1 minute read

LATHALAIN CITY HIGH

Hindi na bago sa karamihan ang konsepto ng pagsusunog ng kilay.

Kung hindi pilit, boluntaryong inaalay ang sarili sa bathala ng karunungan. Tinatali ang parehong palad sa tangang pluma ng hiraya. Umiindayog sa himig ng kaalamang nakakubli sa mga titik. Umiibig nang malaya sa kulay ng sining nitong nakadungaw na pangarap.

Advertisement

Saksi nang maituturing si Precious Heart S. Nolong, labing-anim, sa mga naging pagbabago ng edukasyon. Limang taong gulang pa lamang kasi’y katuwang na niya ang lapis sa paghabol ng kaniyang mga pangarap. Sa murang edad ay inihuhulma na ang kapalaran sa pamamagitan ng karangalang natatanggap na katas ng pawis sa pagbasa.

Kasalukuyang nag-aaral si Heart sa San Jose City National High School (SJCNHS) sa ilalim ng Programang Science Technology and Engineering (STE). Ayon sa kaniya’y hindi larong maituturing ang araw-gabing pakikipagpatintero sa mga aralin dahil matiyaga niyang iniingatan ang tangang aklat upang mapanatiling mataas ang kaniyang mga grado. Bilang patunay, nasa antas pa lamang siya ng elementarya’y masasabi nang kaibigan niya ang katalinuhan; mula kindergarten hanggang ikaanim na baitang ay kailanma’y ‘di siya sumablay sa pagsungkit ng medalya. Hindi lang iyon, natapos niya rin ito habang yakap ang titulo ng pagkabalediktoryan.

Hindi rin siya nagapi nang lakbayin niya ang mapa ng sekondarya. Huminto man sa pagsulat ang mga yeso bunga ng pandemya’y nanatili siyang matayog. Niyapos ni Heart mula ng unang araw niya sa paaralan ang pangunguna niya sa klase. Sa katunayan, ilang taon niya nang hawak ang sertipiko ng may mataas na karangalan na patuloy na ikinahahanga ng lahat.

Hindi lang pagmememorya ng aral ng bawat asignatura ang kaya niyang ipamalas. Nakasanib din sa kaniya ang talento sa sining ng pagguhit, literatura, pamamahayag, pagsasayaw, at pagtula. Hindi rin maitatangging naging matagumpay siya sa pagpapamalas ng mga ito.

This article is from: