3 minute read
Musika
PALETA VI
Advertisement
I. Sapagkat sa Musika Lang Tayo Nagtagpo
Ang Musikero
Maagap siyang nagising. Nasulo sa sikat ng araw na sinusunog ang kanyang balat, na tumagos sa malaki niyang mga bintana. Musika ang nagpa-ikot ng mundo niya. Iniluwal siya ng himig at pinalaki ng berso ng awit. Kilala siya ng marami na hindi naman niya kilala. Sa pagkanta niya inialay ang buhay para kumita ng salapi. Madami nang nakapansin sa kaniya. Hindi magara ang pananamit niya. Sakto lang, pa-humble effect daw. Branded ang damit pero halatang hindi bago. Kinuha sa damitan sa iba’t ibang parte ng malaki niyang mansyon. Araw-araw, gitara niya ang kasama niya. Tumutugtog at kumakanta ng mga awiting kaniyang ginawa. Palipatlipat ng lugar na kakantahan. Nagbabaka-sakaling mahanap ang malaking oportunidad sa mundong mapanghusga. At kasabay nito ay ang paglibot sa buong kamaynilaan. Nangungulila sa pamilya at kaibigang naiwan sa probinsya.
Ang Mang-aawit
-Puta! Alas-diyes na! May gig pa ako ng alas-dose. Pagkamulat ay wala ng oras kumain. Dumiretso na sa banyo para maligo.
Palipat-lipat ng bar at panay na pagko-cover ng mga kanta at ina-upload sa mga social media sites. Musika ang tingin niyang tanging daan papunta sa tuktok kung saan matutulungan siyang patunayan sa mga pamilya at kaibigan niyang sinabing tigilan na ito. Umaabot na ng 100,000+ ang bilang ng viewers niya. Madaming nanunuod sa kaniya sa mga live niya sa internet. Madami nagkakagusto at iniidolo siya sa husay niya sa pag-awit. Pero ang suporta ng mga mahal niya sa buhay lang ang hinahanap niya sa libo-libong likes at puso na natatanggap niya araw-araw. Kahit nasa kwarto ay nag-aayos siya at nagsusuot ng magagandang damit na halatang bago kasi hindi pa siya
nakitang mag-ulit ng damit sa mga videos niya. Laptop, mikropono at headset ang naging matalik niyang kaibigan at kasabay maghintay sa malalaking oportunidad na kumatok sa pintuan niya.
II. Sa Laban ng Musika Tayo Nagtagpo
Ang Musikero
-May gig nga pala mamayang alas-dose. Nagmamadaling binitbit ang kaniyang gitara at sinugsog ang kahabaan ng kalye papunta sa maliit na bar kung saan nabalitaan niyang isang malaking music producer ang naghahanap ng mga bagong artists. Daan-daang sariling sulat na tugtugin ang pinamilian niya. Lahat malalim, makahulugan at mapagmahal sa iba’t ibang istilo. Handa na siyang iparinig sa lahat ang musikang maghahatid ng mensahe ng pag-asa at pagbabago. Dumating siya ng tama sa oras. Magsisimula na ang programa. Nakapagpalista na siya sa babaeng nakapitis na mini-skirt sa bungad. Pagpasok niya ay puno ng tao at tumutugtog ang mga himig na nagpapabukas ng isipan. Parang paraiso sa pandinig niya. Handa na siya.
Ang Mang-aawit
Suot ang mamahaling mga abubot sa katawan. Puno ng kolorete ang mukha. Bitbit ang sarili at ang boses na tanging sandata niya sa tingin niya’y isa sa pinakamalaking laban ng buhay niya. -Baka bukas sikat na ako. Bukas makikita na nila na tama ako. Bukas makukuha ko na ang mga pangarap ko. Pinipilit na paniwalain ang sarili niya.
Libo-libong kanta ang nasa ipod niya. Pinili ang pinakasikat na kanta kahit hindi makabuluhan basta maipakita ang galing niya. Dumating siya na puno na ng tao. Kasabay ng tugtog ng drums ay ang kabog ng puso niya na parang anumang oras ay maaari ng malaglag.
VI
PALETA VI
III. Pero Nagkasalisi Tayo
Ang Prodyuser
Batikang musikero. Kompositor ng maraming obra. Ngayon, pinakikinggan ang maaaring pinakamalalaking pangalan sa mga susunod na taon. Pumunta dito hindi para sa pera kung hindi para sa musika. Makarinig ng bagong indayog ng himig. Makakita ng talentong hindi nakikita sa pangaraw-araw na panunuod ng mga audition sa telebisyon.
Isang daang tao mahigit. Sama-sama na may pare-parehong gusto pero iba’t ibang laban. Iba-ibang instrumento at istilo ng pagpapakita ng pagmamahal sa musika. Sa dulo’y pinili ang magaganda ang kasuotan. Iyong mukhang magugustuhan ng taong mahilig manuod ng noon time shows. Balewala ang magandang indie music. Hindi pinakinggan ang mensahe dahil hindi puso ang ginamit pakikinig kung hindi matang hindi naman marunong magmahal.
Ang Musikero
Maagap siyang nagising. Nasulo sa sikat ng araw na sinusunog ang kanyang balat, na tumagos sa malaki niyang mga bintana, ang kaniyang mga mata. Musika ang nagpa-ikot ng mundo niya. Iniluwal siya ng himig at pinalaki ng berso ng awit. At ngayon, nabigo pero hindi tumigil. Kinuha sa damitan sa iba’t ibang recycling bin sa daan. Ang kalye ang malaki niyang mansyon pero hindi ito naging hadlang kailanman.