2 minute read

Saglit na Pagtakas

PALETA VI

Hindi tayo katulad ng iba.“ “

Advertisement

Mahal,

Kumusta ka na? Masaya ka ba diyan? Siguro’y nababahala ka na kasi ngayon lang ako ulit sumulat sa’yo. Pasensya ka na sa matagal kong ‘di pagpaparamdam. Sinubukan ko naman humanap ng oras subalit sobrang hirap dito sa ibang bansa ng buhay. Tatlong trabaho ko sa isang araw, mapagtapos ko lang si bunso ng kolehiyo. Huwag ka papaloko sa mga agency na malaki daw ang sahod kasi doble naman ang gastos dito. Pero huwag mo na muna pansinin iyon. Gusto ko lang saglit tumakas sa hirap sa pamamagitan ng liham kong ito.

Hindi tayo katulad ng iba. Kalsada ang ulian natin habang nagrarally tayong kapit mo ang kamay ko. EDSA ang nagtagpo sa ating dalawa. Pinagtagpo tayo ng pagmamahal sa bayan kahit pinaghihiwalay tayo ng relihiyon, mga ignoranteng mamamayan at lipunang mapanghusga. Shower natin ang tubig na binobomba ng mga bumbero at ako ang matikas at maginoo mong tagapagligtas kapag binabatuta na tayo ng mga pulis. Walang kupas tayong tumataliwas sa pagpapatakbo ng pasismong gobyernong walang inatupag kung hindi magpalaki ng ulo, tiyan at bayag. Sabi mo pa nga hihigitin mo ‘yong bayag ni senator para makita kung may improvement man lamang ba. Mamamatay ako katatawa noon.

Nangungulila ako sa’yo, mahal. Nasanay kasi akong nandito ka lagi sa aking tabi. Noong unang nagsalita ako sa harap ng masa para sa paglaban natin sa Death Penalty, nandoon ka. Kaya kahit anong nginig ng boses ko, pinilit kong isigaw at tapusin ang aking talumpati na maaaring magbago at magsalba ng maraming buhay

sa mga susunod na henerasyon. Mula noon, sabi ko kahit dumating ang araw na wala nang makinig sa akin o talikuran ako ng samahan at iwanan nila akong mag-isang humarap sa taumbayan, kakayanin ko basta nasa tabi kita.

Ngayon, hindi na batuta ng pulis ang kalaban ko kung hindi hagupit ng latigo ng amo ko. Hindi na pagbomba ng tubig ng bumbero kung hindi paglublob ng ulo ko sa inidoro kapag nakalimutan kong pakainin ‘yong alaga niyang aso. Pero hindi ko naramdaman lahat ng sakit doon. Ang pumapatay sa akin arawaraw ay gigising ako na wala ka sa tabi ko at tutulog nang hindi kita nasisilayan sa buong maghapon. Kaya ngayon, inipon ko lahat ng natitirang lakas para sabihin sa’yong lumaban ako dito, kaya ‘yong laban natin diyan, ipagpatuloy mo. Inunahan kong sumulat ng mga salita ang mabilis na pagpatak ng aking mga luha kasabay ng paggising ng isip, sa kabila ng papikit nang mga mata at unti-unting humihinang katawan. At kung bukas mabasa mo ito, sana sa matagal na panahon, napangiti ulit kita. Kahit alam ko na lumuluha ka rin ngayon. Sana naramdaman mong hindi ako nagbago at mahal pa rin kita. Patawarin mo ako kung iiwan man kita ngayon kasi hindi ko na kaya. Pinilit ng puso ang umaayaw na katawan para sa huling liham ko sa’yo. Sana makarating pa ito sa’yo. At kung ito man ang huli, iuwi mo ako. Para malapit ang pagbalik ko sa’yo sa kasunod pang mundo at buhay. Kung mayroon man.

This article is from: