip ay hindi malabong maging baliko ang kanilang mga pangarap. Ang mga pangarap na tanging natutupad kung ikaw ay nagsisipag at nagaaral ng mabuti. Gamitin sa mabuting paraan ang mga kagamitan na ito sapagkat ito’y nilikha upang matulungan at mapadali tayo sa ating mga gawain at hindi upang maging hadlang sa ating pamumuhay.#

This article is from: