2 minute read

Naubos na Tinta

PALETA VI

Kung bakit patuloy niya itong ginagawa ay hindi niya rin alam.“ “

Advertisement

Madilim pa ang paligid. Tanging ang kaluskos lang ng mga dahon na humahalik sa bubong ang ingay na namumutawi. Ilaw lang ng maliit na gasera ang nakikipaglaban sa kadiliman.

Simula na naman ng bagong araw. Nagmulat ang mata ni Josefa na may bakas pa ng muta buhat sa pahingang apat na oras lamang. Panibagong araw ngunit hindi bagong simula, para sa kanya na nalunod na sa realidad ng buhay.

-Babangon pa ba ako?

Iyan ang katanungan na laging nagsisimula sa araw niya. Ilang milyong beses na niya itong naitanong, ilang milyong beses na rin niya itong nasagot. Pero magpaganoon pa man, babangon at babangon pa rin naman siya.

Magsisimula ang mahabang araw niya ng pagpunta sa kanilang estasyon. Ang lugar na nakakaumay nang puntahan para sa kanya, pero tila sarili na niyang paa ang nagdadala sa kanya rito. Naiinis na siya, pero dahil binuhos niya ang buong pagkatao niya sa propesyon, na hindi lang sapat ang walong oras kada araw sapagkat kulang na kulang ito. Pinangarap niya na mapanood lang sa telebisyon habang binabalita niya ang mga nagaganap, ngunit tadhana ang nagdikta na sa halip na maging reporter, naging isa siyang manunulat para sa lipunan. Kung bakit patuloy niya itong ginagawa ay hindi niya rin alam. Tila isang misteryo ito na walang kasagutan.

-Nakakasawa na ang mga balita, ulit-ulit na lang. Patay si ano. Korap si ano. Magtataas ang presyo ng gasolina, ng lahat na. Wala na yatang bago na ibabalita ang mga iyan.

Iyan ang mga naririnig niya sa mga tao, sa tuwing kakain siya ng tanghalian o hapunan sa mga turo-turo. Gusto na niyang magsalita, pero umuurong naman ang dila niya. Wala ring saysay kung ipaliliwanag niya dahil ang mga nakikita sa telebisyon ay manipulado na rin ng mga nakatataas.

-Huy Josefa, mag-ingat ka sa mga sinusulat mo. Alam mo naman ang mga tao sa bansang ito.

Paalala iyan ng mga kapwa niya dyurnalist, na hindi niya pinapansin.

-Wala akong ginagawang masama.

Pinaninindigan niya na hindi masama ang magsabi ng katotohanan, lalo na ang iparating ito sa lipunan na kinain na ng burak ng kasakiman at kawalang hustisya.

Magtatapos ang araw niya na solong umuuwi sa kanila. Binabaybay ang lugar na kinalakihan niya kung saan niya nasilayan ang makulay na mundo na unti-unting naging kulay abo.

Masakit sa mga mata at tumatagos sa puso ang pighati na nararamdaman sa tuwing naiisip niya ang lipunan, mga bata, mga lola, mga magulang at ang paligid na kinain na ng sistema. Panulat lang ang kanyang sandata, ngunit hindi niya ito alintana kahit ang mga kinakalaban niya ay baril, pera at hustisya ang panangga.

-Hindi mali ang ipaalam kung gaano kaitim ang libag ng lipunan, ang katusuhan ng mga mamamayan, at ang nalalapit na paghuhukom sa sangkatauhan. Hindi dahil sa kung anong delubyo kundi dahil sa kasuwalian ng mga tao. Kaya kahit ang pagpantay ng aking mga paa ang kapalit, hindi ko bibitawan ang panulat hangga’t ako ay nabubuhay pa. * -Sayang ang babaeng ito, ang ganda-ganda pa naman.

-Wala nang habol bakla, bihisan na natin si ate girl, ilalagay na raw ‘yan sa kabaong e.

This article is from: