1 minute read

HIGIT PA SA NASISILAYAN

Hindi lang lutong o lalim ng mga salitang iyong hinahabi ang dapat hangaan O kung paano mo binibigyan ng ningning ang mga mata ng sinuman Ni hindi rin sa bawat indak na nagagawa ng iyong katawan, O kung paano mo nabibigyang kulay gamit ang iyong munting kamay ang iba’t ibang kathang larawan.

Higit pa sa mala-anghel mong tinig, Sa linaw ng mga larawang iyong pinipitik, Sa dramatisasyon ng nakauulol mong halik, At tibay ng imaheng iyong hinulma mula sa putik Ang dapat masilayan Ng mga pagod at manhid na mata’t isipan.

Advertisement

Ang sining ay higit pa sa libangan Nagagawa nitong pagyabungin ang isipan, Binibigyang liwanag ang pinakamadilim na bahagi ng ating kasaysayan Nang maalala ang ninakaw na mga karapatan ng mga buwitre’t halimaw sa lipunan.

Ang sining ay makapangyarihan. Binabasag nito ang katahimikan, Sinisiwalat ang karahasan, Upang maiparating ang hinagpis ng mga taong nagdaan At iba pang inhustisyang nararanasan ng kasalukuyan.

Ang sining ay kawangis ng karagatan. Kinakailangan lusungin ang lawak at lalim upang pambihirang yaman ay matuklasan.

Kaya’t sa susunod na mapukaw ang iyong mga mata Sa mga likhang sining na nasisilayan, Maalala mo sanang ‘di lang perlas ang matatagpuan sa ilalim ng karagatan Nariyan ang pating na naghahasik ng lagim upang pagsisid ay ‘di mo na subukan.

This article is from: