2 minute read

Niyebe sa Tag-araw

“Hindi na kakailangin pa ni Jem na pagmasdan ang pagkalagas at pagbagsak ng mga tuyong dahon…”

Banayad ang pag-ihip ng hangin na nagdudulot ng pagkalagas ng mga tuyong dahon ng mga punong akasya sa paaralang elementarya na pinapasukan ni Jem. Tanawin na nagpapalimot sa sakit dulot ng mga pasa at paso ng sigarilyo sa kanyang katawan. Kasabay ng pagbagsak ng mga dahon sa lupa ay ang pagpatak ng kanyang luha habang tahimik na nakaupo sa gawing hulihan ng silid-aralan, malapit sa bintana. Minsan, mababaling ang tingin sa mga puno o kung hindi naman ay sa lumang orasang nakasabit sa itaas ng pisara. Hindi siya mapalagay. Natatakot sa pagturo ng mga kamay ng orasan sa ikalima ng hapon. Lagi siyang nangangamba sa kung ano ang puwede niyang madatnan pag-uwi sa bahay. Noong nakaraang hapon, naabutan niyang nakasubsob ang kanyang ina sa lupa at walang malay. Putok ang labi nito at nabungi ang dalawang ngipin sa itaas dahil sa pagkaka-umpog sa mesa. Kung maaari sana, mas pipiliin na lamang ni Jem ang manatili sa paaralan ngunit ang labis na pag-aalala sa ina ang pumipigil sa kanya. Palubog na ang araw nang tahakin ni Jem ang masukal na landas patungo sa munti niyang tahanan. Tanging huni ng mga kulisap ang nagpapa-alala na hindi siya nag-iisa sa kanyang paglalakbay. Matapos ang halos

Advertisement

kalahating oras na paglalakad, narating ng bata ang isang dampa sa gitna ng malawak na palayan. Binuksan niya ang tarangkahang sawali at pumasok sa loob nito. Napansin niya ang kanyang ina na nakahiga sa malamig na kawayang papag, nakabaluktot ang katawan at iniinda ang karamdaman. Lumapit si Jem at naupo sa tabi ng ina. — Kapag malaki na ako at mayaman, pagagawan kita ng magandang bahay. Ibibili kita ng magagandang damit katulad ng kay Aling Rosy. Lagi tayong kakain sa labas. Malambing na sambit ng bata na bahagyang nagpangiti sa

ina.

—Alam mo ‘Nay, lagi kong ipinagdarasal na kung sakaling dumating na ang araw na iyon, sana magkasama pa rin tayo. Nahiga si Jem at ipipikit na sana ang mga mata nang biglang nagkalampagan ang mga pinggan. Dumating na ang kinatatakutan ng bata, ang sariling ama. Lango ito sa alak at pasuray-suray na nagtungo sa kalan. Binuklat nito ang takip ng mauling na kaldero ngunit nag-init ang ulo nang makitang walang pagkain. Dahil doon, inihagis ng ama ang kaldero sa bintana, pinagbabasag ang mga pinggan at itinaob ang mesa. Nabaling ang tingin nito sa magina at doon ibinuhos ang galit. Mahigpit nitong hinawakan ang braso ng anak at itinilapon palayo sa higaan na nagpalugmok kay Jem sa lupa. Matapos iyon, pinulupot ng lasinggero ang buhok ng asawa sa kanyang kaliwang kamay at buong lakas na kinaladkad hanggang ito’y mahulog sa kinahihigaan. Nanginginig ang katawan ni Jem dahil sa takot, hindi siya makatayo. Nagpalinga-linga ang bata sa paligid hanggang makita niya ang isang kumikinang na patalim na wari’y nag-uutos na ito’y damputin. Kinuha niya ito at isinaksak nang maraming beses sa likod ng kanyang ama. Hindi niya mapigil ang sarili sa paglabas ng galit na kinimkim niya ng maraming taon. Bumulagta ang ama sa lupa, naliligo sa sariling dugo at walang buhay. Kasabay ng pagbagsak ng kutsilyo mula sa mga kamay ni Jem ay ang pagyakap sa kanyang ina. Sa wakas, nakalaya na ang mag-ina mula sa pagmamalupit ng sariling padre de pamilya. Hindi na kakailanganin pa ni Jem na pagmasdan ang pagkalagas at pagbagsak ng mga tuyong dahon ng mga punong akasya na tila niyebe sa tag-araw.

This article is from: