2 minute read
KATOK
ARIANNE ROSEWELL MALING
Tao po, Tao po. May tao po ba? May tao bang nakakakita, Sa danas ng mga lumilikha?
Advertisement
Tao po, Tao po. Nakikita niyo ba? Kung paanong ang mga likha, Tila’y mga palamuti na lamang. Katumbas ay kakarampot na barya, Para sa dugo’t pawis ng mga hinirang.
Tao po, Tao po. Naririnig niyo ba? Ang sigaw ng aming mga tintang binubura. Pilit na kinukulayan ng itim ang aming dangal, At binabaluktot ang wangis ng aming mga ipinaglalaban.
Tao po, Tao po. Buhay ang aming mga pinta! Tangan namin ang sining na nakahanay sa linyang masa! Tangan namin ang kalagayan sa kalsada!
Tao po, Tao po, Titigang mabuti ang sakit sa bawat rikit, Damhin ang gulo ng kapayapaang mapagkunwari. Patuloy na lilikha laban sa naghaharing-uri!
Hibla Mhaigne Ahne Luca As
Mula ako sa pamilya ng mga manghahabi. Alam ko ang kwento ng bawat hiblang tinatahi ko. Kabisado ko bawat hilatsa, gaya ng tulang may sukat, saknong, tugma, at talinghaga. Bawat hibla ay pahayag ng emosyon at kalagayan ko. Madalas ay parte sila ng katawan ko, himulmol ng kaluluwa ko. Hinugot mula sa gulugod gaya ni Eba kay Adan.
Isang umaga sa kahabaan ng palengke ng Benguet, nakaupo ako sa harap ng tindahan ng mga telang habi ng pamilya ko. Lumapit ang isang ale, nakasalamin panangga sa araw, pula ang labi, habang suot ang malaking sumbrerong fedora.
“Ne, ang ganda naman nitong tela mo. Magkano?” Sabi niya habang hinahaplos ang telang isang buwan kong trinabaho.
“500 po.” Nakangiting tugon ko. Iniabot niya ang pera, tinalikuran ako sabay kuha ng tela. Ipinulupot ito sa leeg, kumuha ng larawan sa kanyang mamahaling selpon bago umalis.
Tinignan ko ang inabot na pera nang walang emosyon. Hindi kasya ang limang-daang piso para mapakain kami nila Nanay. Walang ring matitira para ipangbayad namin sa mga inutang na materyales. Kung titigil ako, isa pang dagok ito sa namamatay na industriya ng paghahabi.
Hindi ako pwedeng tumigil. Araw-araw kong isasalang ang mga daliri ko sa pagod. Walang pagod na pagtatagpi-tagpiin ang mga hibla habang ikaw ay paulit-ulit rin na mananawagan na tangkilikin ang gawang lokal dahil hindi lang naman tungkol sa akin ang paghahabi. Tungkol din ito sa iyo, sa hibla ng pagkatao mo bilang Pilipino.
Umupo ako sa harap ng salamin, Kinuha ko ang pulang powder at siyang nilapat sa aking pisngi. Nang makita kong pantay na, Saka ko kinuha ang lipstick na pula. Nilapat at kinalat sa aking labi. Hanggang manalaytay ang kompyansa sa sarili.
Nang makitang maayos na ang sarili, Ay siyang aking paggayak. Bawat hakbang ay ramdam ang bawat sulyap, Rinig ang bawat haka-haka. Hindi ko ito inalintana at hinawi pa ang aking buhok Na akala mo ay rarampa sa isang paligsahan.
Nung ako ay nasa gilid na ng eskinita, Bigla na lang akong hinila
Nagpumiglas pero hindi ako makawala. Ang mamula-mulang pisngi ay napalitan ng pasa At ang pulang lipstick ko ay naging likido na.
Lagi na lang bang ganito?
Kung hindi diskriminasyon dahil sa kasarian ko, Inaatake at inaabuso naman ako. Maswerte na lamang ako at ako ay humihinga pa, Habang ang iba ay isinilid na sa maleta.
Pero hanggang dito na lang ba?
Hahayaan ko na lang ba na yurakan ako at gawing basura?
Wala akong sinayang na sandali
Kahit ako’y wala sa sarili
Tumayo ako at naglakad
Tumungo sa lansangan
Kung saan rinig ang bawat ingay, Ang bawat sigaw, ang iba’t-ibang hinaing
Namataan ang kapwa inabuso
Dala ang aking danas at hinagpis
Nilahad ko ang aking kwento.
Hindi dito natatapos ang aking pakikibaka
Katulad ko, marami din ang sinamantala
Niyuyurakan ang pagkatao at tinuturing na basura
Kaya tuloy-tuloy ang pagsulong ng ating karapatan
Gamit ang red lipstick, Ihayag ang sarili pati ang adhikain
Kasama ka, protektahan ang isa’t-isa
Mula sa mga taong mapang-abuso, mapangsamantala
Dahil hindi na natin muling hahayan kumalat ang lipstick na pula.