1 minute read

Erratum

“Hindi ito magtatapos sa akin. “

—Baka po hindi ako makauwi. Bago pa maitanong ng aking ina kung bakit, pinatay ko na ang aking telepono. Hawak ko sa aking kaliwang kamay ang dyaryong may pangalan ko. Mahaba ang naisulat ko. Totoo ang sinulat ko. Naupo ako sa tabi ng kalsada at binasa ang aking kolum. Mali pala ang spelling ng pangalan ni Mayor.

Advertisement

—Hindi kaya siya nagalit? Siguro. Baka. Ewan. ‘Pag nakita ko siya, sasabihin kong kasalanan ‘yon ng editor. Lumalamig na. Kanina pa lumubog ang araw. Hindi ko alam kung bakit pinili kong manatili rito sa halip na magtago. Siguro gusto ko lang maging bayani o dahil sa tingin ko’y wala rin akong pagtataguan. O baka nga bayani talaga ako. Sana lang may maka-alala ng pangalan ko. Kapag nawala ako ngayon, may maghahanap, may magtatanong. Hindi ito magtatapos sa akin. Pero ang lamig na talaga, sobra. Gusto kong bumili ng kape kaso wala akong dalang pera. Aanhin mo nga ba ang pera kung mamamatay ka na? Naglakad-lakad ako para mapawisan. Sira pa rin pala itong kalsada. Bukas pa rin pala ‘yong manhole. Nandoon pa rin pala ang tarpaulin ni Mayor. Mula sa malayo, natanaw ko ang isang green na van. Ito na ba? Tumigil ito sa harapan ko at bumukas ang pinto. Tinanong ko ang taong lulan nito. —Bakit ang tagal, n’yo? —Dumaan pa kasi kami sa bahay

n’yo.

Nanghina ang mga tuhod ko.

This article is from: