Si Stum Casia ay kasapi ng Kilometer 64 Writers Collective. Tatlo ang kanyang unan kapag natutulog. Hindi siya marunong lumangoy.
I know you’re tired but come, this is the way. -Rumi
Random 1 Nakatingin ako sa bintana ngayon. May limang gabi din yata na hindi ko ito nagagawa. May lasing na susuray-suray sa tapat ng bahay namin. Hindi na ito bago. Pero hindi ko rin kayang turuan ang pasensya ko na ‘wag mab’wisit tuwing nakakakita ako ng ganito kalasing na tao. Ansarap ilagay sa aquarium, tas every 5 mins, papatayin mo yung oxygen pump. Ilang minuto nga yung kaya ng tao na huwag huminga? Anyway, binabantayan ko yung lasing kasi baka pagdiskitahan yung mga halaman namin sa tapat. Wala pa naman bumabasag sa mga paso namin, pero marami na ang nagbasagan ng mukha dito. Anong oras na ba? Nasa Maynila na nga talaga ako kasi yung antok ko namamasyal pa. Parang yung isip ko, di ko alam kung saan papunta. Parang ngayon, gusto kong bumangon. Minsan talaga, hindi ko maiintindihan ang gusto kong sabihin.
Alaala Susunduin ko sa arrival area ng airport ang mga alaala. May dala akong malaking karatula. Nakasulat ang aking pangalan para makilala. Limot ko na ang kanilang mukha’t itsura. Kaya tinitiyak kong makikita ng lahat ang karatula. Hindi ko alam ang idadahilan sa sarili kung tuluyan ko silang hindi makikita.
2
Random 3 Tila inaantay ng taxi ang balita tungkol sa iyo. Nagmamadaling umalis. Hindi namin nagawang pigilan nang lumabas ng pintuan ng aming mga kaabalahan. Marahil dahil sa sobrang init o dahil sa bagong layout ng Facebook. Marahil nakuntento na kaming at least may kabaong ka na. Hindi kagaya nung una ka naming makita, nakasando’t kinumutan lamang ng dalamhati ng iyong ina. Patawad, Roque. Minsan, kagaya ng iyong katarungan, hinahanap pa rin namin ang aming mga sarili. Huwag kang mawalan ng tiwala at pag-asa, hindi kami titigil hangga’t hindi iyon nakikitaang katarungang dapat nakalaan sa iyo at ang nawawala naming mga sarili.
GONDOLA umiiyak na bumulusok p a b a b a ang mga pangarapwalang harness.
4
Short Ito yung eksenang dapat ililigtas ng leading man yung leading lady mula sa barkong ginagawang midnight snack ng malalaking alon. Walang paalam na nagsipasok ang maalat na tubig sa mga cabin. Unti-unting tinatakasan ng malay ang leading lady, nabubura na rin yung make-up niya. Hindi darating yung leading man kasi inatake siya sa puso dahil sa allergy dahil dinumog siya ng sandamakmak na box jellyfish. Ililigtas ng leading lady ang kanyang sarili. Parang takip ng red wine siyang lulutang. Tila mina-magnet ng bilog na buwan. Aahon siya kasabay ng pagrelax ng mga alon. Mabubuhay siya. Hindi na matatagpuan ang “bangkay� ng leading man. Habang sinusuotan ang leading lady ng lifejacket, tatanggi siyang mainterview. Magmamadaling lumipas ang panahon. Parang textbook na lalaktawan ang maraming pahina sa kadahilanang self-explanatory na ito. Papakasalan ng leading lady yung kaklase niya nung elementary. Titira sila sa Quezon City, malapit sa La Mesa Dam. Magkakaanak sila, lalaki. Isusunod niya ang pangalan nito sa kanyang leading man. Sa ikatlong kaarawan ng anak niyang lalaking kapangalan ng kanyang leading man, magluluto siya ng spageti at matutulog at hindi na magigising. Ike-cremate siya agad gaya ng isinulat siya sa lumang blog entry. Ang sabi ng yaya ng anak niyang kapangalan ng kanyang leading man, nakangiti daw siyang namatay.
Parang na-homesick na OFW na masayang uuwi ng Pilipinas. Ang twist ng istorya ay hindi pala namatay si leading man. Ang tanging namatay sa kanya ay mga alaala pagkatapos niyang masalubong ang mga jellyfish. Palutang-lutang lang ang kanyang katawan. Nabingwit siya ng mga mangingisdang Taiwanese. Nagsu-shooting sila noong mangyari ang insidente kaya wala siyang ID o kahit man lang bandila ng Pilipinas. Tatlong araw matapos maiuwi sa probinsya ang mga abo ng kanyang leading lady, mabubuhay ang alaalang apat na taon nang patay. Uuwi siya ng Pilipinas. Nakatakda siyang mag-guest sa The Buzz.
6
Sylvia’s Path Walang bintana ang kahon, walang pinto at door mat. Puro kisame, pader at linoleum. Maliit na kamay lang ng orasan ang may boses sa loob. Yari sa salamin ang kahon, bawal itong basagin. Magagalit ang may-ari. Sa harap ng kahon, Malabon. Sa likod, Bacolod. Sa dalawang gilid, Ferris wheel at Mall of Asia. Pag titingala, ilalim ng aking kama. Puro alupihan ang makikita Kung sisilipin ang nasa ilalim. Nakatingin ang buwan ngayon sa akin Kalahati lang ako sa kanyang paningin.
2am Nanaginip ako, bumababa daw ako sa fire exit. Sa fire exit may nakasabit na sidecar ng tryke. Nagising akong nakatingin sa aquarium. Ilang buwan na pala kaming walang isda.
8
RANDOM 2 Lahat ng hawakan nabibitawan. Nababasag ang tangan. Baso. Salamin. Figurine. Paso. Bungo. Nadudulas ako sa tumagas na dugo. Hindi ko matitigan Ang natuklap na talukap. Nawawala ang aking mukha. Basag ang salamin.
NAIA Tuwing may hinahatid na aalis, sino ang madalas maunang tumalikod? Yung umaalis o yung maiiwan? Sino ang unang lilingon?
10
ANG MGA NAWAWALA Things just disappear. Pwedeng kunin sila ng mga black hole, sinkhole, bermuda triangle o ng mga engkanto. Pakaw ng hikaw, takip ng ballpen, strap ng bra, paminta, charger, bala ng stapler, medyas, salamin, yellowpad, pako, turnilyo, USB, screwdriver, liha, barnis, notebook na pinagsulatan mo ng mga umutang ng binebenta mong tshirt, kumot, kubrekama, kaparis ng tsinelas, punda ng unan, bag, stylus ng selpon, toothbrush, paintbrush, paboritong lapis, librong hindi mo matapos-tapos at di ma-umpisa-umpisahan, stored value ticket ng MRT, shades, slice ng pizza, canvas cloth, crayola, friendship bracelet na binigay ng crush mo nung hiskul pagkatapos ng baccalaureate mass, postal ID, resume, NBI Clearance, tinidor, breadknife, masasayang alaala, masasayang kwento, yung pakiramdam na may ka-holdinghands ka, yung pakiramdam na nakadapo yung labi mo sa pisngi ng muntik mo nang makasama habambuhay. Bigla silang mawawala. At isang araw, kapag hindi mo na sila hinahanap, makikita mo silang biglasa ilalim ng nawawala mong unan, pinagbubuhol-buhol ng nawawalang sintas ng nawawala mong sapatos.
www.otom.wordpress.com www.wanstar.tumblr.com www.scribd.com/stum_casia