Pagdaop Idilat mo iyong mga mata mapang-asam kong sakopin; Kung saan nakalimbag ang mga guhit, Hampas at himas, siya'y salarin, Nakahimlay, dugtong-dugtong na tahakin. Sinanay sa init at lagkit ng magkadampi, Nakapulupot animo'y supot na di mapigti; Magkayayap dilang pusod ng bunga't sanhi, Pagkat pintig ng pulso'y iyong ka-ari. Isang araw dagundong ng sigwa'y umahon, Nilipon, nilamon pagkakataon ng kahapon; Mapa'y nakabuka, tila'y naupos na ang direksyon; Nang digmaan sa lungkot at pagkabagot naging hamon. Kailan kaya aalpas sa gapos ng pandemya? Nagpupumiglas sa tahanang rehas na; Pagkat nakagisnan ay ipinagbabawal pa; Minamadali na mahabi ang mga araw na wala ka, Nang pagdaop ng hamog sa mga tigang na mapa'y dumampi na. Sana'y mga mapa'y lumaya't muling mapagtagpo, Nang sabay nating mabagtas ang ating mga pangako. At muling maihabi init ng huling pagsamo Pangako, titibayan ng mga daliri ko ang pagyakap sa mga kamay mo.
DARYL LUTERO
39