3 minute read
Ang Hindi Lumingon
PALETA VI
“Sandali nating silipin ang kasalukuyan. “ ANG HINDI LUMINGON
Advertisement
Ninais pumusyaw ang balat, tumangos ang ilong, tumangkad at mag-iba ang kulay ng buhok. Ninais magmukhang banyaga. Nag-aral, nagtapos, naghangad ng mas malaking kita, nangibang bansa. Naghanap-buhay, kumayod, nangarap magkaroon ng marangyang buhay. Lupang sinilangan, babalikan pa kaya? Bayang pinagmulan, patuloy bang matatandaan?
Isang pagsasanib-sanib na dati’y waring imposibleng mangyari ang nabigyan ng pagkakataong maging posible. Ang noo’y pangarap ng maraming Pilipino ay tila abot kamay na natin ngayon. Tila ba noon, ang tanging depinisyon ng Pilipinas ay ang simpleng pamumuhay na mayroong mga simpleng mamamayan. Dumaan ang panahon, sumabay na tayo sa modernisasyon ng ilang bansang nakapalibot sa atin. Dito, nagsimula ang pag-unlad at pagkilala sa ating bansa sa iba’t ibang aspeto at larangan. Bukod sa pagiging determinado at malikhain ng mga Pinoy, nabansagan rin tayong isa sa mga mayroong pinakamahinang pamumuno at isa sa nangunguna pagdating sa korupsyon. Nag-umpisang maging komplikado ang lahat. Ngayon, pinag ugnay-ugnay ang maraming bansa sa kontinente upang malayang mabuksan ang bawat daan sa bawat bayan.
Elementarya ako noon nang una akong tinanong ng aking guro. -Paano mo nakikita ang Pilipinas sampung taon mula ngayon?
Ano bang dapat isagot ng isang musmos tulad ko noong panahong iyon?
Bukod sa mayroon na ako ng mga teknolohiyang cellphones, computers at kung anu-ano pa, marahil may kisame na ang aming bahay at may mas nakababata na akong kapatid. Ito ang natatandaang isinagot ko sa aking guro.
Marahil wala pa talaga sa prayoridad ng isipan ng batang nasa ganoong edad ang Pilipinas. Maliban sa ang isang Pilipino ay pango ang ilong, itim ang buhok at kayumanggi ang kulay ng balat, ang isa sa mga namememorya ko ay si Erap pa ang presidente noon at nais siyang ipakulong ng kanyang mga senador. Sandali nating silipin ang kasalukuyan. Mabilis ngang dumaan ang panahon
at sa hindi sinasadya, tila nga tumama nang bahagya o higit pa ang bawat salitang binitawan ko noon. Higit sa dalawang cellphones at computers na nga ang dumaan sa aking mga kamay at naging esensyal na rin ang mga ito sa tao ngayon, mayaman man o ordinaryong mamamayan. Mayroon na ring kisame ang bahay namin kasabay ng pagsulpot ng mga naglalakihang gusali sa bansa. Mga hotel, casino, mall at kung anu-ano pa. Nakatutuwa dahil mayroon na rin akong kapatid na tumatawag sa akin ng “kuya.” Pati rin ang mga kapit-bahay naming humiling din na magkaroon ng mas nakababatang kapatid ay natupad din. Ang mga kaklase ko at mga kaibigan ay hindi rin nabigo. Nagkaroon din sila ng hindi lamang isa ngunit higit pang mga mas batang kapatid. Yaong isa kong kilala na hindi nabigyan ng kanyang mga magulang ng mas batang kapatid ay gumawa ng sariling paraan. Sa hindi inaasahan, nabigyan niya ng apo ang kanyang mga magulang sa maagang panahon. Bawat baranggay at lugar sa bansa, mayroon na rin ng kani-kanilang bersyon nitong ganitong sitwasyon ngayon. Nagtagumpay nga ang mga senador ng dating presidente at pati ang sumunod na pangulong Gloria Macapagal Arroyo ay ipinakulong rin nila dahilan sa pagsangkot sa iba’t ibang katiwalian sa gobyerno. Marami rin ang tumutol sa pamumuno ni Noynoy, at ngayon, binabatikos din ang paraan ng pagdidisiplina ni Duterte sa bansa.
Malapit na akong magtapos ng sekundarya nang muling narinig ang isang pamilyar na tanong. -Sampung taon mula ngayon, paano mo nakikita ang Pilipinas?
Ipinaliwanag ko naman noon na marahil na patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng gasolina, matrikula at lahat ng mga bilihin. Sa ikalawang pagkakataon, hindi ako nagkamali.
Nang nag-kolehiyo ako, nagsimulang umugong ang ASEAN Integration. Ang sinasabing malaking pagbabago sa Asya ngayong darating na 2020. Malayang makakapasok at makalalabas ang isang Asyano sa kontinente upang humanap at mamili ng karerang tatahakin. Katumbas nito, gayon din ang mga dayuhang makababalik sa Pilipinas.
Pagdating ng panahon, hindi na magiging bago sa atin ang mga banyagang makakasalubong natin sa daanan o makakahalubilo sa trabaho. Ngayon, na hindi pa naipapatupad ito, ay marami na sa atin ang labis na humahanga at naiimpluwensyahan ng kanilang mga produkto at pananamit, paano pa sa mga darating na taon? Ang dati na simpleng pango ang ilong, itim ang buhok, kayumanggi ang kulay ng balat at magalang at mapagkumbabang pag-uugaling paglalarawan sa isang mamamayang Pilipino, ganito pa rin kaya pagdating ng mga taon? Paglipas ng panahon, ang mga Pinoy, Pinoy pa rin kaya? VI