1 minute read
21 karagdagang cell sites itatayo ng Smart telco sa Catanduanes
Upang matugunan nang maayos ang online learning ng mga estudyante, 21 karagdagang macro cell sites ang planong itayo ng Smart Communications Inc. sa isla.
Tatlo sa mga ito ay target na maitayo ngayong taon sa bayan ng Virac. Isa sa mga barangay ng Talisoy, Balite, at Sto. Domingo.
Advertisement
Ang naturang planong proyekto ng Smart ay tugon kina Gov. Joseph C. Cua at Cong. Hector S. Sanchez matapos magpadala ng sulat ang dalawang opisyal sa kompanya nitong ika-16 ng Agosto upang hilingin ang pagpapatayo ng karagdagang cell sites sa probinsiya.
Ayon sa dalawang opisyal, mahalaga ang pagkakaroon ng karagdagang cell sites dahil karamihan sa mga estudyante ngayon ang may online classes at sila ang lubos na mabebenepisyuhan ng proyektong ito.
“We also believe that its construction will foster a continued socio-economic growth development,” dagdag pa ng dalawang opisyal sa liham.
Samantala, 18 sa mga cell site ay itatayo sa anim pang munisipalidad sa lalawigan; 3 sa mga ito ay planong itayo sa bayan ng Bato, 4 naman sa Pandan, 1 sa Panganiban, 4 sa Caramoran, 3 sa Viga, at 2 naman sa munisipalidad ng Baras.
Ang mga nabanggit ay hindi pa kabilang sa mga cell site na target maipatayo ng Smart bago matapos ang 2021.
Kaugnay nito, ang planong dalawang macro cell site na itatayo sa bayan ng Baras ang magiging kauna-unahang cell site ng Smart sa lugar.
Nabanggit din ng Smart sa kanilang liham na suportado nila ang inisyatibo ng dalawang lokal na opisyal dahil aniya malaki ang gampanin ng malakas na internet connection lalo na ngayong online learning ang umiiral.
“Smart fully supports the Honorable Governor and the Honorable Congressman in [their] efforts to improve telecommunications and mobile internet services within [their] jurisdiction,” saad ng Smart.
“We sincerely understand that connectivity has played a vital role these times considering the alternative distance-learning program of DepEd and the various work-from arrangements,” dagdag pa nito.
Siniguro naman ng dalawang opisyal na bukas ang kanilang opisina upang bigyang asistensiya ang Smart sa pagpapatayo ng kanilang mga karagdagang pasilidad sa lalawigan.
“To achieve the aim of inter-connected Catanduanes, we commit to provide aid, on our personal capacities, in the installation of [the] said towers,” pahayag ni Governor Cua and Congressman Sanchez.
“As leaders in the local government, we assure our support in extending the necessary assistance,” pagtatapos ng dalawa.
Sa ngayon, mayroon lamang 10 cell sites ang Smart sa buong lalawigan; dalawa sa mga bayan ng Virac, Bato, Pandan, Caramoran, Viga, at San Miguel samantala isa lamang sa Panganiban.