Ang Manghahabi Sa mundo na tila lahat ay paligsahan, Ang halaga’t kagandahan ay dinidikta ng iilan, Nabubuyo ang karamihan na pilit iayon ang likha at tapestriya Sa kung ano ang kasalukuyang tanggap na pilit idinidikta. Ngunit, bawat nilalang ay may sariling disenyo, Bawat isa ay may inaangking anyo. Gawa na ba ang buong habi, o gugupitin pa upang umayon? Isang simpleng tanong na may napakalaking hamon. Sinasambit ng iilan na ang sinulid ng tadhana’y nakabuhol na, Ngunit totoo din naman na ikaw ang mananahi ng sarili mong tela. Hindi importante kung nakabuhol na o tatahiin pa, Mas makahulugan ang paghahabi’t pipiliing hibla. Ito ang patunay na hindi ka lang basta humihinga, Ikaw ay namumuhay, masaya't may halaga. Walang makapagdidikta sa kung anong gagamitin mong hibla, Dahil ikaw ang mananahi, wala ng iba.
VINCE ERVIN PALCULLO
7