1 minute read

Isang Bilaong Puto

“Nais niyang maglakad na lamang… ngunit marami na ang nagbago.”

Katulad ng isang kalabaw sa palayan, kakayod sa pagtatrabaho sa ilalim ng tirik na araw matulungan lamang ang magsasaka hanggang sa kanyang huling hininga. Alas-dos pa lamang ng madaling araw, gising na si Lily upang lutuin at ihanda ang puto na kaniyang ilalako mamaya sa bayan. Ito ang pinagkakaabalahan niya sa maghapon upang kumita ng pera sa mga nakalipas na taon. Inangat niya ang takip ng pasingawan ngunit aksidenteng napaso ng singaw ng kumukulong tubig ang kanyang payat na kamay. Agad niya itong inilubog sa baldeng puno ng tubig upang maibsan ang kirot. Makalipas ng ilang sandali, kaniyang ipinagpatuloy ang paghango sa puto. Ito’y kanyang inilahad sa isang bilaong may dahon ng saging at hinati-hati. Tinakluban niya ito ng plastik. Lumabas siya ng bahay bitbit ang bilao at naghanda na upang ilako sa bayan ang puto. Kalahating oras ang paglalakbay mula sa kanyang tahanan kaya kinakailangan niyang magbiyahe sa araw-araw. Nais niyang maglakad na lamang tulad ng dati ngunit marami na ang nagbago. Matiyagang inabangan ni Lily ang unang byahe at makalipas ang kinse minuto, ito’y dumaan. Sasakay na siya sa dyip ngunit nang ihahakbang niya ang kaliwang paa, bigla siyang nabuwal at napahiga sa kalsada, dahilan upang tumaob ang kanyang bilao at kumalat ang puto. Agad siyang tinulungan ng isang nagmalasakit na estudyante sa pagsimot ng kanyang paninda at inalalayan siya sa pagsakay sa dyip. Mabuti na lamang at nakabalot sa plastik ang puto kaya hindi ito narumihan. —Pabili po ng tatlo. Ang wika ng estudyanteng tumulong sa

Advertisement

kanya.

Bumawas siya ng tatlo mula sa kanyang bilao, binalot sa plastik at inabot dito. —Ako rin po, isa. Wika naman ng isa pang estudyante. Bumawas ulit si Lily ng puto, binalot at inabot dito. Matapos iyon, sunod-sunod na ang bumili sa kanya. Ang mabigat niyang bilao, ngayo’y wala ng laman. Marahil, naawa lamang ang mga pasahero sa kanyang kalagayan. Naubos ang kanyang puto na nangangahulugang maibibili niya, sa bayan, ng palda at blusa si Clarissa. Pagkababa niya sa dyip, agad siyang nagtungo sa bilihan ng damit upang bilhin ang unipormeng pinapangarap nito. Masaya siyang naglakad pauwi at hindi alintana ang kanyang masakit na tuhod sa kadahilanang naubos lahat ng kanyang pera para sa uniporme. Naupo ang nobenta anyos na si Lily malapit sa bintana at doon matiyagang hinintay ang pagdating ng kanyang apo.

This article is from: