2 minute read

Siopao

PALETA VI

SIOPAO “ May langit raw sa kabilang buhay ngunit paulit-ulit kong pipiliin ang langit sa piling mo sa ating kwadradong tahanan. “

Advertisement

Para sa aking minamahal,

Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa aking buhay. Mas maganda ka pa sa sinag ng araw. Ang mga mata mo na puno ng pag-asa ang hudyat ng aking simula. Masaya akong gumigising sa umaga na ang mga labi mo na may kurba ang bubungad sa’kin. Daig pa ng lamesang puno ng pagkain ang almusal natin na pritong tuyo at sinangag.

Tanda mo ba ang araw na sinabi ko sa’yo na magiging tatay ka na? Hindi matutumbasan ng kahit anong salita kung gaano tayo kasaya nang mga minutong iyon. Isa iyon sa mga alaala na hindi mawawala sa aking puso at isipan. Ganoon kita kamahal, at ang magiging anak natin. Hindi ko alam, marahil hindi ito ang perpektong mundo pero para sa’kin, nabubuhay ako sa paraiso na tayo lang ang nakaaalam. May langit daw sa kabilang buhay ngunit paulit ulit kong pipiliin ang langit sa piling mo sa ating kwadradong tahanan.

Hindi ko matanggap. Kasabay ng pagdilim ng langit at paglaho ng mga bituin ang aking pagdadalamhati. Ang mundo ko na kinulayan mo, ngayon ay naging purong itim. Tumigil na ang orasan mo, kasunod nito ang pagbagal ng

kamay ng orasan ng buhay ko. Tadhana ba ito? May dahilan ba para mawalan ng pagkakataong magkaroon ng ama ang ating anak? Hindi ko maintindihan at hinding hindi ko maiintindihan.

Tandang tanda ko pa ang araw na may ngiti ka pa sa labing umalis ng ating tahanan. Sabi ko pa nga, “ang pogi mo naman po, crush ko to.” Mahilig tayong magbiruan at maglambingan, pero hindi ko inakala na sa mga oras na ‘yon, iyon na pala ang huling lambingan natin.

Inaasahan ko na uuwi ka dala ang pasalubong mo sakin - ang paborito kong siopao. Pero hindi, inuwi ka ng kabaro mo na pantay na ang paa kasama ang isang colonel. ‘Patawad,’ iyan ang narinig ko sa kanila.

Mas gusto ko ang siopao na pasalubong mo, kaysa sa bandila ng Pilipinas na nakapatong sa kinalalagyan mo ngayon.

Gusto kong manisi sa nangyari sa’yo pero hindi ko alam kung kanino, kung ano. Kasalanan ba ‘to ng opisyales n’yo? Kasalanan ba ng magulong lipunang ito? Kasalanan ko ba dahil hinayaan lang kita sa propesyon na pinili mo? Hindi ko na alam.

Kasabay ng paglubog ng araw ang pagpatak ng luha sa mga mata ko habang nakatayo sa pintuan ng bahay. Nakatanaw sa malayo, umaasang darating ka pa rin.

Patuloy na umaasa, Estella

This article is from: