1 minute read
Sa Paghihintay
Pumuti na ang uwak Hindi napansin oras na dumadaloy Pumuti na ang uwak Lansa ng kalupitan hindi na mapigilang maamoy Pumuti na ang uwak Tiniis ang init ng lumalagablab na apoy Pumuti na ang uwak Mata’y pumikit, hiling sa hustisya ay magabuloy.
Panaghoy ng Katahimikan
Advertisement
MGA TAUHAN: Mga Tagapakinig Tagapag-anunsyo Pepito Causapin (isang pipi) PANAHON AT TAGPUAN: Katanghaliang tapat sa mainit at kulong na bulwagan.
EKSENA: Magiging espesyal na tagapagsalita si Pepito Causapin para sa isang talakayan.
TAGAPAG-ANUNSYO: Narito na ang ating espesyal na panauhin sa araw na ito! Mga kaibigan, malugod ko pong ipinakikilala sa inyo ang kagalanggalang na si Pepito Causapin! Pasalubungan po natin siya ng masigabong palakpakan! MGA TAGAPAKINIG: (Mga nagkukuwentuhan at hindi pinapansin si Pepito Causapin.) PEPITO CAUSAPIN: (Lalapit sa podyum.) PEPITO CAUSAPIN: (Akmang nagsasalita kasabay ang pagkumpas ng mga kamay.) Mga Tagapakinig: (Patuloy ang huntahan.)
Lumipas ang ilang minuto...
PEPITO CAUSAPIN: (Ituturo ang tagapaganunsyo at papalapitin. Magsusulat sa papel at ibibigay sa tagapag-anunsyo.) TAGAPAG-ANUNSYO: (Binabasa ang papel.) Manahimik po tayong lahat. MGA TAGAPAKINIG: (Natahimik.) TAGAPAG-ANUNSYO: (Binabasa pa rin ang papel.) Wala ba kayong napakinggan? Narinig? Naintindihan? MGA TAGAPAKINIG: (Iiling.) TAGAPAG-ANUNSYO: (Patuloy sa pagbabasa.) At ngayon, ganito katahimik ang paligid. Ganito rin ang mundo ko kung itratrato ninyo ako bilang isang normal na tao. MGA TAGAPAKINIG: (Natahimik, natulala at tila napipi na rin ang lahat).