4 minute read
MA, PA, ISKOLAR NA AKO ! KILALANIN ANG UNANG BATCH NG SCHOLARS NG CMLSP
GARCIA, JIRAH S.
Dahil sa kagustuhang itaguyod ang pangarap na maging isang doktor, ipinagsabay ni Jirah Garcia ang pagtatrabaho sa isang clinic at ang kaniyang pag-aaral. Pero ngayon, hindi niya na ito kakailanganin pang gawin dahil ganap na siyang iskolar ng probinsiya.
Advertisement
Tubong Timbaan, San Andres, si Jirah ay lumaki sa mga negosyanteng magulang. Ang kaniyang mga magulang, sina Armando at Daisy Garcia, ang nagturo’t gumabay sa kaniya upang maging madiskarte at maparaan sa buhay. Kaya naman kahit siya’y nag-aaral, siya rin ay kumakayod upang makapag-ambag sa pamilya at makapag-ipon ng kaniyang pangmatrikula. Nariyan din ang kaniyang mga kapatid, sina Jeremy, Jeremiah, at Joanne, na hindi kailanman nagkulang sa pagsuporta, at patuloy na gumagabay sa kaniyang pag-aaral.
Nagtapos si Jirah na mayroong degree sa Chemistry sa Bicol University noong 2014. Sa kasalukuyan, 27 taong gulang na si Jirah, at nasa ikalawang taon siya ng pag-aaral ng Medisina sa AMEC – Bicol Christian College of Medicine sa Legazpi City. Determinado siyang tapusin ang pag-aaral at maipasa ang Physician Licensure Exams (PLE) – para sa pamilya, para sa probinsiya.
TOLENTINO, CATHERINE C.
Ngayong taon, hindi na muling mangungutang pa ng pera ang mga magulang ni Catherine C. Tolentino para makapagbayad ng pang-matrikula. Hindi niya na rin kakailanganin pang magpadala ulit ng promissory note sa admission officer para makakuha ng preliminary at final examinations. Ngayong taon, Catandunganon iskolar na si Catherine.
Mula pagkabata, nakatatak na sa isip at puso ni Catherine na magiging ganap na doktor siya sa kaniyang paglaki. Ngayon na siya’y 28 taong gulang na, maisasakatuparan na ang pangarap niyang ito. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Nursing (BSN) sa Catanduanes State University (CatSU) noong 2013, at kasalukuyan namang nag-aaral ng medisina sa AMEC – Bicol Christian College of Medicine sa Legazpi City. Lumaki sa mga magulang na parehong mga guro si Catherine. Ang kaniyang ama, si Rudy Tolentino na dating punongguro, ay isa nang Barangay Captain, at ang kaniyang ina naman, si Rebecca Tolentino ay isang retiradong guro sa Virac Pilot Elementary School (VPES). Sa ngayon, may dalawang anak na si Catherine. Bagama’t mahirap para sa kaniya na ipagsabay ang pagiging ina at ang pagtupad sa kaniyang pangarap, nandiyan ang kaniyang Ate Bam para gumabay at umalalay.
SANCHEZ, CHRISTINE BERNADETTE D.V.
Hindi na mananatili pa sa imahinasyon at mga panaginip lamang ni Christine Bernadette Sanchez ang pangarap niyang maging isang ganap na doktor dahil sa loob ng ilang taon ay maisasakatuparan niya na ito bilang isang Catandunganon iskolar.
Nakapagtapos ng Bachelor of Science in Biology sa University of Santo Tomas – Manila si Christine noong 2015; at ngayong taon siya ay nag-aaral sa Our Lady of Fatima/ University – College of Medicine. Lumaki sa San Pedro, Panganiban ni Christine – dito siya unang natuto, at siniguro niya na dito niya unang ibabalik ang mga kaalaman na makukuha niya sa kaniyang muling pag-aaral.
Ang kaniyang ina, si Maritez Sanchez ay isang guro; ang kaniyang ama, si Francis Sanchez ay isang manggagawa. Mayroon siyang dalawang kapatid, si Lizette Sanchez, na kasalukuyang nagtatrabaho bilang empleyado sa munisipyo ng Panganiban, at si Emmanuel.
Sa ngayon, nakatuon ang puso’t isipan ni Christine sa pagpapabuti ng kaniyang pag-aaral, maipasa ang Physician Licensure Exams (PLE), at mabigyan ng mas magandang buhay ang kaniyang pamilya. Higit sa lahat, adhikain din niyang matulungan ang mga taong nangangailangan ng tulong, at mapabuti ang sistema ng healthcare sa lalawigan ng Catanduanes.
Marahil isa si Lynrose Tabuzo sa mga tao na mula pa lamang sa murang edad ay nagsisimula na sa paghahanda para sa kanilang mga pangarap sa buhay. Mula noong bata pa, ginusto niyang maging abogado.
Kumuha siya ng kursong Accountancy sa kolehiyo, nagtapos bilang Cum Laude, at naging Certified Public Accountant nang maipasa ang board exam noong 2018.
Mula sa malayong lugar ng Cabuyoan, Panganiban, Catanduanes, si Lynrose ay pursigidong maabot ang kaniyang mga pangarap gaano man kahirap ang proseso. Kaya nama’y buong-loob siyang nag-apply sa Catanduanes Law and Medicine Scholarship Program.
Ngayong taon ay sinimulan niya na ang kaniyang pag-aaral, bilang isang iskolar ng probinisya, sa Unibersidad ng Santo Tomas – Legazpi. Mula sa pag-aaral ng mga numero, ngayon nama’y magpapakadalubhasa siya sa batas.
Mula sa pag-aaral ng mga sukat, dimensyon, at tibay ng mga istruktura, patungo sa pag-aral ng mga probisyon, mandato, at parusa ng batas, hindi natin aakalain na itong inhinyerong si Sunshie Tapiador ay gusto maging isang ganap na abogado.
Si Sunshine ay residente ng Batong Paloway, San Andres. Siya ay anak nina Alfredo at Wilhelmina Tapiador. Nakapagtapos siya ng Bachelor of Science in Engineering sa Catanduanes State University. Sa kasalukuyan, siya ay ay nagtatrabaho sa Provincial Government.
Kapag wala sa trabaho, siya ay nasa kaniyang mga klase sa Unibersidad ng Sto. Tomas-Legazpi. Kapag kaniyang natapos ang kursong Juris Doctor at mapasa ang Bar, hindi na lamang siyang lisensiyadong inhinyero kundi magiging ganap na abugadong patuloy na magsisilbi sa probinsiya.
Maraming nagsasabing mas mainam na ating habulin ang ating mga pangarap kahit na nahuhuli na tayo kaysa hindi na natin ipagpatuloy pa ang laban. Isa sa mga taong ito si Jude Tacorda, na nagsisilbing patunay na hinding-hindi magiging huli ang mga bagay basta’t may determinasyon ka upang lumaban pa. Si Jude ay anak nila Marucio at Marilou Tacorda at kasalukuyang naninirahan sa San Isidro Village, Virac. Nang makapagtapos sa kolehiyo sa Catanduanes State University sa kursong Political Science noong 2018, agad niyang tinahak ang pag-aabogasiya isang taon ang makalipas. Kasalukuyan siyang nasa ikatlong taon sa University of Santo Tomas-Legazpi College of Law. Pangarap niya makatulong sa pamilya, kapwa at probinsya bilang isang abogado. Nais niyang maipaglaban ang mga magiging kliyente niya mula sa pang-aabuso ng iba. Sa kaniyang pagpasok sa law school, bitbit niya ang adhikaing ito upang magsilbing inspirasyon sa kaniya. Sa kaniyang pagiging iskolar ng probinsiya, mas naging maigting ang kaniyang pagpupursige para makapagtapos.
Bilang manunulat at isang feminista, naging motibasyon ni Rochelle Ann Molina ang mga karanasan bilang babae para tuluyang kumuha ng abogasiya. Sa kaniyang mga panayam sa harap ng panel interview, kaniyang inilahad na sa pagtahak sa landas na ito, gusto niyang ipaglaban ang karapatan ng mga kababaihan at maging katuwang nila upang mas maipahayag ang kanilang mga boses.
Isang iskolar ng bayan, si Rochelle ay nakapagtapos bilang Cum Laude sa premyadong institusyon ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños sa kursong Communication Arts (Major in Writing). Ngayon ay ipagpapatuloy niya ang pagiging ‘Iska’ dahil matagumpay siyang napabilang sa mga piling mag-aaral sa UP College of Law. Si Rochelle ay anak ng parehong nasa sektor ng edukasyon dito sa probinsiya – sina Roberto, punongguro, at Nena Molina, isang guro. Ang kaniyang pamilya ay mga residente ng Calatagan, Virac Catanduanes.