2 minute read
PAGMAMAHAL
ERICA MAE GOZO
‘Hindi tayo pwede Pinagtagpo pero ‘di tinadhana’
Advertisement
Ramdam ko ang bahagyang pagsakit ng dibdib dahil sa yanig na dulot ng sobrang lakas ng dagundong ng kanta mula sa stereo ng sinasakyan kong dyip. Tiningnan ko ang iba pang pasahero at nakitang sumasabay sila sa kanta.
“Bayad po. Pasuyo po, ate!” bahagyang pasigaw na wika ng isang pasahero sa akin. Inabot ko ang pamasahe at ibinayad sa mamang tsuper.
Maya-maya pa, huminto ang dyip sa harapan ng isang tindahan. Tiningnan ko ang mga paninda. Puro hugis puso at bulaklak. Litaw ang kulay rosas at pula. Paniguradong malaki ang kita nila lalo’t Pebrero na.
May sumakay na magkasintahan. Umurong ako para makaupo sila. Muling umandar ang dyip.
Napatingin ako sa aking katabi. Abala sa panonood sa cellphone ng romance movie na ginampanan ng isang sikat na loveteam mula sa malaking istasyon sa bansa.
Nag-iwas ako ng tingin bago maramdaman ang sunod-sunod na pagtunog ng cellphone ko hudyat na may bagong mensahe. Kinuha ko iyon sa bulsa ng kalong kong bag.
From: Mama
Asan ka?!
Sino na namang kasama mo?
From: Isabel
Mahal, nakauwi ka na?
Tumingin ako ulit sa paligid.
“Ang hirap magmahal sa lipunang lulong sa konsepto ng pagmamahal ngunit ‘di kayang tanggapin ang iba’t ibang mukha ng pag-iibigan,” bulong ko sa isip bago muling binuksan ang cellphone at nagtipa.
To: Isabel
Nasa byahe pa, mahal. Sunduin kita ulit bukas? :’))
Mulat
ARIANNE ROSEWELL MALING
Mula noon, Hanggang ngayon, Patuloy na mangangalampag, Patuloy na makikibaka!
Hangga’t nakaupo silang mga berdugo, Silang mga lason sa lipunan.
Hangga’t buhay ay pinagkakait at kinukupit.
Mula noon, Hanggang ngayon, Patuloy ang sigaw para sa pagbabago!
Sa likod ng matataas na gusali, Sa maingay na kalsada, Mayroong mga nakayapak at mabigat na pasyon.
Dinggin ang pasulong na hamon sa mga pasista;
“Itaas ang sahod ng mga manggagawa!”
“Tigilan ang mga pag-atake!”
“Hustisya para sa mga ninakaw na buhay at dignidad!”
“Kalayaan mula sa tiranya!”
Mulat kaming magpapatuloy sa pakikibaka!
Hinding hindi yuyukod sa sinasamba ninyong tuta!
Tumindig
MARIA ASHLEY DENISE BARBOSA
Hanggang kailan tayo mananahimik?
Hanggang kailan tayo mag-iiba ng tingin, at magbubulag-bulagan sa danas natin?
Hanggang kailan tayo makakalimot?
Hanggang kailan tayo magtitiis?
Mas lalong pinipigilan, mas lalong bumoboses
Pilit man hinaan, ngunit mas lalong maninindigan
Pilit man takpan ang mga mata at bibig, ngunit hindi tatahimik, hindi pipikit!
Isang hakbang paharap, Isang lingon patalikod
Ang nakaraan ang siyang bukas at ngayon Hinding-hindi makakalimot, Hinding-hindi tatalikod.
Hangga’t may inaapi, inaabuso
Mas lalong titindig at kikilos Hinding-hindi magtitiis, Hindi laging sasang-ayon.
Ang pakikibaka ng masa, Ay hindi pansariling interes lamang Hangad nila ang magandang bukas, Para sa bayan.
Kailaman hindi matitiklop, maduduwag Lalaban at lalaban hanggang kamatayan.
Ang mga traydor at mapang-abuso ay hindi magwawagi Hindi pasisiil
Ang kasaysayan ay hindi mababago, Hindi mag iiba.
Walang ibang bersyon, kundi katotohanan lang.
Hangga’t may naiiwan, inaabuso at pinapatay ng sistema, Hinding-hindi mang-iiwan. Makikibaka para sa kinabukasan.
Diwa Ng Obra
Ederlyn Terrado
Sa bawat likhang-sining, Madalas, ‘di tanaw ang kariktan, Malabo kung sipatin. Kung minsa’y parang hangin, – Walang dating.
Higit pa sa kulay ng tinta, O dibuho ng isang obra natatapos ang kahulugan, ‘Pagkat sa pagguhit, Nagsisimula ang pagmulat.
At kung pag-iral ay katumbas ng katatagan, Sa sining matutuklasan, Ang saysay ng paglipad, – pagpapabagsak sa uring mapangahas!