7 minute read
Ang Huling Araw ng Pagbibilang Ko ng mga Bakod
Maagap akong nagising. Naalala ko kasi na ngayong araw ang birthday ng bunso kong anak. Siguro magpapadala na lang ako sa kanya ng sulat at bag na ginagawa namin dito bilang regalo sa kanya. Alam ko rin naman na hindi sila makakapunta rito ng asawa ko at isa pa niyang kapatid. Naaalala ko pa noong mga panahong magkakasama pa kami, hindi matutumbasan ang kasiyahang aking nadarama kapag nakikita ko silang masaya. —Tatay, bilhan mo naman kami ni kuya ng ice cream. Tatay, please... Minsan lang naman po kami ni kuya makakain niyan. Nandito kami ngayon sa parke. Naisipan naming dito mamasyal. Wala na rin naman kasing pasok ang mga anak ko. Summer vacation na kung baga. —Sige, ibibili ko kayo. Diyan na lang muna kayo kay Nanay. —Yey! Sorbetes! Nanay, pumayag na si Tatay na ibili kami ng ice cream. Masaya rin ako sa tuwing masaya ang mga anak ko. Kuntento na sila sa pamamasyal sa parke, sa tig-sa-sampung pisong sorbetes at sa aming salu-salo. Samantalang ang ibang mga bata ngayon ay nagmamaktol dahil hindi lang nakatanggap ng gusto nilang laruan, o nakapunta sa ibang bansa o sa magagandang resort. —Ito na ang hinihingi ninyo. Huwag na kayong mag-aaway. Magpakabait kayo kung ayaw n’yo pang umuwi. —Opo tatay. Salamat po talaga. Pagkatapos naming magparke, diretso uwi na kami. Simple lang ang buhay namin. Nakikitira kami sa bahay ng nanay ko. Agad namang nagluto ang asawa ko dahil sa pagmamaktol ng dalawang kong anak. —Pareng Joey, may alam akong trabaho! Malaki ang kita, sa abroad. Bukas na bukas, pumunta ka raw kay Aling Toti! Hindi ba, ilang buwan ka na ring naghahanap ng trabaho? —Salamat sa pagsasabi sa akin Pareng Bert! Magkita na lang tayo bukas. Pumasok na ako sa bahay, kailangan ko rin naman itong ikwento sa pamilya ko. Sana pumayag sila lalo na ang mga anak ko. Hindi naman siguro masama kung susubukan kong magtrabaho sa ibang bansa.
Advertisement
—Papa! Papa! Matagal ka bang mawawala? —Oo nga, Papa, ma-mi-miss ka namin. Ang mga sinabi ng mga anak ko ang nagpagulo sa isip ko, kung sasama pa nga ba ako sa raket na ibibigay sa akin ni Aling Toti. —Anak, sigurado ka na ba sa desisyon mo? Magtatrabaho ka na ba talaga roon? Hindi naman sa hindi ako nagtitiwala diyan sa paabroad-abroad na iyan, nag-aalala lang naman ako sa sitwasyon mo pati ng pamilya mo. —Opo ‘Nay. Sigurado na ako. Alam ko naman po na malaki ang makukuha kong pera. Lena, ikaw na ang bahala sa mga anak natin kapag natuloy ako. —Basta mag-iingat ka roon Joey. Alam mo naman, mahirap kapag mag-isa ka roon. Buti na lang kasama mo roon si Pareng Bert. Kinabukasan, pumunta na ako sa bahay nina Aling Toti. Medyo kinakabahan din ako. Anong klaseng buhay kaya ang makakaharap ko roon? —Joey! Nandito ka na pala. Buti na lang at nasabihan ka ni Bert kagabi. Ikaw kasi ang una kong nasabi sa kakilala ko. —Ganoon po ba? Kailan po kaya iyon? —Teka, sandali lang, papapuntahin ko siya rito. Pasok ka muna rito at mag-juice ka. Pagpasok ko sa bahay nina Aling Toti, agad akong inabutan ng juice ng kanyang anak na kasing edad lang ng panganay ko. —Sir Gilbert, nandito po siya sa loob. Siya po ang sinabi kong mapagkakatiwalaan ninyo. Nagtrabaho na rin po siya rito sa tindahan ko. —Nasaan na ba siya? —Joey, pumunta ka na dito sa labas. Nandito na ‘yong sinasabi ko sa iyo na naghahanap ng empleyado sa Dubai. —Magandang umaga po, Sir. —Magandang umaga din, Joey. Ayon kay Aling Toti mapagkakatiwalaan ka rin. Kailangan ko ang isang tulad mo na masipag. Siguro ipapatawag na lang kita kung kailan ka ulit pupunta rito at ihahatid ka rin namin sa airport. Fill-up-an mo ang mga ito para magkaroon ka ng Visa at iba pang mga requirements mo. —Salamat po, Sir Gilbert. Gagawin ko po lahat ng makakaya ko upang maging maganda ang resulta ng trabaho ko. —Joey, butler ka nga pala doon. Matapos kong fill-up-an lahat ng mga papeles, inabutan ako ng envelope ni Sir Gilbert. Agad na akong umuwi upang ipabalita sa kanila na magkakaroon na ako ng permanenteng trabaho. Binuksan ko ang envelope. Nagulat ako sa laki ng halagang natanggap ko. Sabi ni Sir Gilbert, ito raw ang kalahati ng sweldo ko roon. Medyo nahihiya rin ako. Wala pa naman akong ginagawang trabaho pero binigyan na niya ako ng pera.
Makalipas ang isang buwan, may
natanggap akong text mula kay Aling Toti. Pumunta na raw ako sa bahay nila. Wala akong dinalang gamit dahil sabi nila, sila na ang bahala sa mga gamit ko. —Joey, ito na lahat ang gamit mo. Ito na rin ang bag na naglalaman ng papeles at Visa mo. May pera na rin diyan. —Salamat po sa tulong ninyo sa akin. * —Joey, anak, mag-iingat ka roon. —Opo ‘Nay. Lena, ikaw na ang bahala sa mga anak natin. Heto, may kaunting pera pa ako rito. Ikaw na ang bahala. —Papa, mag-iingat ka. Ma-mi-miss ka
namin.
Pumasok na ako sa van. Kahit nakalulungkot, masaya na rin ako dahil matutugunan ko na ang mga pangangailangan ng pamilya ko. Nandito na ako sa airport. Si Sir Gilbert lang ang naghatid sa akin papasok. —Joey, ingatan mo ang gamit mo, mahirap na. —Opo, Sir. Salamat po ulit. Sa wakas, permanente na akong makapagtatrabaho. Ang sarap sa pakiramadam. Suwerte ata ako ngayon. Ang iba ay nagpapakahirap pang pumila para lang makakuha ng mga papeles para lang makapagtrabaho sa ibang bansa. Siguro ito na ang panahon ko upang magsipag para makaahon kami sa kahirapan. Ang isinakripisyo ko naman ay ang hindi makita ang pamilya ko. * —Pareng Bert! Nandito ka na pala! Mas nauna pala ang flight mo sa akin. —Pareng Joey, ako na ang hahawak sa isa mong bag. —Salamat pare. Palabas na kami matapos makuha ang mga bagahe nang bigla akong harangin ng dalawang guards. —Sir, excuse me. We would like to speak with you for a moment. Could you please come with us with your bags? —Pare, english. Sumama ka raw ata sa
kanila.
—Sa boarding house na lang tayo magkita, Bert. —Okay sir, I will join you. I just make good bye with my pare. ‘Pag nga naman high school lang ang
natapos ang hirap mag-ingles. Pero sana naman, walang mangyari. Tulungan ninyo po ako. —Good afternoon po, Sir Joey Dimaculangan. I’m a representative from Philippines. Pwede ko po bang malaman kung bakit po kayo nagpunta rito sa Dubai? —Ma’am, nagpunta po ako rito para magtrabaho sa isang hotel, bilang butler. Si Sir Gilbert Mendoza po ang nagpadala sa akin dito. Natahimik sa kwarto dahil sa pag-uusap ng ibang mga pulis na nandito.Binuksan nila ang bag ko at kung anu-ano ang hinalungkat. Kinabahan na ako. Parang alam ko ito. Parang napanood ko na ito sa mga news. —Sir, ano po ang ibig sabihin nito? Bakit may drugs dito? Ito ba ang trabahong pinasok mo rito? Alam mo naman na bawal ang mga gan’yan. —Ma’am, hindi ko po alam kung bakit may ganyan sa bag ko. Ibinigay lang po sa akin ‘yan ng boss ko. Ito na lang ang mga naalala ko noong nasa airport ako. Pinagbubugbog nila ako, hindi ko alam kung bakit. Inosente ako. Kinuha lang ako bilang butler. Pagkagising ko, nasa isang silid na ako, puno ng mga pasa ang katawan. Pumutok din ang labi ko. Puro kalat ang kwartong ito. Higaan at kubeta lang ang mayroon dito. Hindi ko alam ang dahilan kung bakit nandirito ako ngayon sa kulungang ito. Mahigit tatlong taon na akong nakakulong dito base sa pagbabakod na ginagawa ko. Matinding torture ang naranasan ko. Hindi naman siguro tama ang ginagawa nila sa akin, hindi patas. Hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit may droga sa bag na dala-dala ko. At ngayon, pagkatapos kong iguhit ang karagdagang bakod, nagbukas ang rehas. Dinala nila ako sa kwartong puro pangturok ang nakapaligid. Kutob ko na na mangyayari ito. Bakit sa akin pa ito nangyari? Inosente lang naman ako at ang nais ay ang ikaliligaya ng pamilya ko. Nagpumiglas ako ng kabitan nila ako ng kadena nang inihiga ako sa isang makitid na kama. Bigla na lang may itinurok sa akin at nakaramdam ako ng pagkahilo. Ito na nga, tama ang kutob ko, ito na ang huling araw ng pagbibilang ko ng mga bakod. Hindi ko man lang nakausap ang pamilya ko.
Luwang
Ligawan mo ang pangako ng libong ligaya.