4 minute read

Sino ang Pumatay ng Ilaw?

PALETA VI

“Hindi na kinaya ni Cedric at tinalikuran na lamang ang taong sanhi ng kanyang pagdaramdam. “ SINO ANG PUMATAY NG ILAW?

Advertisement

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Ilaw! Lamok na may ilaw! Sambit ni Cedric na halatang saka pa lamang dinadatnan ng kamusmusan. Tumawa si Tatay Felipe, at ipinaliwanag niyang -Hindi apo, ang tawag dito ay alitaptap. Inulit-ulit banggitin ni Cedric ang katagang alitaptap at kitang-kita sa kanyang mga mata ang pagkamangha sa mga ito. Ngunit para kay Tatay Felipe, walang alitaptap ang mas nakamamangha sa liwanag sa mga mata ni Cedric.

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Ahmmm… moon po. Sabay ngiti ni Cedric, na siya ring nagdulot ng pagkurba ng labi ni Tatay Felipe. Nakikita n’ya na unti-unti nang lumalaki si Cedric.

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Gameboy, lolo. Ang ganda, ‘di ba? Bigay sa akin ni Papa. Tingnan mo oh, lo. Laro tayo, tuturuan kita. Wika ni Cedric kay Tatay Felipe na nakangiti sa galak at kuryosidad sa tinatawag ng apo niyang ‘gameboy.’

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Lo, cellphone po yan. Binigay po sa akin ni mama. Napatango si tatay Felipe, sapagkat ‘di niya inakalang may ganoong klase ng cellphone na pala, ni hindi man lang niya nakita ang pindutan at parang salamin ang nipis. Napaisip si Tatay Felipe, -Tumatanda na pala talaga ako.

-Apo, ano itong umiilaw? tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Hays, lolo, pang sampung beses mo na tinanong sa akin ito. Laptop po ito. Naiintindihan n’yo po? Laptop.

Kumunot ang noo ni Tatay Felipe. -Pang sampung beses? Ngayon ko pa lang naman ito tinanong ah? Sabay ng buntong hininga, napailing na lamang si Cedric at itinuloy ang kanyang ginagawa para sa kanyang trabaho.

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Lolo, ‘wag po kayong maingay. Nanonood po ako ng TV.

Nanlaki ang mata ni tatay Felipe. -Ibang klaseng telebisyon na pala ang meron tayo. Ang laki at parang totoo na ang pinanonood. Bulong ni Tatay Felipe kay Cedric. -Shhh! Huwag po kayong maingay lolo. Tumahimik si Tatay Felipe.

-Apo, ano itong umiilaw? Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. -Lo, ano na naman pong ginawa ninyo?! Galit na sambit ni Cedric. -Naglalakad lakad lang naman ako, tapos… tapos... Wala nang masabi si Tatay Felipe kay Cedric, sapagkat nalimutan na niya ito.

Tinalikuran siya ni Cedric upang kausapin ang taong may sasakyang umiilaw. -Sige po, officer. Pasensya na po kayo sa abala, ‘di na po mauulit. -Sige ha?! Alagaan mo ang lolo mo, at ‘wag papabayaang mag-isa. Naiintindihan mo ba iyon?! -Opo. Salamat po, pasensya na ulit.

Hindi na malaman ni Cedric ang gagawin niya sa kanyang lolo. Tila araw-araw, pahirap nang pahirap ang pag-aalaga rito at hindi na niya kinaya pang tiisin ang bigat ng kanyang nararamdam sa tuwing nakikita niya ang

VI

PALETA VI

kanyang lolo na litong-lito sa pangyayari sa kanyang paligid.

-Apo, ano itong— Napatigil ang lolo nang sigawan siya ni Cedric. -Lolo, ilang beses ko pa po ba ito kailangang ulitin?! Bakit ba hindi ninyo magawang tandaan? Napakasimple lang nito oh!

Napatigil si Tatay Felipe nang sigawan siya ni Cedric. Kitang-kita sa mata ni Cedric ang luha mula sa pagkagulumi ng utak nito. Malayong malayo sa dating kislap noong bata pa siya, sambit ng lolo sa kanyang isip. Hindi mapigilang sisihin ni Tatay Felipe ang kanyang sarili sa pagdaramdam ng kanyang apo. Kahit hindi niya alam ang kabuuan ng nangyayari. Basta ang alam niya, ang nakikita niya, isang kawawang Cedric na hindi niya kayang matiis tingnang umiiyak.

Kumunot ang noo ng lolo. At tila nagtaka. -Ano nga ba ulit ang nangyayari? Bakit ka umiiyak, apo?

Hindi na kinaya ni Cedric at tinalikuran na lamang ang taong sanhi ng kanyang pagdaramdam. Mabagal na naglakad palayo at pinabayaan na lamang ang lahat.

Makalipas ang ilang araw, wala pa ring pagbabago sa sitwasyon nila. Patuloy pa rin ang pagkalimot ng matanda sa lahat ng kanyang ginagawa.

-Apo, ano itong umiilaw?

Tanong ni tatay Felipe sa kanyang apong si Cedric. Buntong hininga ang lumabas sa bibig ni Cedric at hindi na lang niya ito sinagot. Dumaan ang maraming araw, hindi na sumasagot si Cedric sa kahit anong itanong ni Tatay Felipe. Tila parang wala nang kausap si Tatay Felipe. Pero kahit ganoon ang sitwasyon, patuloy pa rin ang kanyang pagtatanong.

-Apo, ano itong… Sabay ng isang malakas na yabog sa sahig.

Napatingin si Cedric at nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niyang nakahandusay sa sahig si Tatay Felipe. Agad siyang tumawag ng ambulansya at madali itong dinala sa ospital. -Apo, ano itong umiilaw? Tila parang tinatawag ako.

Hindi na umimik si Cedric. Umiyak na lamang siya sapagkat alam niyang hindi na maka-aabot si Tatay Felipe. Sa puntong iyon ng buhay n’ya, pinagsisisihan n’ya lahat ng kanyang inisp at ginawa, at ng hindi n’ya nagawa para kay tatay Felipe. -Apo, ‘wag kang mag-alala. Mukhang heto na ang huling ilaw na makikita ko. Hindi na ako muling magtatanong pa.

Makalipas ang ilang linggo. Bumalik si Cedric sa bahay ng kaniyang lola, at muling lumuha nang makita ang mga alitaptap. Lalong lumuha si Cedric sapagkat wala na siyang naririnig na -Apo, ano itong umiilaw?

This article is from: