4 minute read

Taguan

“Walang maidudulot na mabuti ang ganitong sistema.”

Tagu-taguan maliwanag ang buwan, pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo. —Isa. Isang uri ng pagmamahal ang namumuo sa damdamin ng mga mamamayang walang ibang inisip kung hindi ang kapakanan ng nakararami. Isang damdaming matagal nang namumutawi sa puso ng mga taong nagtatanggol sa bawat mamamayang naaapi. Ang damdaming nakalaan para sa bayan at ang pag-ibig na tinatangi para sa lupang sinilangan. —Dalawa. Dalawang araw nang nagsasalita sa entablado. Nararamdaman ang galit sa bawat pagbigkas ng mga kataga. Hindi man naiintindihan ang ibang mga termino, hindi mapipigilang maging emosyonal dahil pawang katotohanan ang mga sinasabi nila. Ang mga hinanakit nila ang nag-udyok sa kanila upang sumama sa gawaing ito. Nais nilang ipahayag ang kanilang nararamdaman. Sila ang mga lider na kumakatawan sa sektor na kanilang pinamumunuan. Sila ang nagpapahayag ng mga hinaing ng bawat miyembro nila. —Tatlo. Tatlong beses sa isang araw kumakain ang mga nakikinabang sa lakas-paggawa ng iba’t ibang sektor ng lipunan samantalang naghihirap para sa kapiranggot na kita ang mga taong kasama sa produksyon ng mga pagkaing iyon —mga magsasakang inagawan ng lupa, mga manggagawang hindi binibigyan ng sapat na sahod at mga inaabusong OFW. Ganito na kalala ang nangyayari sa ating bansa pero iilan pa lamang ang nakaaalam nito. Maraming katanungan ang gumugulo sa isipan. Marami pang kailangang malaman at maranasan. —Apat. Apatnapung kilometro ang nilakbay mula sa nayon patungong lungsod. Nahanap ang mga

Advertisement

kasagutan at kaalaman sa pamamagitan ng mga karanasan kasama ang mga magsasaka. Mas pinili nilang magtrabaho o tumulong sa pamilya kaysa gumastos para sa edukasyong hindi nila kayang tustusan. Hindi maipagkakailang wala silang sapat na kaalaman. Karamihan sa kanila ay hindi marunong bumasa’t sumulat. Ang kawalan nila ng sapat na kaalaman ang sinamantala ng mga panginoong may-lupa upang maagaw ang mga lupaing matagal na nilang binubungkal at sinasaka. Ang sektor na kanilang kinabibilangan ang bumubuo sa pinakamalaking bahagdan ng ating lipunan. Ito ang nagpapatunay na naaapi ang karamihan sa ating mga Pilipino. —Lima. Limang taong pagkakawalay sa mga

mahal sa buhay, pinagsikapang kumayod at tiniis ang paghihirap upang maibigay ang pangangailangan ng mga taong umaasa sa kanila. Ang mga migranteng Pilipino ang itinuturing nating mga bagong bayani. Wala silang ibang hiniling kung hindi ang matiwasay na buhay para sa kanilang pamilya. Ngunit, hindi nila kinaya ang mga pang-aapi at pang-aabuso na ginawa sa kanila. Mas pinili na lamang nilang bumalik sa ating bansa at dito maghanap ng trabaho kahit hindi sapat ang kanilang kikitain. Habang tumataas daw ang antas ng ekonomiya ng ating bansa, sa tulong nila, bumababa naman ang moralidad ng kanilang pagkatao. —Anim. Anim na oras ang paghihintay upang makadalaw sa mga itinatagong political prisoners. Sila ay lumalahok sa mga organisasyong sumasalamuha sa mga taong nangangahas lumaban sa mga paninikil ng mga may kapangyarihan. Marami na silang karanasan kasama ang masa kaya marami na rin silang konkretong basehan upang mapatunayan na nabubulok na ang ating lipunan. Wala silang ibang ginawa kung hindi ipamulat sa kapwa Pilipino ang tunay na kalagayan ng bansa. Ipinagtatanggol nila ang mga taong hindi kayang ipaglaban ang sariling karapatan. Nais lamang nilang baguhin iyon upang mawala o mabawasan man lang ang mga mapagsamantala. Wala silang ibang ginusto kung hindi ang ikabubuti ng nakararami ngunit ngayon sila ang nakakulong at nagdurusa sa bilangguan. Patuloy na dumarami ang mga huwad na kasong ipinapataw sa kanila nang sa gayon ay hindi sila makalaya at hindi na maipalaganap ang katotohanan. Ang mga mapang-abuso ang siyang nagpapakasaya at nagtatamasa ng kalayaan. —Pito. Pitong libo, isang daan at pitong mga pulo ang bumubuo sa bansa ngunit iilan lamang sa populasyon dito ang nakikinabang sa likas na yamang tinataglay nito. Sa pagkakamulat sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino, maraming mga kaalaman ang nababatid. Maraming naghihirap dahil sa mga mapagsamantalang uri dito sa ating bansa. Wala silang ibang inisip kung hindi ang lalo pang magpayaman. Ginigipit nila ang mga mahihirap upang mas mapagkakitaan pa ang kanilang lakas-paggawa. Ang mga mapang-abuso ang siya ngayong

naghahari sa ating bansa at ang mga taong bumabalikwas sa kanila ang siyang nagdurusa at nahihirapan. Walang maidudulot na mabuti ang ganitong sistema. Walang maidudulot na mabuti ang pagmamalabis. Ang pagkakaisa ng mga mamamayan ang magpapabago sa mga ito.

—Walo. Walong buwang nakisalamuha sa piling ng masa. Inalam ang mga nararanasan nila sa loob ng sistemang ikinukubli ang tunay nilang kalagayan. Naging kabilang sa mga taong namumuno sa pag-oorganisa ng iba’t ibang gawain. Isa sa mga nagmumulat ng kapwa Pilipino upang malaman din nila ang mga dapat nilang malaman. Naging aktibo sa mga gawaing masa. Inilaan ang buhay upang mabago ang sistema. Naging isang progresibong lider kagaya ng mga taong pinakikinggan noon.

—Siyam. Siyamnapu’t siyam na porsyento ang kailangang pag-isahin upang makamtan ang pagbabagong ninanais makamtan kaya dapat na paglaanan ng buhay ang mga programang magmumulat sa sinumang makatutunghay nito. Sa pagiging aktibo sa parliyamentaryong gawain, nagiging mainit ang pangalan sa mga makapangyarihan. Ganoon din ang nangyari sa ibang mga lider na nagtatanggol sa karapatan ng mga naaapi. Nagtatago pero hindi alam kung hanggang kailan hindi mahahanap. Hindi mapipigil ang pagsigaw. Hindi mapipigil ang pagsusulat. Iisa ang patutunguhan nila –kamatayan. Maglalaho ang tinig at imahe ngunit alam nilang marami pang magtutuloy nito. Nandito pa tayo, mga kabataan, mga manggagawa, mga magsasaka, mga propesyonal, mga kapwa Pilipino. Hanggang sa muli. —Sampu. —Nasaan na po kayo? Tatay Ben! Kuya Jonas! Ate Sherlyn! Ate Karen! Kuya Abet! Kuya Arnel! Kuya Alfredo! Kuya Felix! Kuya Carlos! Nanay Leticia! —Tatay! Ate! Kuya! Nanay! Nasaan na po kayo? Nasaan na po kayo?

Sila Benjamin “Ben” Villeno, Jonas Burgos, Sherlyn Cadapan, Karen Empeño, Albert “Abet” Enriquez, Arnel Mendoza, Alfredo Bucal, Felix Balaston, Carlos del Rosario, at Leticia Jimenez Pascual Ladlad ay ilan lamang sa mga desaparecidos o mga lider at progresibong mamamayan na biglang nawala at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatagpuan.

This article is from: