2 minute read
Sabaw
PALETA VI
Advertisement
Ang lamig mula sa siwang ng kanilang dingding ang nag-udyok kay May-may upang tuluyan nang bumangon. Umaga na naman. -Nang?
Ramdam na ramdam ni May ang malalamig na kawayan sa katre na kanyang hinihigaan. -Nang?
Tahimik ang paligid, tanging ang kalabog mula sa kanyang dibdib ang kanyang naririnig. Hindi n’ya gusto ang ganitong pakiramdam... pakiramdam na isang taon na rin simula ng kanyang maranasan. -Naaaang?!
Nangingilid na ang mga luha sa kanyang mga mata, wari’y nag-uunahang pumatak. Ayaw na niya itong muling maranasan. -May, May?
Naudlot ang magandang panaginip ni May. -May? Doon ka muna kila Tata. -Ho? ‘Tay, p’wede bang matulog pa ako kahit saglit lang? -Wala nang oras, May. Dali at dalhin mo sila Ekong at Kakay. Kasama mo naman ang iyong inang. Natatarantang wika ng kanyang ama. Kitang kita ang butil-butil nitong pawis. Hindi na nagtanong pa si May at ginising na din ang dalawa pa n’yang mga kapatid. -Nang, ayos na po ang ilang damit nila Ekong, aalis na po ba tayo?
Tila walang narinig ang kanyang ina. Hindi man lang siya nito nagawang pansinin, balisa lang at sa kawala’y nakatitig. -Nang? -Selya! Kilos na! Sila May, bilis! Ngayon n’ya lang nakitang ganito ang kanyang ama, malayo sa kalmado at maamo nitong mukha parati. -Nang, gawa ba ito nang sa lupa? Hindi na naman s’ya nito pinansin at patuloy lang sa paglalakad, bitbit si Kakay na dalawang taon pa lamang. -‘Yon po bang may mga baril na lalaki? Wala pa rin siyang narinig mula sa kanyang ina. Wala yata itong balak hainan man lang ang kanyang kuryusidad. -Bata ka pa. Bigla itong umimik nang malapit na sila kila Tata. -Siyam na taon? ‘Nang, bata pa ba ‘yon? -Si Ekong, patulugin mo na dali, pati si Kakay.
Magtatanong pa sana siya muli pero inunahan na s’ya ng kanyang ina. -Sa kwarto, bilis.
Ang katahimikan ng paligid at ang wari’y daga sa kanyang dibdib...parehong pareho, gaya lang din noon. -‘Nang! ‘Nang naman o! Nasaan ka po ba? palabas na sana ito ng kubo ng makita ang ina. -’Nang! Akala ko nawala ka na rin, agad n’ya itong sinalubong at niyakap. -May nahingi ako kila Beth na pagkain, nagpaabono kasi siya ng kanyang mga pananim kaya nagpakain na rin.
Iba ngayon ang liwanag sa mukha ng kanyang ina, ibang-iba sa naging araw-araw nitong paglugmok dahil sa mga nangyari noon. Gayundin siguro ang ilang tao sa kanilang bayan bagama’t nakatatak na sa kanilang isipan ang lahat. -Kung buhay lang si Ekong at Kakay, ‘Nang, naku’y tuwang-tuwa yun. Paborito nila itong minatamis na saging.
Napangiti lang ang kanyang ina. Hindi na niya siguro dapat ito binanggit gayong mukhang nakalimutan na n’ya kahit saglit lang ngayon ang mga nangyari. -Kung naandito lang ang tatay mo, araw-araw ‘yong may dalang kakanin mula sa bayan. Siguro nga, tunay ang himala. Dati’y laging ipinamumukha ng kanyang ina na dapat nawala na rin sila, ngayon, siguro’y nakasumpong muli ito ng pag-asa. -May, nais mo bang makita ulit ang iyong Tatay? -Opo naman ‘Nang! Pati sila Ekong at Kakay!
Tanging malapad na ngiti ang ibinalik nito kay May habang patuloy sa paghigop ng mainit na sabaw.
Ngunit parang... iba ang lasa ng sabaw.