2 minute read
Takas
PALETA VI
Advertisement
Alam kong hindi ako nag-iisa. Alam ko, nararamdaman ko.
Hindi ako nakararamdam o nakakikita ng multo. Ang totoo, natatakot ako kung sakaling makakita ako pero ang mas kinakatakot ko ay ang mga “buhay.” Oo, silang humihinga at silang may kakayahang pumatay.
Matagal na rin akong nalulugmok sa aking kinatatayuan. Matagal na ring natatakot humiyaw. Lalo’t higit ay matagal na akong ‘di naniniwala sa sarili kong kakayahan. Alam kong hindi ako nag-iisa dahil marahil isa ka sa mga kagaya kong takot sa ‘di nakasanayan.
Ibilang mo ako sa grupo ng sakto lang - ‘di magaling , ‘di rin mangmang. ‘Di ko lang sure kung makakasali ako sa grupuhan dahil madalas akong naiiwang mag-isa at walang makausap man lang.
Takot akong mahusgahan. Takot akong makipagsapalaran.
Takot akong sumubok ng bago. Takot akong humarap sa maraming tao.
Takot akong magpakatotoo. Takot akong ilabas ang tunay na nasa loob ko.
Takot akong makipaglaban. Takot akong manindigan.
Hindi ko alam kung bakit ako nababalot ng takot pero natatakot ako sa mga taong may kapangyarihang pumatay at may kakayahang magpabago ng aking
buhay. Mga matang titingnan ka mula ulo hanggang paa. Mga dilang pag-uusapan ka habang nakatalikod ka. Mga isip na huhusgahan ka na ‘di man lang inaalam ang buong istorya. Mga ngiting pinapaamo ka ngunit mapang-uyam naman ‘di ba? At mga kamay na sinabing hahawakan ka ngunit hihilahin ka pala pababa.
Pinili kong manahimik ngunit hindi magbulag bulagan sa mundong hindi ka papansinin kung wala kang pakinabang. Iilan lamang ang nangahas na ipunin ang mga patapong bagay. Iilan lamang ang nagpahalaga sa mga ‘di kagalingan. At iilan lamang ang pumuri sa gaya kong ordinaryo lamang.
Madalas, nagdadalawang-isip ako kung bubuksan ko ang pinto na may tumatawag ng “tao po” o ako ang kakatok sa saradong pinto dahil natatakot ako sa magiging desisyon na baka pagsisisihan ko. Isa-isa kong inalis ang takot at pinalitan ng tapang ang aking pagkatao. Isa-isa kong hinarap lahat ng nagpaparupok sa pangarap na binubuo ko.
Hindi na ako takot mahusgahan. Hindi na ako takot makipagsapalaran.
Hindi na ako takot sumubok ng bago at handa ng humarap sa maraming tao.
Hindi na ako takot magpakatotoo. Hindi na rin takot ilabas ang tunay na nasa loob ko.
Hindi na ako takot makipaglaban, handa na ring manindigan.
Ngunit ngayon, saan ako magtatago? Saan ko itatapon ang mga damit na puno ng dugo at ang baril na ‘di ko alam kung sino ang nakarinig ng malakas na putok? Saan ko ilulugar ang tapang ko? Saan ko malalaman ang mga sagot sa tanong ko?
Ako na mismo ang buhay na kumitil sa isa pang buhay.
Akong humihinga ako pang pumatay.