artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
Inihanda bilang pagpupugay kay kasamang Marlon Caacbay ng Musicians for Peace, Artists Arrest, Kilometer 64 Writers Collective, Sining Bugkos, Free Music Network at Ugatlahi
2004 nang maging member ng Musicians for Peace sa PUP si Marlon Caacbay. Sa simula’y hindi pa gaanong ka-aktibo; medyo mahiyain, minsan namimili ng kausap. Pero mula 2005 ay tuloy-tuloy na lumahok sa mga aktibidad at gawain ng organisasyon. Naging malaki ang partisipasyon sa pagpapasigla ng organisasyon kaya noong General Assembly ng 2006 ay nahalal bilang vice-chairman. Dito aktibong tumangan ng mga tungkulin sa gawaing edukasyon at organisasyon. Isa sya sa naging aktibo sa pag aayos at pagpapasigla ng chapter sa PUP. Dahil sa positibong resulta ng kanyang gawain, naging mapagpasya na lumabas ng pamantasan upang makaranas ng gawain sa komunidad partikular sa Manila noong 2007 sa kasagsagan ng paglaban ng mga mamamayan sa tabing riles.Nakatulong ang mga karanasan na ito upang magpasya syang kumilos ng buong panahon bilang manggagawang pangkultura sa taon ding iyon. Unang mayor na nilahukang produksyon ay ang ika-50th year ng NAFLU na idinaos sa Benguet noong 2007. Tuloy-tuloy na aktibong lumahok sa mga mayor na kampanya at aktibidad sa buong Metro Manila tulad ng People’s Caravan for truth, justice and change na naging mabisang propaganda sa pag-abot sa malawak na masa sa komunidad, paaralan at simbahan. Tugon ito sa kasagsagan ng kampanyang pagpapatalsik sa rehimeng GMA dahil sa pagsambulat ng NBN-ZTE deal. Kapansin-pansin ang interes at kasiyahan ni Ka Marlon sa tuwing ipamamalas ang kakayahan sa pagbibigay ng mga discussions, workshop at pagtugtog sa mga programa ng People’s Caravan. Isa din siya sa sumulat ng theme song nito. Susing gampanin din ang tinanganan ni Ka Marlon sa Youth Art Camp noong 2008 at 2009 kung saan nagtipon ang daang kabataan mula sa iba’t-ibang komunidad at eskwelahan na layong pataasin ang diwang makabayan at aktibong paglahok sa mga usapaing panlipunan sa pamamagitan ng pagbalik aral sa kasaysayan at maniningning na ambag ng kabataan – ng kanilang panahon, talino at talento para sa pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya. Bahagi siya ng peak ng organizing ng Musicians for Peace-PUP kung saan umabot sa 300 ang kasapian sa ilang kolehiyo, daan ang napakilos sa malalaking pagkilos at sa lokal na kampanya laban sa pagtaas ng tuition, nagresulta ito sa pagtatayo pa ng ilang chapters sa iba pang unibersidad at komunidad.
Maningning din ang naging karanasan niya nang mag-integrate sa mga mganggagawa ng Advan noong 2009 kung saan nagbigay sya ng mga pag-aaral sa mga manggagawang na sa panahon ding iyon ay nakapiket. Nagturo din sya ng mga kanta na naka-ambag sa pagpapataas ng ahitasyon ng mga manggagawa sa pagtindig sa piketlayn. Nakapaglaan din sya ng panahon sa gawaing pag-oorganisa at kultura sa kasagsagan ng laban sa demolisyon sa San Juan noong 2010. Nagtuloy-tuloy sya sa pangangasiwa sa gawaing pangkultura sa Metro Manila hanggang unang bahagi ng taong 2011. Taon din ito ng maging bahagi sya sa pagtatayo ng Free Music, isang malawak na alyansa ng mga makabayang musikero. Subalit katulad din nating mga karaniwang aktibista ay humarap din sa mga kontradiksyon at kahinaan si Ka Marlon. Ikalawang hati ng taong 2011 ay pansamantalang huminto sa pagkilos upang magtrabaho sa isang institusyon ng mga makabayang negosyante. Kalaunan ay muling naugnayan ng mga kasama sa Quezon City hanggang sa makumbinsi siyang muling kumilos at hindi naman ito tinanggihan ng kasama. Nang taon ding iyon ay pormal na pumaloob sa isang grupo na tumatangan ng gawain sa edukasyon. Huling bahagi ng 2012, muli nyang naipanumbalik ang kanyang sigla sa gawain bilang fulltime hanggang sa muling pag-integrate sa komunidad sa Navotas at Kalookan bilang bahagi ng kanyang trabaho sa edukasyon. 2013, Muling humarap sa matinding kontradiksyon si Ka Marlon nang magkaroon ng problemang pinansyal sa pamilya. Napakalaking epekto din sa kasama ang pagka matay ng ina sa taon ding ito. Nakaranas ng pagluwag ng commitment sa pagkilos subalit pana-panahon din namang naglaan ng oras sa ilang mga gawain at aktibidad. Hindi rin nya inalis sa sarili ang makipag konsultahan sa mga kasama upang makatulong sa kanya sa obhetibong pagtingin sa mga suliraning kinahaharap nya. Anu’t anuman, nanatiling malinaw ka kasamang Marlon ang mga batayang problema ng lipunan, ang
Marlon “Ka Ope“Caacbay
pagiging mala-kolonyal at mala-pyudal nito, ang pagtindi ng krisis ng kapitalismo at patuloy na pambubusabos nito sa mamamayan, at syempre, nanatiling mahigpit ang paninindigan niya sa pangangailangan ng rebolusyon upang solusyunan ang matagal ng paghihirap ng mamamayan ng daigdig. Hindi naubusan ng paraan si Ka Marlon upang makapag-ambag pa din sa abot ng kanyang kakayanin. 2014, pormal syang pumaloob sa isang support group para sa pag-oorganisa sa kanayunan. Batid nya ang mga kakaharapin pang sakripisyo’t kahirapan, ang mga inconveniences at ang paglabas sa kanyang “comfort zone�, ang mga positibo at negatibong karanasan niya ang naging batayan upang mapagpasya nyang i-abante ang kanyang sarili. Dito hindi na lamang sya nagkasya sa paghawak ng gitara, drumstick, ballpen at papel, bilang aktibistang pangkultura, mapagpasya syang humawak ng armas, nag-organisa sa hanay ng mga magsasaka. Sa maiksing panahon ay natuto syang makisalamuha sa masa. Nakapagtapos din sya ng kurso sa gawaing medikal dito. Hindi nalingid sa masa ang husay nya sa gawaing edukasyon at kultura. Sa maiksi mang panahon na naiambag nya sa kanayunan, alam nating pangmatagalan ang resulta nito para sa kanyang minamahal na pamilya at ng sambayanan na pinaglingkuran niya.
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
TALA Tuwing gabi, madalas akong tumingala sa ulap minamasdan ang aandap-andap na ilaw sa kalangitan, walang tigil sa pag-apuhap ang diwa kong nangangarap. “matatamo ko ba ang inaasam kong tala? kung sa tuwing titingalain ko siya ay bigla na lang nawawala...”
Marlon “Ka Ope“Caacbay
Kasama Ka! Nasa tarangkahan ka ng asyenda nang pumutok ang welga, Kasama kang nagbuwag sa pulutong ng mga pulis, naluha ang mga mata at nanikip ang dibdib; tinamaan ng nambubuntal na tubig, nagkandarapa sa pagtakbo at humangos ng husto. Kasama ka nang mabasa ang lupa ng dugo, sa pag-ulan ng rumaragasang punglo. Kasama ka sa marami pang pumanaw at inilibing. Ngayo'y ang lupa'y naninimdim, humahagulgol pati ang langit, habang ang mga bandila ay taas kamaong wumawagayway. Kasama kang martir ng bayan, nagpupugay kami sa iyong kadakilaan.
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
GUNITA Ang bilis mo namang makalimot? Kamakailan lang ay magkakilala pa tayo, Ngayon ay tila ang alaala mo'y sinakluban na ng kumot. Naisip ko tuloy; Sa buhay ko ay di naman dumarating at Nawawala ang isang tao... Sadya lamang itong nagbabago. Maliban na lamang kung siya'y papanaw at tuluyang maglalaho. Pagkat walang buhay ang mga alaala upang ito'y pumanaw sa gunita. Sa aklat ng mga alaala ay hindi na ito mabubura; Madadagdagan lamang ito ng pahina, Ngunit sa iyong isip ito na'y nakatala.
Marlon “Ka Ope“Caacbay
FANTASERYE NG KAPULISAN Pansamantalang mapuputol ang programa, Ang mapapanood mo ay hindi si Agua o si Bendita Kundi ang mga kapulisang nagpapakitang-gilas, Naghahagis ng teargas, Pinupukpok ng maso ang salamin ng bus. Mabuti na lang at umulan‌ Sasabay na lamang sa koro ng patak Ang bawat nanggigigil na putok. At maraming namatay... Kala ko’y darating si Lastikman at si Darna, Pero wala. Mga pulis nanaman ang lalabas na bida sa maaksyong pelikula. Samantalang, bida sa kainutilan ang pinuno ng bayan, Ang dilawang tabing ay ganap ding mahuhubdan At unti-unting guguho ang institusyong kapulisan.
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
MAKATA.com May pamantayan nga bang sinusunod upang matawag kang isang makata? Nasa husay ba ng tugma makikita ang pagiging mapanlikha? o sa ganda ng tayutay at mabubulaklak na salita? Alinsunod sa estetikang itinatakda ng lipunan, Ang ganda ng tula kung minsan ay nasusukat na lamang sa husay ng ginamit na pigura o tugma, na di binabatay sa kabuluhan na dapat nitong nilalaman. Ngunit minsan mas makapangyarihan ang payak na taludturan Laluna kung ang masa ang siya nitong pinatutungkulan, at buong sambayanan ang pinaglilingkuran. Naalala ko tuloy ang sinulat ni Ka Pete: "Kung baga sa bigas, di rin mainam sa tula ang sobrang kinis.." Pagkat walang isinisilang na makata, ito'y nalilikha sa gitna ng pakikibaka. Pinapanday ng paninindigan at pinapatalas pa ng kamulatan. Tulad ni ka amado at marami pang ibang makata ng bayan.
Marlon “Ka Ope“Caacbay
SA ALAALA NI KASAMANG ALEX (Alexander Martin Remollino) Natanggap ko ang masamang balita, Nanlamig ang buo kong katawan at Saglit ay natulala; Huminto ang oras ng Sandali at napako ang tingin. Mariin ang pagkakatitig sa tasa ng kape, Tila bang hinihintay ang dagli nitong paglamig. Malamig ang gabi... Dala ng namumugtong kalangitan, Nakikiramay sa iyong paglisan. Habang naglalakbay ang diwa, Malayo ang lipad, Pilit inaabot ka sa hinagap, Sinisinsin ang labi ng bawat gunita at hinahagilap. Saan nga ba kita unang nakita? Ah! sa Isang Gabi ng Makabayang Sining, bumibigkas ng tula nang buong giliw. Dala mo'y inspirasyon sa masang tagapakinig, Sa amin naring iyong kasama at kapanalig. Madalas na kitang marinig mula noon, Sa mga liwasan, sa lansangan lagi kang napapanood. Nanunuot sa isip ang bawat tugma mong sinasambit, Matatalas, na tila bang tabak na isinusumpit. Mabilis ngang lumipas ang panahon, Nang muli kang makita'y maraming nagbago; Ang iyong katawan man sa sakit ay umimpis, Ngunit kailanma'y ang paninindigan ay hindi mo tinikis.
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
Katawang-lupa mo man ay yumao, Ang iyong mga tula at panulat ay patuloy na magmumulat Sa masang tiyak mong pinag-aalayan. At sa panahon ng pagkamulat Ng dagsang mamamayan; Hindi na namumugto ang langit, Kundi unos na nagngangalit.
Marlon “Ka Ope“Caacbay
DAGITAB (alay sa mga nasunugan sa Navotas) May sagitsit ng apoy sa ginaw ng gabing Pinapapaypayan ng hangin mula sa laot, Dala nito'y bulwak ng impyernong Sa libong kabahayan ay tumupok. Binalot ng kaba ang bawat tahanan, Sa sandali ng kaguluhan ay may katahimikan. Nakapiit ang bawat sigaw at saklolong Inabandona na ng obligasyon at pangako Ngunit mayroong bagong pangako Ng matiwasay at riwasang buhay Sa siksikang paaralan at palaruang Pansamantala mong tirahan Matatamis na salitang bula sa hangin, Sandakot na pilak sa paningin, Ngunit 'di siyang kalutasan Sa malaon nang suliranin. Niyakap mo ang pagtitiis, Ikaw man ay kinalimutan na ng estado at tinikis Bangka ang iyong kapiling at lambat na sa'yo ay nagpapakain Kung saan may kabuhayan ay naroon ka humihimpil. At ngayo'y dinadangkal na ng metro ang lupa't mayroon nang umaangkin, Binakuran na ng baril at kinurdonan ng alambreng tinik, Ginigiba ang nananatiling nakatirik Pagkat dito'y ititindig, mga gusaling matatarik
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
Unti-unting guguho ang lumang larawan ng kahirapan, Papalitan ito ng matatayog na panlabas na kagandahan, Pilit ikukubli sa likod ng mga gusaling nagtataasan. Ngunit mananatili ang kalunos-lunos na kalagayan Hangga't Imperyalistang proyekto ang ihahaing kalutasan. Subalit may hangganan ang pagka-aba, Sa pang-aapi ay may paglaban, Dagitab sa dibdib ay lalagablab Tutupok sa pagsasamantala ang bawat pag-alab. September 9,2010 / Davila, Navotas
Marlon “Ka Ope“Caacbay
BATID KO Sa bawat batang nanlilimahid sa lansangan, Gauling na libag ang siyang kumot sa kalsadang latagan... batid kong dapat silang ipaglaban! Sa bawat kabataang inabandona at tinikis ng huwad na kaalaman, batid kong dapat silang ipaglaban! Sa bawat pinagdamutan ng kapiranggot na kabuhayan na sa araw-araw ay nakikipagbuno sa mga halang na buwaya. batid kong dapat silang ipaglaban! Sa bawat Mariang hinubdan ng dangal at ginahasa ng lipunang patriyarkal. batid kong dapat silang ipaglaban! Sa bawat pawis at pagod na sinaid ng palalong panginoong maylupa. Silang nagbubungkal at nagpapakain. batid kong dapat silang ipaglaban! Sa bawat inugat na bisig sa paggawa, silang lumilikha at ginagatasan ng mga bundat na kumprador. batid kong dapat silang ipaglaban! Sila yaong katuwang ko at ng marami pang nais ay laya batid kong kasama ko sila sa pakikibaka!
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
NAGLAHO Silang nagsipaglaho, na hindi nasiphayo sa pagkilos at pagnanais ng pagbabago. Silang lumura ng dugo, sa labis na pagkastigo. Silang mga pangarap ay gumuho, Mga pangarap na patuloy nating binubuo.
Marlon “Ka Ope“Caacbay
PULTAYM Sa umaga... Matabang ang timpla ng iyong kape, matapang at mapait. Walang lasa ang sigarilyong hinihithit. Ngunit walang kasintabang ang mamuhay sa ganitong lipunan. Walang kasing-pait ang lupit ng mga pasista sa kanayunan. Hahalik muli ng libong beses ang iyong talampakan sa kalsadang daraanan. Mas pipiliin mo ito, kaysa mamasahe at walang maisubo sa pananghalian. Ngunit mas mahirap ang buhay doon sa kasukalan, Laluna sa panahon ng sagupaan. Kung dito'y naglalakad ka lamang sa kapatagan, Sila nama'y tumatawid sa marahas na ilog ng kapalaluan at mababatong kabundukan. A, huwag kang mapanghinaan! Para saan pa ang sinumpaan? "Buhay man ay ialay kung kinakailangan!" Kung ang pagod at gutom ay kahahadlukan, at mabahalang walang dukuting kahit mamiso sa bulsa. Bahagi iyan kasama, Bahagi ng pakikibaka. Pagkat batid nating lahat, na sa dulo nitong landas ay buhay na payapa at sagana.
artista ng bayan. rebolusynaryong martir ng sambayanan
Marlon “Ka Ope“Caacbay