2 minute read

Saranggola

PALETA VI

SARANGGOLA Hindi naman pala ganoon kasama ang pagiging buto’t balat.“ “

Advertisement

-Buto’t balat lumilipad! Si Popoy o! Hahahaha! At muling nagtawanan ang mga bata.

Araw-araw, ganito ang kalagayan ni Popoy, kinukutya ng mga bata sa kanilang baranggay sa tuwing binabagtas ang kalye patungo sa karinderyang madalas n’yang puntahan.

Malapit na s’ya. -Kuya Emer… -O, Popoy, medyo hapon na. Bakit ngayon ka lang? Si Emer, hindi n’ya kaanoano ngunit napakabuti sa kanya. -Si Ina, may iniutos.

Sabay pahid sa likidong nasa kanyang ilong gamit ang marumi at sira-sirang kamiseta na kanyang suot. -O, heto. Pasensya na Popoy. Nagkaubusan kami ng ulam at kanin. May liga kasi ngayon. -Salamat kuya Emer!

Biglang nabuhayan ang kaninang lambuting si Popoy. Nakangiti itong tumakbo dala ang supot na may lamang bahaw at dalawang mangkok na sabaw. Tumakbo ito upang hindi na rin marinig ang pangungutya ng mga bata kapag dumadaan siya. -Oooooow, lamapayatot kasi! Buto’t balat pa! Popoy, buto’t balat! Hiyaw ng mga bata matapos talapirin si Popoy. Natapon ang kanin na nasa dala-dala nitong supot. Mangiyak-ngiyak n’yang inilagay itong muli sa supot.

Nang makarating s’ya sa kanila’y agad n’ya itong itinago sa kanyang bulsa. -Oy gago! Akin na ‘yang nasa bulsa mo, dali! -Para ‘to kina Nita at Juma. Kanina pa sila umiiyak kas... -Wala akong pakialam! Bilis!

Alam n’yang totoo ang sinasabi ng mga kapitbahay nila, na gumagamit ito ng droga at alam din n’ya ang maaaring gawin sa kanya ng kanyang ina kapag sinuway

n’ya ito. Wala na s’yang pakialam sa maaaring mangyari. Tumakbo s’ya patungo sa kanyang mga kapatid. -Nita. Juma. Bilis! Kainin n’yo na ‘to!

Agad nilantakan ng mga ito ang dala ng kapatid. Napatigil sila sa pag-iyak at wari’y mga baboy na sumubsob sa pagkain, ‘di alinatana ang itim na butil- butil sa kanin. -Talaga namang! Hali! Bilis! Parini kang hayop na bata ka! Kinaladkad nito ang patpating katawan ni Popoy, walang pakialam kung masagi ang mga gamit sa masikip nilang tirahan. -Hayop ka talaga! Inutil ka na nga, wala ka pang kwenta. Nahagip nito ang isang malapad na patpat mula sa sira nilang dingding.

Malalakas na hagupit ang natamo ng mga patpating hita at braso ni Popoy, walang pag-aalinlangan, ni walang anumang bahid ng awa.

Bakas kay Popoy ang pagpipigil sa pag-iyak ngunit nangingilid na ang mga luha nito. -Ano?! Nagmamatigas ka?! Sandali at humanda ka! Nahagip ng kanyang mga mata ang tubo at agaran itong kinuha.

Patuloy sa pagkain ang mga kapatid ni Popoy habang iniiwasang tingnan ang kalagayan ng kapatid, dala ng matinding kagutuman at mura pang isipan. -O? Ano? Ano?! Manang-mana ka sa tanga mong ama! Magsama kayo!

Dama n’yang nag-uunahang mabali ang kanyang mga buto. Hindi na puro pasa ang nasa mga hita nito.

Wala na s’yang marinig. Tumigil na siguro ang kanyang ina sa paghampas. -Popoy, buto’t balat lumilipad! Buto’t balat lumilipad! Hahahaha ang payat kasi!

Naramdaman n’ya ang unti-unti n’yang pag-angat. Lumilipad na nga s’ya. Hindi naman pala ganoon kasama ang pagiging buto’t balat.

This article is from: