1 minute read

Kailan Ako Huling Naging Matapang?

“Kasama ko ang mga taong tunay na matatapang.”

Gusto kong maging matapang. Para kanino? Para saan? Kailan? Bakit? Sa paanong paraan? Nakahawak na ako ng kalibre kwarenta y singko at ng armalite riffle, bumagsak na ako ng ilang beses sa mga eksam, nakapamuhay malayo sa aming tahanan, umuwi ng hatinggabi mula sa ibang bayan, iniwan na ako ng ilang ulit ng mga taong pinahalagahan ko, ngunit hindi ko ikinatapang ang mga iyon. Ayaw kong maging bayani, mahal ang magpagawa ng monumento, gagastos pa sila ng mahal imbes na gamitin na lamang ang pera para sa ikabubuhay ng mga taong iiwan ko. Ayaw kong mamatay nang maaga. Maganda siguro kapag gabi na. Pero biro lang, ayaw ko talaga mamatay kaagad. Gusto ko pang maging inhinyero — ‘yong lisensyado, ‘yong may malaking sweldo! Kahit masyado pang malayo ‘yon. Ngayon, pinagkakaabalahan ko ang pagiging kasapi ng publikasyon ng aking kolehiyo. Dito na ako natutong sumulat. Nakapagsusulat ako ng kung anong gusto kong iparating sa kapwa ko estudyante. Matapang na ba ako sa ganito? Dahil sa pagiging parte ng publikasyon, nabigyan ako ng pagkakataong masaksihan ang isang malawakang kilosprotesta. Kasama ko ang mga taong tunay na matatapang. Nakita ko ang tagaktak ng kanilang pawis habang nagmamartsa sa init ng lansangan. Nakuhanan ng lente ng dala kong kamera ang nakataas nilang plakard habang isinisigaw ang kanilang ipinaglalaban. At sa huli, nakita ko ang sarili kong nasa hanay na nila, taas-kamao, nagmamartsa, nakikiisa.

Advertisement

This article is from: