4 minute read
Sa Bawat Pagpikit
PALETA VI
Advertisement
-Kaya mo pa ba?
Walang tugong umiling ang bata ngunit bakas sa mukha niya ang kanyang pagtitiis. -Ayos lang umiyak paminsan-minsan, anak, tugon ng isang pamilyar na boses na wari’y nanghehele sa tuwing aking naririnig.
Agad kong iminulat ang aking mga mata, sabik na makita ang pinagmulan ng tinig. -Handa ka na? -Ha? Ngunit bigo akong makita ito. Muli nitong inulit ang kanyang tanong. -Handa ka na?
Bumalik akong muli sa ulirat na parang kakagising lang mula sa isang panaginip, isang masamang panaginip. -Sumunod ka.
Tumayo s’ya at diretsong naglakad palayo. -Teka, ni hindi nga kita kilala…
Pagkatayo ko’y sa isang iglap, nasa harap na ako ng aming bahay. Isang malaking apoy ang bumungad at sumakop agad sa aking paningin. Sunog.
Isang malapad na ngiti ang ibinigay n’ya sa’kin. -Wala ka bang naaalala? Walong taong gulang ako. Wala sa bahay sina Mama at Papa, kami lang ni bunso. Mabilis ang mga pangyayari at kasabay na nilamon ng apoy ang buhay ni bunso. Wala akong magawa kun’di ang pumikit. Mariin.
Walang nangyari. Wala. -Handa ka na ba?
Isang puting kwarto ang nahagip ng aking mga mata sa muli kong pagmulat. Sinundan ng tingin ang galaw ng linya sa makina na sumasabay sa tunog na nagsasabing may buhay pa si Papa. Si Papa, inatake sa puso ng dahil sa akin. Napapikit na lang ako at pinilit alisin muli ang ala-alang matagal ko nang ibinabaon.
Walang nangyari. Walang nangyari. Wala— -Malayo ka pa. Kaya mo pa? -Please?
Ang maamong mukha ng isang dalaga ang sunod ko namang nasilayan sa muling pagmulat ng aking mga mata. -Niel please, ‘wag mo nang ituloy…
Nakabaling ang kanyang mga pagmamakaawa sa taong nasa kabilang panig ng silid. Isang binatang may mga matang tila walang nakikita. Kilalang-kilala ko ito dahil ito ang mukhang bumubungad sa akin sa arawaraw na pagtingin ko sa salamin.
-Niel… -‘Wag kang mag-alala, iinumin mo lang ‘to iha at madali nang luluwag ang kapit ng bata, ani ng matandang nasa tabi nito.
Bakas ang pagkamuhi ng dalaga sa binata ngunit wala itong magawa.
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata at itinakip ang mga kamay sa magkabilang tainga.
Tama na. -Kaya mo pa ba?
Ayoko nang imulat ang mga mata ko. -Renan, Linda...
Isang pamilyar na boses, ibinabalik ang isa sa mga ala-alang nais ko nang ibaon sa limot. -Pakiusap Renan, Linda… iurong n’yo na ang kaso. Pakiusap… -Naku Teresa, kung hindi lang dahil sa’yo. Patawarin nawa ako ng panginoon. Susko, Teresa… -Pakiusap Linda para mo nang awa patawarin n’yo na ang anak ko. Huwag n’yo na s’yang ipakulong, ako na’ng magbabayad… -Kinukunsinti mo kasi ‘yang anak mo kaya humahaba ang sungay e.
Muli kong iminulat ang aking mga mata.
Hindi. Hindi ito. Sa lahat-lahat, ito ang pinakaayaw kong makita.
Si Mama, nakaluhod, nagmamakaawa.
Humihingi ng tawad para sa kasalanang ako naman ang gumawa.
Tinakip ko ang mga kamay ko sa aking mukha at sumigaw ng isang sigaw na walang nakarinig. -Kaya mo pa ba?
Tama na. -Pumikit ka ma’y wala nang mababago. Pilitin mo mang ibaon sa limot ang lahat, nangyari na.
Panaginip lang ang lahat. Panaginip— -Pinipilit mo pa rin bang paniwalain ang sarili mong wala kang kasalanan? Na inosente ka? Na biktima ka lang ng kalupitan ng mundo gayong ikaw naman ang dapat sisihin?
Ang pakiramdam ng walang pakialam sa mundong ginagalawan, sa mga taong nakapaligid..
Ayoko na, ayoko na—
VI
PALETA VI -Sa tingin mo ba’y mababago mong namatay ang bunso mong kapatid? -Boj, akin na ‘yung posporo. -Kuya, sabi ni Papa ‘wag daw tayong maglalaro n’yan. -Wala sila, ‘wag ka na lang maingay. Muli kong nadama ang matinding init, init na hindi mula sa sunog, bagkus ay init na mula sa loob ko. Ayoko na. -Na mabubura mo ang lahat ng naging paghihirap ng nanay mo para lang maituwid ang iyong buhay? Pakiusap.. -Na maibabalik mo ang buhay ng ‘yong ama? -Niel, ano na naman ‘yan! Sinabi ko nang itigil mo na ‘yang adiksyon mong ‘yan Niel! Sinabi nang ‘wag ka nang bumarkada sa mga ‘yon! Sinisira mo lang ang buhay mo! Ano pa bang kailangan naming gawin ng Mama mo para umayos ka? Hindi mo ba nakikita ang mga ginagawa naming paghihirap para sa’yo?! Tapos anong ginagawa mo? Puro katarantaduhan--Pa? Niel! Ang papa mo Niel! Ano pang ginagawa mo d’yan!? Susme Niel!
Ang Papa mo! Hindi ko na kaya. Hinayaan ko nang umagos ang mga luhang kanina pang gustong kumawala sa aking mga mata -Ayos lang na umiyak minsan, lalo na pag nasusugatan. Ilang taon na ang lumipas ngunit tila kamakailan lang nang huli kong narinig ang malambing na boses na ito. Iminulat ko ang aking mga mata sa pag-asang masisilayan ko ang kanyang mukha. -Ayos lang ‘yan anak. Nandito si Mama. Tahan na anak. Tahan na. Ilang taon akong walang ibang kinapitan bukod sa ligayang naibibigay ng materyal na mundo. Ligayang sa bawat paghithit, lahat ng problema ko’y maglalaho, lahat ng mga kasalanan ko’y maiibaon sa limot, na ako lang ang may buhay sa aking mundo. Matapos ang ilang taong pagmamatigas, pagtakbo at pagtakas, sa kanya pa rin pala ako babalik.